Migrante

Kanlungan ng mga OFW sa Middle East sinalakay ng pulis


Kinupirma ng Migrante – Middle East na sinalakay ng Saudi police noong Agosto 14, 2009 ang safe house ng KGS o Kapatiran sa Gitnang Silangan, isa sa mga organisasyon sa ilalim ng Migrante. Ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante – ME, sinalakay ng lokal na pulis ang tanggapan ng KGS bandang alas tres […]

Kinupirma ng Migrante – Middle East na sinalakay ng Saudi police noong Agosto 14, 2009 ang safe house ng KGS o Kapatiran sa Gitnang Silangan, isa sa mga organisasyon sa ilalim ng Migrante.

Ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante – ME, sinalakay ng lokal na pulis ang tanggapan ng KGS bandang alas tres ng hapon noong Biyernes. Sinabi ni Monterona na ang KGS ang kumukupkop sa mga OFW (overseas Filipino workers) na tumakas at nangangailangan ng tulong.

Sinabi pa ni Monterona na 10 opisyal at kasapi ng KGS, kasama ng tatlo pang service worker ang dinala sa Bahdiya Police Station sa Riyadh para imbestigahan. Limang babaeng OFW naman ang dinala sa Malaz Jail, aniya pa.

Idinagdag ni Monterona na isa sa kanilang mga lider ang napalaya na kahapon dahil napatunayan nila sa mga pulis na lehitimong organisasyon ang KGS at tumutulong lamang sa mga nangangailangang migrante.

“Nakikipagtulungan kami sa mga opisyal ng emabahada para mapalaya ang mga miyembro ng KGS gayundin ang mga ikinulong na mga OFW,” ani Monterona.

Gusto ring linawin ni Monterona na naintindihan nila ang implikasyon ng ‘pagkakanlong ng mga tumakas’ kaya nagtayo sila ng mga temporary safe house bago iendorso ang mga ito sa POLO-OWWA para sa kaukulang aksiyon.

“Hindi kaya ng embahada na tugunan ang maraming kaso, kaya tumutulong kami sa mga inaabusong OFW na tumakas mula sa kanilang employer,” sabi niya pa.

Dapat din, aniyang isaisip na ang mga tumatakas na OFW ay mga biktima, at hindi mga kriminal.