Buwis sa text, ayaw ng mga OFW
Tutol ang mga OFW sa panukalang buwis sa text messages dahil dagdag pahirap umano ito sa mga OFW at kanilang mga pamilya.
Ayon sa Migrante-Middle East, tutol sila sa panukalang House Bill 6625 ng House of Representatives Ways and Means Committee dahil dadagdag lamang ito sa marami nang bayarin na ipinapataw ng gobyerno at mga recruitment ageny.
Sinabi ni John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-Middle East, hindi nauunawaan ng mga nagpanukala ng HB 6625 ang dilema ng 10 milyong OFW na kaladasang gumagamit ng international roaming SIM card para lamang makausap ang kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas.
“Gamit ang aking roaming SIM card, nakaka-P100 load ako para sa limang text message sa aking asawa at mga anak. Kapag naipataw ang buwis, maaaring dalawa o tatlong text na lamang ang maipadala ko sa kanila,” ani Monterona.
Dapat isaalang-alang ng Kongreso na ang mga semi-skilled at non-skilled OFW tulad ng mga construction worker, service worker, household service worker at domestic helper na sinusuwelduhan lamang ng US$300 – US$450 kada buwan, ang siyang maaapektuhan ng ipapataw na buwis, aniya pa.
Ayon kay Monterona, mag-tetext barrage ang kanyang grupo para himukin ang mga OFW at kanilang mga pamilya para tutulan ang HB 6625.
“Tutol kami dito at mangangampanya laban sa mga kongresistang nagpanukala nito pagdating ng eleksiyong 2010,” sabi pa ni Monterona.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3893













