Kaso ni Cabilao, may whitewash?

Itinuturing 'bayaning kawani' si Finard Cabilao ng Department of Social Welfare and Development na iniimbestigahan ang mga sindikato ng human trafficking sa Malaysia bago siya pinaslang noong Agosto 5. (Angelica Carballo)
Binatikos ng Migrante International ang gobyerno ng Pilipinas sa matamlay na reaksiyon nito sa pinakahuling pangyayari sa pagkamatay ni Finardo Cabilao, isang social worker attaché na nakatalaga sa embahada ng Pilipinas sa Malaysia.
Mahigit isang buwan matapos ang pagkamatay ni Cabilao, pinalalabas ng mga awtoridad sa Malaysia na bakla ang biktima at itinuturing na isang crime of passion ang naganap. Isinasantabi nito ang inisyal na ispekulasyon na pinaslang si Cabilao ng isang sindikatong sangkot sa human trafficking.
“Hindi katanggap-tanggap at pantastiko ang anggulong ito, at walang respeto kay Mr. Cabilao, gayundin sa kanyang asawa at pamilya,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Mukhang mas pagtatakip ito dahil hindi kayang ipaliwanag ng crime of passion ang mga partikularidad ng pagkamatay ni Cabilao, aniya pa.
Matatandaang natagpuang patay si Cabilao sa kanyang aparment sa Malayasia noong Agosto 5. Naniniwala ang pamilya at mga kaibigan ni Cabilao na tinortyur ang biktima batay na rin sa autopsy report. Ayon rin sa ulat, nawala ang mga files sa computer ng biktima at nakakatanggap na ito ng banta sa buhay bago pa ang insidente.
“Nagtataka kami kung bakit nananatiling tahimik ang gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng kasong ito. Wala kaming narinig kahit na anong reklamo,” sabi ni Martinez.
Paliwanag ni Martinez, kilala si Cabilao bilang tagapagtanggol ng mga biktima ng sex trafficking at humahawak ng kaso na maaaring maglantad ng kalagayan ng human at sex trafficking ng mga Filipino sa Malaysia bago ito napatay. Duda ang Migrante sa tunay na motibo ng kanyang pagkamatay.
Kaugnay nito, nanawagan ang Migrante sa gobyerno na magsagawa ng independyente at mas malalim na imbestigasyon para lumabas ang katotohanan sa pagkamatay ni Cabilao at ang kaugnayan nito sa human at sex trafficking sa Malaysia.
“Kailangang mabigyan ng hustisya ang pagpaslang kay Cabilao at magagawa lamang ito kung bubusisiin ng mga awtoridad ang pag-iral ng human trafficking sa Malaysia,” giit pa ni Martinez.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3898














[...] Kaso ni Cabilao, may whitewash? [...]