OFW biktima ng rape sa Saudi, naghihintay ng tulong ng konsulado
Isang OFW na biktima ng rape sa Saudi Arabia ang naghihintay pa rin ng tulong ng konsulado ng Pilipinas sa naturang bansa matapos ang mahigit isang buwang pagkakakulong.
Sa isang text ng kapatid ng biktima kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-Middle East, sinabi umano ng biktima na wala pa rin siyang tulong na natatanggap, kahit man lamang damit na kailangan niya sa bilangguan dahil isa lang ang kanyang damit doon.
Ang biktima na pinangalanang “Camille” 35, ay isang janitress na ginahasa umano ng kapwa niya manggagawang Bangladeshi.
Sinabi umano ng biktima sa Migrante nang dalawin nila ito sa kulungan noong Setyembre 27 na ginahasa nga siya at itinanggi ang ibinibintang sa kanya ng employer na may relasyon siya sa naturang Bangladeshi.
Sa ngayon ay mahigit nang isang buwang nakakulong si Camille sa Hafer Al Baten Central Jail, 500 km. mula sa Al Khobar, Saudi Arabia.
Nagtataka naman ang Migrante kung bakit hindi pa rin umaaksiyon ang konsulado ng Pilipinas gayong agad nilang ipinagbigay-alam ang pangyayari matapos ang kanilang pagbisita sa biktima.
Sinabi ni Monterona na nakipag-ugnayan na sila sa konsulado para magbigay ng pinakahuling balita tungkol kay Camille pero hindi pa rin ito tumutugon.
“Nag-aalala kami sa karapatan ni “Camille” na kailangang mabantayan at maprotektahan. Inakusahan siya at ikinulong dahil sa pagkakaroon ng relasyon gayong sinasabi niyang ginahasa siya. Magagarantiyahan ba ng ating konsulado na mapoprotektahan ang kanyang karapatan o mananatili siya sa kulungan sa mahabang panahon?”, tanong ni Monterona.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4607














“Nasa Diyos Ang Awa, Nasa Tao Ang Gawa”. Ang panalangin ang pinakaepektibong sandata ng isang indibidwal samantala may instrumentong ginagamit ang Diyos upang ang suliraning kinakaharap ay malagyan ng tuldok at sa pagkakataong ito inaasahan ang pangulo ng bansang Pilipinas ay tugunan ang panawagan ng kanyang kababayan.