Pinoy Weekly

Pari sa Hilagang Samar, pinaslang

Pinaslang sa bayan ng San Jose, Hilagang Samar noong Setyembre 6 ng umaga ang isang paring Katoliko na aktibong tagapagtaguyod ng karapatang pantao.

Ayon sa ulat ng Katungod-Sinirangan Bisayas, nakasakay si Fr. Cecilio Lucero sa van na binabaybay ang Sitio Fuente, Brgy. Layuhan nang barilin ng di pa nakikilalalang mga kalalakihang may matataas na na kalibre ng baril at nakasuot ng mga ski mask.

Si Lucero ay miyembro ng Promotion of Church People’s Response. Kura paroko siya ng simbahang Katoliko sa Catubig, Hilagang Samar at tagapangulo ng Social Action Center ng diocese ng Catarman.

“Malinaw na pinatay si Lucero dahil sa kanyang pagtataguyod ng karapatang pantao. Maraming magsasaka na hinaharas ng militar ang lumalapit sa kanya para humingi ng tulong,” sabi ni Flor Chantal Eco, pangkalahatang kalihim ng Katungod-SB.

Sinisi ng grupo ang gobyerno Arroyo at ang programang kontra-insurhensiya na Oplan Bantay Laya sa pamamaslang kay Lucero. Sa ilalim ng OBL, umano’y tinatarget ng militar ang mga sibilyang pinaghihinalaang sumusuporta sa rebeldeng New People’s Army.

“Nananawagan kami sa mga awtoridad na magsagawa ng totoong imbestigasyon para maparusahan ang may-sala. Maraming task force na ang nilikha sa rehiyon para imbestigahan ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang, pero wala pa ring napaparusahan,” sabi ni Eco.

Nanawagan ang grupo sa mga mamamayan ng Silangang Bisayas na maging mapagmatyag at patuloy na magkaisa sa pagtataguyod sa karapatang pantao.

Sa talaan ng grupong Karapatan, mahigit isang libong ordinaryong sibilyan at aktibista na ang pinaslang simula noong 2001.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3863

Posted by on Sep 7 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes