Pinoy Weekly

Espesyal na pagrehistro ng OFW hiniling

Hiniling ng Migrante International sa Commission on Elections (Comelec) noong Setyembre 1, 2009 ang pagdadaos ng isang espesyal na rehistrasyon ng Overseas Absentee Voting (OAV) dahil hindi umano naging sapat ang katatapos lamang na rehistrasyon para sa mga Filipinong botante sa ibang bansa.

Nagtataka ang grupo dahil pitong buwan lamang ang inilaan ng Comelec sa OAV registration bago ang eleksiyong 2010 kumpara sa 13 buwan na inilaan noon para sa eleksiyong 2007.

“Isang araw lang ang day-off ng mga OFW sa isang linggo kaya kung susumahin, 28 araw lang ang inilaan para sa rehistrasyon. Umaapela kami sa Comelec na bigyan kami ng sapat na panahon para makalahok sa pagpili sa susunod na mga lider ng ating bansa,” ayon kay Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng Migrante.

Sinabi ni Esguerra na sinubukan nilang makipagdalayogo kay Chairman Jose Melo bago magtapos ang OAV registration noong Agosto 31 pero nito lamang Setyembre 1 natuloy ang dayalogo kay Commissioner Armando Velasco.

“Iniimbitahan namin ang mga kumisyuner ng Comelec na bisitahin ang mga OFW sa Middle East, lalo na sa Saudi Arabia para makita nila ang aktwal na kalagayan kung bakit nahihirapang magparehistro ang mga OFW. Naniniwala kami na nagawa na namin ang aming bahagi nang sulatan kami ni Chairman Melo para himuking magparehistro ang mga OFW. Pagkakataon naman ngayon para sa Comelec na bigyang konsiderasyon ang mga OFW sa pamamagitan ng espesyal na rehistrasyon hanggang Nobyembre 20, 2009,” dagdag ni Esguerra.

Sinabi ng Migrante na tama lamang ang pagdadaos ng espesyal na rehistrasyon hanggang Nobyembre 20 dahil sa Nobyembre 21 pa ang simula ng filing of candidacy. Naniniwala rin ang grupo na mas gustong lumahok ng mga OFW sa eleksiyong presidensiyal tulad noong 2004 kesa sa eleksiyong senatoryal noong 2007.

“Ipinakikita ng bilang ng OAV na nakapagparehistro, na hindi sapat ang panahong inilaan para maabot ang 1-milyong target ng Comelec. Dapat lang na mabigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga OFW para magawa ang kanilang karapatang bumoto,” ani Esguerra.

Tinatayang hindi pa umabot sa 300,000 OFW ang nakapagpaheristro nang matapos ang OAV registration noong Agosto 31, malayo sa 1-M target na itinakda ng Comelec noong Pebrero 2009.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3779

Posted by on Sep 2 2009. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes