Pagsiyasat sa inilalakong ‘pagbabago’
Kung may malinaw na pulso ng bayan sa di-makakailang pagpasok ngayon sa panahon ng halalan, ito ang galak sa napipintong pagwawakas ng siyam-na-taong tiraniya at kahirapan na dinanas ng mamamayan sa ilalim ng administrasyon Arroyo, at ang nailuwal nitong mithiin para sa “pagbabago.”
Ngunit ang pagbabago, kapag hindi napalamanan ng konkretong mga panukala para sa pagkamit nito, ay mananatiling palamuting salita ng maraming kandidatong hasa sa pagmamanipula ng damdamin at kaisipan ng masa, sa layuning ipreserba naman talaga ang sistemang nagpapahirap sa marami at nagpapaginhawa sa iilan. Mahalaga, kung gayon, na kilatasin ang pagbabago hindi lamang sa porma kundi sa esensya.
Umaastang kumakatawan sa pagbabago ang halos lahat ng mga nakahanay sa pagkapangulo. Siyempre, maliban ito kay Kal. Gilbert Teodoro na ang pangako sa simula’t sapul ay ipagpatuloy ang pamana ni Arroyo. Walang gumugusto nito, kaya’t ngayon pa lamang, masasabi nang suntok-sa-buwan ang ambisyon ni Teodoro maliban kung dadayain ng administrasyon ang awtomadong halalan. Ganoon din ang masasabing kahihinatnan ng ambisyon ni dating pangulong Joseph Estrada, na mas bahagi ng nakaraan ng bansa kaysa sa kinabukasan.
Nararapat na ipokus ang pagsisiyasat ng publiko sa substansiya ng ipinapangakong pagbabago ng mga oposisyunistang sina Manny Villar, Noynoy Aquino, at Chiz Escudero. Mahalagang makita sa puntong ito kung nakabatay nga ba sa prinsipyo o sa simpleng oportunismo ang kanilang pagiging oposisyon. Sapagkat ang hamon sa kanila ay hindi na lamang na pumanig laban sa isang kontra-mamamayang pangulo. Ang hamon sa kanila ay maging isang maka-mamamayang pangulo, kung saka-sakaling mailuklok sa puwesto.
Kung gayon, hindi sapat, halimbawa, na ipagmalaki ni Villar na nagmula siya sa mahirap na pamilya. Kailangan niyang ilahad kung paano aahon, hindi ang iisa, kundi ang milyun-milyong mahirap na pamilyang Pilipino. Paano niya sisiguruhin ang kanilang disenteng pabahay at na mabibigyan sila ng batayang mga serbisyong panlipunan? Paano niya sisiguruhing hindi sila maitataboy ng mga proyektong pangkaunlaran na mga negosyante (kagaya niya, ayon sa mga kritiko) lamang ang makikinabang?
Bilang senador, hindi naringgan si Villar ng pagtindig sa mahahalagang isyung pambansa, sa Visiting Forces Agreement, halimbawa. Handa ba siyang basagin ang ganitong katahimikan para mahugisan ng publiko ang posibleng mga polisiyang kanyang paiiralin? O talagang umaasa na lamang siyang manalo sa kabig ng sentimyento ng biglang-yaman, at sa tulak ng pampulitikang makinaryang hitik sa rekurso?
Hindi rin sapat na mangako si Aquino na lider siyang katulad ng kanyang mga magulang na kinikilalang maka-demokrasya at palaban. Hindi pa siya nakikitaan ng ganitong mga katangian bilang senador, at bilang kandidatong iniluwal ng populistang sentimyento na nabuo nang mamatay ang kanyang ina. Bagkus, sa halip na harapin ang bagong hamon sa pamamagitan ng pagtindig sa mga isyung pambansa at paghapag ng malinaw na plataporma, nagpakuntento na lamang siya sa kasikatang ipinagkaloob ng kanyang pamilya at mga taga-suporta sa gitnang-uri at midya (na lumundo sa patalastas nitong pulos artista). Nasaan ang kagitingan, ang lalim sa pagdama para sa bayan na kanyang inaasta?
May pagkakataon sanang mapatunayan ito, nang hilingin sa kanya ng progresibong mga grupo na talikuran ang interes pampamilya at panigan ang 5,000 magsasaka na pinapalayas sa Hacienda Luisita. Pero pinalampas, at patuloy na pinalalampas ito ni Aquino. Hindi tuloy alam ng publiko kung ano ang balak niya para sa milyun-milyon pang magsasakang Pilipino na pinagkakaitan pa rin ng tunay na repormang agraryo at tsansang makalaya mula sa kahirapan sa kanayunan.
Interesante, sa kabilang banda, ang pagkalas ni Escudero sa Nationalist People’s Coalition (NPC) na kilalang pinopondohan ng malaking negosyanteng si Danding Cojuangco. Sinasabi niyang ayaw niyang matali sa mga kondisyon ng pagpapaloob sa isang partidong pinamamayanian ng iba’t ibang naghaharing interes.
Sa pagtalikod sa rekurso at makinarya ng NPC, at sa pagbukas ng sarili sa indipendiyenteng kandidatura, sinalungat ni Escudero ang tradisyunal na pulitika, na anumang pagpopostura para sa pagbabago ay patuloy na sinasandigan nina Villar at Aquino. Higit pa sa dahilan sa likod ng hakbang na ito, mas mahalagang silipin ang tindig sa likod nito—pagbabago na nakalapat sa pagtindig sa mga isyung pambansa.
Mahuhugisan ang ilang bahagi ng kanyang plataporma. Pabor siya sa P125 dagdag-na-sahod para sa mga manggagawa, na hinarang sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Laban siya sa kontraktuwalisasyon na sanhi ng ibayong pang-aapi at kahirapan ng mga manggagawang Pilipino. Gusto niyang tanggalin ang pork barrel na balon ng korupsiyon, at ibasura ang Oil Deregulation Law na nagpapasirit sa presyo ng langis.
Maaaring sabihin na sa panahon ng halalan, walang timbang ang mga salitang binibitiwan ng mga kandidato. Pero di hamak na mas may timbang ang konkretong mga pangako nang gaya kay Escudero, kaysa ang pangako ng pangkalahatan at di-mahugisang “pagbabago,” na sa anyo at esensya ay makaluma.
Kung tutuusin, hindi lunsaran ng matagalan at makabuluhang pagbabago ang 2010 halalan. Ito ay mithiing maisasakatuparan lamang sa mas rebolusyonaryang paraan ng pagpapalit ng sistemang panlipunan, at hindi ng simpleng lider-gobyerno.
Gayunpaman, may tungkulin ang mga kandidato, lalo sa pagkapangulo, na ilahad ang aktuwal na mga pagbabagong isusulong kapalit ng kapangyarihan. May tungkulin din ang bayan na singilin ang kanilang iniluklok sa puwesto kapag hindi naganap sa aktuwal ang pagbabagong ito.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4887













