Pinoy Weekly

Teodoro, ‘pala-kaibigan’ sa Estados Unidos?

Sa antisipasyon ng pagdeklara ng partidong Lakas-Kampi-CMD kay Defense Secretary Gilbert Teodoro bilang standard bearer nito sa pagkapangulo sa darating na halalan,  tinawag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)  si Teodoro na “pinakamasugid na tagapagtanggol” ng Visiting Forces Agreement (VFA) mula sa hanay ng presidentiables at aktibong sinusuyo ang suporta ng Estados Unidos.

“Masamang balita” para sa soberanya ng bansa kapag naupo sa puwesto si Teodoro, ayon sa grupo. “Para na ring naupo muli ng anim na taon si Gloria Macapagal-Arroyo,” sabi ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Nagsagawa ngayong araw ng kilos-protesta ang Bayan sa harap ng embahada ng US sa Roxas Blvd. para gunitain ang ika-18 na anibersaryo ng pagbasura ng Senado sa ratipikasyon ng tratado sa baseng militar ng US. Ipinananawagan ng grupo ang pagbasura sa VFA.

“Siya lang ang presidential aspirant na nagsasabing ‘hindi natin kayang mabuhay’ nang wala ang VFA…Maaasahan na sa ilalim ng pamunuang Teodoro, tatratuhin uli tayo bilang basahan ng mga sundalong Kano,” sabi ni Reyes.

Iniulat din ng mga miyembro ng Bayan sa US, ayon kay Reyes, na nagsalita si Teodoro sa porum ng makakakanang Heritage Foundation sa Washington D.C. noong Setyembre 10.

Ayon sa ulat na natanggap ng grupo, sinabi ni Teodoro na hindi lamang mahalaga ang pang-ekonomiya, pampulitika, at pangmilitar na ugnayan sa US, kundi maging ang pangkultura at personal na ugnayan. Inihalimbawa umano ni Teodoro ang ugnayan ng sarili niyang pamilya sa US para ibigay ang impresyon na isa siyang “natural na kaibigan” ng naturang bansa.

Inihalintulad ng Bayan si Teodoro kay dating pangulong Ramon Magsaysay. Ngunit kaiba umano kay Magsaysay, walang apela si Teodoro sa masa.

Parehong naging kalihim ng Department of Defense sina Magsaysay at Teodoro. Pinaniniwalaang sinuportahan ng US ang kandidatura noon ni Magsaysay.

Samantala, hinamon din ng grupo ang iba pang presidentiables na tumindig laban sa VFA.

“Maaaring pirmahan ng presidential aspirants na nakaupo sa Senado ang resolusyon para sa abrogasyon ng VFA. Ang mga nasa labas naman ng Senado ay maaaring magsalita hinggil sa pagiging makaisang-panig ng kasunduan,” sabi ni Reyes.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3993

Posted by on Sep 16 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes