Migrante

Dalawa pang grupo ng OFW sa Maldives, istranded


Dalawang grupo pa ng manggagawang Filipino ang istranded ngayon sa Maldives, dahilan para umabot ang bilang nila sa 200, ayon sa Migrante International. Sinabi ng Migrante na patuloy silang nakatatanggap ng tawag mula sa mga istranded na Pinoy at kanilang pamilya at humihingi ng tulong para makauwi na sila sa Pilipinas. Nagrereklamo rin umano ang […]

Dalawang grupo pa ng manggagawang Filipino ang istranded ngayon sa Maldives, dahilan para umabot ang bilang nila sa 200, ayon sa Migrante International.

Sinabi ng Migrante na patuloy silang nakatatanggap ng tawag mula sa mga istranded na Pinoy at kanilang pamilya at humihingi ng tulong para makauwi na sila sa Pilipinas. Nagrereklamo rin umano ang mga naturang OFW (overseas Filipino workers) dahil sa hindi nabayarang suweldo at masamang kalagayan sa paggawa.

“Sa kasabikan nilang umuwi, ginagastos na nila ang natitira nilang pera para lamang makatawag sa kanilang pamilya at sa Migrante,” sabi ni Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng grupo.

Ayon kay Esguerra, ang dalawang grupo ay nasa mga isla ng Villingili at Dhandhoo, habang ang naunang grupo ay nasa isla ng Vilifushi.

Kabilang umano sa mga tumawag sa Migrante para humingi ng tulong sina William Gines na taga-Pangasinan at Johnmar Javier na mula naman sa Kalinga.

Samantala, binatikos naman ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, ang mga ahensiya ng gobyerno dahil sa pagtuturuan sa responsibilidad sa mga istranded na OFW.

“Hanggang ngayon, mula nang nakipag-usap kami sa legal counsel at repatriation unit ng POEA noong Setyembre 7, wala pa rin silang ginagawang hakbang,” ani Martinez.

Idinagdag ni Martinez na may P100 milyong pondo ang DFA para sa repatrasyon at P50-M naman para sa legal na ayuda para sa OFW habang ang pondo ng OWWA ay dapat na nakalaan sa kagalingan ng mga migrante.

“Kung hindi pa rin sila kikilos para agad na mapauwi ang mga OFW na ito, may dahilan ang mga mamamayan para maniwala na hindi tama ang ginagawang paghawak sa pondo ng mga OFW,” sabi pa ni Martinez.