Uncategorized

Ang paglilibing sa National Artist Awards


MADAMDAMIN ang pagluluksa ng mga nagmamalasakit sa katapatan at kabusilakan ng National Artist Awards na kada tatlong taong iginagawad ng gobyerno para sa mga natatanging alagad ng sining sa iba’t ibang larangan. Ngayon ay tinatawag nang Order of National Artists ang timpalak na ito na siyang pinakamataas at pinakamatayog na gantimpalang makakamtan ng isang artista […]

MADAMDAMIN ang pagluluksa ng mga nagmamalasakit sa katapatan at kabusilakan ng National Artist Awards na kada tatlong taong iginagawad ng gobyerno para sa mga natatanging alagad ng sining sa iba’t ibang larangan.

Ngayon ay tinatawag nang Order of National Artists ang timpalak na ito na siyang pinakamataas at pinakamatayog na gantimpalang makakamtan ng isang artista sa Pilipinas.

Nailibing na rin ang sagisag ng National Artist Awards sa bakuran ng National Commission for Culture and the Arts sa Intramuros, Maynila.

Doon din ay isinuko nina Bienvenido Lumbera at Virgilio Almario ang kanilang mga medalyon ng kagitingan sa sining dahil sa kanilang paniniwala na wala nang saysay ang kanilang parangal dahil sa anomalyang bumabalot sa pagpili ng mga karapat-dapat.

Itinatakwil ng mga taga-Concerned Artists of the Philippines, kung saan sina Lumbera at Almario ay kabilang, ang walang saysay na pagpili kina Cecil Guidote-Alvarez at Carlo J. Caparas o sa maling proseso ng pagtatalaga sa mga ito.

***

Sumama sa martsa sa Cultural Center of the Philippines ang mga mang-aawit na sina Bituin Escalante, Celeste Legaspi, Jim Paredes ng Apo Hiking Society at iba pang singer at ang mga bituing sina Leo Martinez, Johnny Delgado, Gary Lim, Armida Siguion-Reyna gayundin ang mga direktor na sina Jose Javier Reyes, Mark Meiley, Carlitos Siguion-Reyna, Laurice Guillen at iba pa para maibahagi at makibaka sa katiwalian na kasabwat sa pagpili ng National Artists ng Pilipinas.

Nakaitim ang halos lahat ng na dumalo bilang tanda ng pagluluksa.

May korona pa ng patay na inihanda para sa dramatisasyon ng kamatayan ng National Artist Awards.

Ang sagisag pa ng parangal ay nakasakay sa isang parang karo pero kotse lang naman at ang simbolo ng parangal ay isinugod sa NCCA at inilibing doon.

***

Kaya lang, sa daloy ng protesta ng CAP sa tapat ng NCCA ay biglang lumitaw ang aktres na si Angie Ferro at isa-isang pinagtatarayan ang mga aktibistang alagad ng sining.

Itinanong ni Angie kung bakit nandoon si Johnny.

Sinabihan naman si Ferro ni Lumbera na ang tanda-tanda na ay nakay Cecil pa at nakikinabang.

Sinagot naman ito ni Angie na wala siyang napapala kay Guidote-Alvarez, maging sa NCCA dahil siya ay aktres lamang.

May isang bulag na nagngangalang Zaldy na miyembro ni Cecil ng Dreams Ensemble, isang grupo ng teatro ng mga bulag. Nagtatataray rin ang bulag at nais manghagis ng speaker ng sound system sa mga raliyista sa labas ng NCCA building.

***

Naging komprontasyunal na ang lahat at sa dulo nito ay personalan na pero hindi nga ba’t ang personal ay pulitikal kaya ‘yan ang eksenang hinubog ng kilusang ito.

Gayunman, may isang nilalang, nagngangalang Rollie de Leon, isang scenarist sa ABS-CBN at GMA Network at siyang nagdisenyo noon ng set ng “Superstar” ni Nora Aunor sa Channel 9, ang nais pagkasunduin ang mga naglalabanang kampo.

“Nasa NCCA ako dahil may meeting kami para sa ‘Baler,’ the musicale. Kailangang nandoon ako sa loob. Pero ang tingin sa akin ng mga kasamahan ko sa arts department na kasama sa mga nagra-rally ay kay Cecil ako. Hindi gano’n ang gusto kong palabasin. Walang gano’n. Kung sila ay may first group o second group, nais kong gumawa ng third group, ang pag-isahin ang mga artists dahil pare-pareho lang naman kami,” pahayag ni Rollie.

Kaya ang ginawa ni de Leon ay lumabas siya ng gusali ng NCCA at nagpunta sa isang tindahan sa tabi at siya ay bumili ng mga bottled water.

“Ang ginawa ko, binigyan ko si Angie ng isang botelya. Kasi, baka atakehin siya sa puso at nang lumuwag ang kanyang paghinga. Tapos, binigyan ko rin si Bien Lumbera dahil para makahinga rin siya nang maluwag sa tensyon. Kasi, mahal ko silang lahat,” pahayag ni Rollie, isang beteranong artista.

***

Ang kay Rollie ay pamamangka sa dalawang ilog at pagiging isa sa mga biktima ng maraming tunggalian sa lipunang ito.

Marami ang ayaw na magpahayag ng kanilang tunay na saloobin sa pagkakataong ito na may isyung kinakaharap ang showbiz.

Samantalang nagpapakita ng tunay na kulay sina Jim, Celeste, Leo, Joey Reyes, Leo Abaya, Mark, Johnny, Laurice at ang ibang nasa kampo ng mga progresibo at kontra sa paraan ng pagpili sa 2009 National Artists at sina Ferro, Vilma Labrador, Donna Villa at iba pa na nasa kabilang panig, ang mga tulad ni de Leon ay nangangapit sa anumang puwedeng yakapin para mabuhay at ipagpatuloy lang ang kanilang trabaho.

Maging ang mga teknokrat at kasama sa opisyal na pangangasiwa ng CCP tulad ni Emily Abrera ay nakiisa sa martsa kasama sina Imee at Irene Marcos.

Sa hirap ng buhay, ang pagpanig sa alinmang kampo ay nangangahulugan ng sakripisyo at ayaw magsakripisyo ni Rollie.

Para sa amin, ang daming malalawak at malalalim na katotohanan at detalye ng usaping ito na maaari pang talukapin at alamin subalit ang pagyakap sa mga simulain ng tamang proseso sa pagpili ng National Artist ang higit na nakakatawag-pansin at aming kinikilingan.

***

Para sa amin ay may karapatan na manalo si Cecil ng National Artist Award dahil sa kanyang mga nagawa sa Philippine Educational Theatre Association, Dulaang Balintataw, Balintataw TV at iba pang artistikong gawain subalit sana ay nagbitiw na muna siya sa pagiging Executive Director ng NCCA at Presidential Adviser on Culture and the Arts para walang conflict of interest.

Ang sabi nga ni Elmar Beltran Ingles ay dapat na nagretiro na si Cecil noong isang taon batay sa alintuntunin ng Civil Service Commission na ang bawat empleyado ng pamahalaan ay magretiro na sa edad sisenta y singko pero pinili ni Cecil na magpatuloy.

Ito ay ayon na rink ay Labrador, ang tagapangulo ng NCCA. “Walang conflict of interest si Cecil dahil nagre-resign at nagre-retire na nga siya pero hindi ko tinanggap. Hindi siya dapat akusahan na walang delicadeza,” pahayag ni Villma sa presscon nina Carlo at Cecil sa NCCA noong umaga bago magprotesta ang CAP.

Si Cecil pa rin ang puno ng Secretariat ng Order of National Artists samantalang si Labrador ay nakaupo sa Honors Committee ng Malacañang pumipili ng mga karapat-dapat sa parangal.

Samakatuwid, biktima s Cecil pero maaari rin siyang umalagwa sa pagiging biktima.

***

Nagrereklamo ang mga taga-UP College of Music sa pagkakalaglag ka Dr. Ramon Santos bilang lehitimong National Artist for Music.

Nalathala na kasi sa pahayagan na isa si Santos na gagawaran ng parangal subalit noong ika-30 ng Hulyo ay nawala ang kanyang pangalan sa opisyal na listahan.

Ano ang nangyari?

Ayon sa mga taga-UPCM, bagamat may karapatan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magdagdag ng kanyang mga nais maging National Artist, wala siyang karapatan na mag-veto o maglaglag o magbawas ng rekomendasyon ng CCP at NCCA.

“Sa totoo lang, napakaraming boto ni Dr. Santos sa deliberation. Siya ang pinakamarami sa lahat kaya nagtataka kami kung bakit nawala siya sa listahan,” pagtataka ni Elmar Beltran Ingles, Commissioner for Cultural Dissemination ng NCCA.

At bigla na lang sumulpot ang mga pangalan nina Jose “Pitoy” Moreno at Fernando Mañoza.

Gayunman, ayon kay Ingles, talagang nominado si Carlo sa kanyang parangal.

***

Sa presscon ni Carlo, tinanong niya ang mga naroroon kung siya ay karapat-dapat na maging National Artist at malakas na “oo” ang sinabi ng mga dumalo kabilang ang mga extra at stuntman na may dala-dala pang plakrad ng pagpuri kay Caparas. Kasama rin ng maliliit na artistang ito ang kani-kanilang pamilya at asawa’t mga anak.

Ayon naman sa manifesto na nilagdaan ng mga taga-UP College of Mass Communication sa pangunguna ni Roland Tolentino, dekano ng kolehiyo at pangulo ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, hindi nakaabot sa pamantayan ang mga likhang-sining ni Carlo.

Dapat nga ay huwag na lang tanggapin ni Caparas ang parangal pero matigas ang kanyang posisyon. Sa kanya anya ang paragal na ‘yon at nararapat lang sa kanyang pinaghirapan.