Migrante

Istranded na OFW sa Jeddah, nais makauwi bago mag-Hajj


Apatnapu’t siyam na istranded na OFW sa deportation center sa Jeddah, Saudi Arabia ang umaasang mapapauwi sila sa Pilipinas bago ang pagdiriwang ng Hajj sa susunod na buwan at para na rin makasama ang kanilang pamilya bago mag-Pasko. Ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-Middle East, isang OFW na nagngangalang Abdul Jalil, 30 taong […]

Apatnapu’t siyam na istranded na OFW sa deportation center sa Jeddah, Saudi Arabia ang umaasang mapapauwi sila sa Pilipinas bago ang pagdiriwang ng Hajj sa susunod na buwan at para na rin makasama ang kanilang pamilya bago mag-Pasko.

Ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-Middle East, isang OFW na nagngangalang Abdul Jalil, 30 taong gulang mula sa Mahayahay, Iligan City, ang tumawag sa kanya mula sa deportation center at nagsabing 49 OFW pa silang nasa nabanggit na kulungan.

Ang 49 OFW ay kabilang sa dating mahigit 200 istranded na OFW na pansamantalang nanirahan sa Kandera Bridge noong Hulyo 2009. Inilipat sila deportation center sa Jeddah noong Agosto 2009.

Karamihan sa kanila ay halos tatlong buwan nang nakapiit at maaring magtagal pa, ani Moterona.

Regular umanong nakakatanggap ng text message si Monterona mula sa mga istranded para itanong ang kalagayan ng kanilang repatrasyon.

“Sinabi ko kay Jalil at mga kasama niya na patuloy na nananawagan ang Migrante sa Philippine Consulate General (PCG) tungkol sa kanilang kaso pero mabagal ang aksiyon ng PCG sa repatrasyon sa mga istranded na tulad nila,” sabi ni Monterona.

Sa obserbasyon ni Monterona, karaniwang nagbibigay ng taunang repatrasyon ang gobyerno ng Saudi Arabia sa panahon ng Hajj. Kaya naman umaasa sina Jalil na makakasama sila mga pauuwiin sa Pilipinas.

Ang Hajj ay ang taunang pagtungo ng mga Muslim sa Mecca at ikalimang haligi ng Islam.

Ayon kay Monterona, maliban sa mga istranded at tumakas na mga OFW, may mga Pakistani, Bangladeshi at Indonesian na naninarahan sa ilalim ng Khandera Bridge.

Nanawagan ang Migrante-ME sa kay  Consul General Ezzadin Tago na agad na ayusin sa lalong madaling panahon ang kaso  para makasama ang mga Pinoy sa taunang repatrasyon.

“Hindi dapat sayangin ni Consul General Tago ang pagkakataong ito para mapauwi ang 49 na OFW. Para itong mamahaling regalo sa mga OFW para makauwi sa Pilipinas at makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa darating na Pasko,” sabi pa ni Monterona.

Sinisi naman ni Monterona ang administrasyong Arroyo dahil sa patuloy na pagpapadala ng mga walang trabahong Pinoy sa ibang bansa, sa kabila nang walang malinaw na proteksiyon sa kanilang karapatan at kagalingan bilang mga migranteng manggagawa.