Migrante

Opisyal ng embahada sa Tripoli, pinauuwi


Isang opisyal ng embahada ng Pilipinas ang nais na pauwiin ng mga migrante dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa mga kaso laban sa mga OFW (Overseas Filipino Workers) Nais ng Migrante International na isama na ni Pangulong Arroyo pag-uwi nito sa bansa si Labor Attache Nasser Mustafa dahil sa pagkakasangkot sa contract substitution na bumiktima […]

Isang opisyal ng embahada ng Pilipinas ang nais na pauwiin ng mga migrante dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa mga kaso laban sa mga OFW (Overseas Filipino Workers)

Nais ng Migrante International na isama na ni Pangulong Arroyo pag-uwi nito sa bansa si Labor Attache Nasser Mustafa dahil sa pagkakasangkot sa contract substitution na bumiktima sa halos 300 OFW sa Libya.

“Para naman maging mabunga kahit minsan ang maluhong biyahe ni Pangulong Arroyo, isama na niya sa pag-uwi ang isang talamak na labor attaché bago siya umalis sa Libya,” ayon kay Garry Martinesz, tagapangulo ng Migrante.

Matatandaang direktang tinukoy ng mga Filipinong construction worker sa Tripoli, Libya si Mustafa na siya umanong namagitan sa dalawang beses na pagpapalit ng kanilang kontrata.

“Kung hindi, ang pag-uwi ng inabusong mga OFW ay magpapalakas lamang sa paniwala namin na ginagamit lamang ni Pangulong Arroyo ang mga migrante bilang gimik sa media,” ani Martinez.

Ang mga nabanggit na 300 OFW ay nirekrut ng Aqua-Gem International Manpower Inc. at Sharikat Al-Saedi International Manpower Inc para magtrabaho sa Cifex World Construction Firm at Dhat El Imad sa Tripoli noong Disyembre, 2008 hanggang Enero, 2009.

“Pero ilang oras bago sila umalis, pinapirma ulit sila ng bagong kontrata. Mas mababa ang suweldong pinirmahan nila kumpara sa unang kontrata. At ito’y pirmado ni Nasser Mustafa,” paliwanag ni Martinez.

Nang dumating ang mga OFW sa Libya, nilabag naman ng kompanya ang mga probisyon ng parehong kontrata kaya lumapit sila sa Philippine Overseas Labor Office sa Tripoli.

Ayon kay Martinez, sinabihan ni Mustafa ang mga OFW na pumirmang muli sa bago na namang kontrata. Karamihan ng mga OFW ay tumanggi sa pagpirma at nagsampa ng kaso sa laban sa kanilang rekruter at employer nang nakabalik sila sa Pilipinas.

Nagsampa na rin umano ng kaso ang Migrante sa Department of Foreign Affairs pero walang nagyari. “Karamihan sa mga OFW ay nakipag-ayos na lang dahil sa kakulangan ng suporta ng gobyerno habang si Mustafa ay nananatiling labor attaché sa Tripoli sa kabila ng mga reklamo sa kanya,” ani Martinez.

“Dapat tingnan ng delegasyon ni Pangulong Arroyo ang mga reklamo laban kay Mustafa lalo na’t kasama ng pangulo sina DFA Secretary Alberto Romulo at DOLE Secretary Marianito Roque. Kahit minsan lang, baka sakaling may magawa silang makabuluhan para sa mga OFW,” ani Martinez.