Pananagutan


May ilang nagsasabing hindi raw gawain ng mga Pilipino ang magturo ng pananagutan sa panahon ng sakuna. Unahin muna raw ang pagtulong bago ang pagturo. Pero sa kasong ito, sa pagkakataong ito na napakalinaw kung sino ang may pananagutan sa mga trahedya, hindi dapat natin pinalalampas ang panahong maningil at humiling ng hustisya. Si Arroyo, ang mga ahensiya ng kanyang rehimen, ang mga pabayang lokal na opisyal – dapat natin silang singilin.

Mabigat sa kalooban ang bawat panonood ng balita sa telebisyon ngayon: Ang pagkawasak ng mga daan, bahay at pananim sa Gitna at Hilagang Luzon, dumaraming bilang ng nasasawi, ang patuloy na pagkalubog ng iba’t ibang bahagi ng Luzon, ang krisis sa kalusugan sa maraming nasalantang bahagi ng Kamaynilaan. Masakit sa loob, at minsan, kailangan lang talagang unahin ang pag-aayuda bago sumahin ang buong karanasan at magturo ng pananagutan.

Maliban na lamang kung simula’t sapul, napakalinaw kung sino ang dapat ituro.

Kung silang mga nasa kapangyarihan ang tatanungin, tiyak na parang bolang pagpapasa-pasahan ang pananagutan. At nangyayari na nga ito. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, kasalanan ng lokal na mga opisyal ang pagbaha sa Kamaynilaan dahil sa hindi pagsunod sa mga alituntunin hinggil sa pangongolekta ng basura at pag-iwas sa baha. Pero sagot naman ng mga opisyal, hindi naman sila ang nag-aapruba ng mga kontrata sa pagmimina at pagtotroso, na siyang wumawasak sa mga kabundukan kaya madaling binabaha ang kapatagan.

Ang mga argumentong ito, ibinato pagkatapos lamang ng bagyong Ondoy. Ngayong nakita na natin ang pananalanta ng tila mas mapangwasak pang bagyong Pepeng, alam na nating hindi uubra ang argumento ng dalawang panig. Pareho sila may pananagutan. Parehong kailangang managot sa sambayanan.

Sa kaso ng pananalanta ni Ondoy, malinaw ang pananagutan kapwa ng lokal at pambansang panunungkulan. Sa Marikina, na siyang pinanggalingan ng kasalukuyang hepe ng Metro Manila Development Authority na si Bayani Fernando, malinaw ang pananagutan ng lokal na pamahalaan. Bakit nagpatuloy ang konstruksiyon ng eksklusibong mga subdibisyong napakalapit sa ilog? Bakit pinayagan, noong nakaraang taon lang, ang pagtatayo ng isang mall na inasahan na ng mga eksperto na lalong magpapahamak sa mga residente sa panahon ng matinding pagbaha? Matagal nang ipinangangalandakan ng Marikina na pinakamalinis daw itong lungsod. Yun pala, winawalis lang nito sa tabi ang dumi. Matagal na nating batid ang pamamaraan ng “paglilinis” ng MMDA: kosmetiko lamang, sa pangharap lamang. Tinatakpan ang mga maralitang komunidad ng matatayog na mga kahoy na pader, tinatakpan ang marurungis na sulat sa kalsada ng pinturang pink at blue, itinataboy ang mga tindero’t tindera para di mapasama ang itsura ng kalsada.

Ito ang pilosopiya, hindi lamang ni Fernando at ng kanyang ahensiya, kundi lalo ng pambansang liderato sa Malakanyang. Uunahin ang palamuti, ang artipisyal, ang panlabas, bago ang seryosong pagharap sa mga problema ng bayan. Noong Setyembre 27, isang araw matapos si Ondoy, una pang naging abala ang Palasyo sa pagpapakitang tao ng Pangulo: ang pagtatransporma raw sa tahanan ni Arroyo tungong evacuation at relief center.

Pero pakitang tao lamang ito. Kinabukasan, Set. 28, matapos ideklara ni Arroyo na gagawin niyang evacuation center ang Palasyo, daan-daang maralita ang tumungo at pumila sa tarangkahan ng Malakanyang, umaasang bubuksan nga ito. Pero binawi ni Esperon ang deklarasyon. Binawi lamang ni Arroyo ang pagbawi ni Esperon matapos marinig ang negatibong reaksiyon sa midya sa pahayag ng dating heneral. Napasubo na siya, kung kaya sa halip na papasukin ang mga maralita sa kanyang tarangkahan—daan-daang tahanan ang binaha sa Maynila, malapit mismo sa Malakanyang—pumunta pa si Arroyo sa Quezon City para “umangkat” ng “evacuee.” Kinailangan pa niyang pangakuan ng kung anu-ano para lamang sumama sa kanya ang mga maralita.

Nitong bagyong Pepeng, ginawa rin niya ito sa mga maralita sa Baguio. May mga ulat mula roon na nagsasabing walang maralitang pumasok sa Mansion ng Pangulo. Kung kaya, muling “umangkat” ang kanyang mga tauhan ng mga “evacuee”—na, ayon sa mga ulat ay mga tinderong Maranao at mga kaanak nila. Isinakay sa mga bus ng Philippine Military Academy at saka dinala sa Mansion. Sa harap ng midya, binigyan sila ng mga relief goods, at saka muling isinakay sa bus. Sabi pa ng mga saksi, hindi naging evacuation center ang Mansion.

Nandiyan din ang lumabas na mga larawan ng isang wire news photographer na nagpapakita kay Arroyo na namimigay ng relief goods. Ang sumunod na mga litrato niya, mga evacuee na nagpapakita ng mga damit na bigay ni Arroyo—butas-butas at di na magamit. Labas sa paghahambog sa kanyang pakitang-tao, malinaw na wala nang pakialam si Arroyo.

Ang kawalang-pakialam na ito ay polisiya ng Pangulo hanggang sa pang-ekonomiyang mga polisiya. Ang nagmamalaking awtor ng mga batas na pabor sa “globalisasyon” ang pinakamasugid na nagbukas sa bansa sa dayuhang pandarambong sa uri ng pagmimina. Sa unang tingin, pinamumukha niyang makabubuti ang mga polisiyang ito dahil naglilikha raw ng trabaho. Pero kung malalim na aaralin, makikitang di hamak na mas matindi ang kapahamakan nito kaysa benepisyo. At ramdam na natin ang kawalan ng pakialam ng rehimeng ito.

Nangyari na ang Ondoy at tila nailantad sa publiko ang kawalan ng kahandaan ng gobyerno, laluna ng National Disaster Coordinating Council ni Gilbert Teodoro. Pero matapos ang Ondoy, hindi pa rin natuto. Hindi pa rin sapat na nakapaghanda sa sumunod na bagyo, kahit na isang linggo ring ibinabalita ang banta ni Pepeng. Matapos si Ondoy, bakit hindi naasahan ang matinding landslide, ang matinding baha? Bakit hindi sapat na nakapaghanda ang mga mamamayan sa hilaga? Bakit walang sistematikong paglikas sa mga bulnerableng lugar? Bakit walang sistemating rescue sa pinakamatinding nasalanta? Bakit hindi napakawalan ang tubig sa San Roque Dam noong umabot na ito sa antas na dapat itong pakawalan para di na makadagdag pa sa inaasahang pagbaha?

Ayon sa mga eksperto, karamihan sa mga nangyari, hindi sana nangyari. O naibsan man lang ang matinding epekto. Oo’t hindi maiiwasan ang mga kalamidad, pero naiwasan sana ang napakalaking trahedya. Sa ibang bahagi ng mundo—sa Cuba, halimbawa—nagagawa ang sistematikong paglikas ng mga mamamayan sa darating na kalamidad. Napaghahandaan ng mga mamamayan ang inaasahan nang matinding tama ng bagyo. Kaya sanang mabawasan ang trahedya. Hindi sana hahantong sa ganitong antas.

May ilang nagsasabing hindi raw gawain ng mga Pilipino ang magturo ng pananagutan sa panahon ng sakuna. Unahin muna raw ang pagtulong bago ang pagturo. Pero sa kasong ito, sa pagkakataong ito na napakalinaw kung sino ang may pananagutan sa mga trahedya, hindi dapat natin pinalalampas ang panahong maningil at humiling ng hustisya. Si Arroyo, ang mga ahensiya ng kanyang rehimen, ang mga pabayang lokal na opisyal – dapat natin silang singilin.