Ang pinagkaiba ni Liza
Para sa babae, at para sa masa. Ito umano ang dahilan kung bakit dapat iluklok sa Senado si Liza Maza, matapos ang siyam na taong paninilbihan bilang kinatawan ng progresibong party-list na Gabriela. Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Maza para alamin ang bagong larangan ng pakikibaka na kanyang pinasok hanggang sa 2010.
Bakit kayo tatakbo sa Senado?
‘Yung progressive party-lists ay nagbuklod at binuo itong Makabayan para magkaroon pa ng mas malawak na boses ang marginalized sectors ng lipunan. Kaya magpapatakbo ang Makabayan o di kaya’y susuporta ng mga kandidato sa Senado at iba pang antas ng elective office. Kumbaga hindi na lamang malilimita sa party-list ’yung representasyon. Gayundin, siyempre ang Senado mas higher office ’yon. Kasi sa Kongreso, numerically, talagang kung walo lang kayo, o dalawa lang kayo, o isa ka lang, talagang maliit. Kumpara kung isa kayo o dalawa doon sa Senado, given na 24 lang yung mga senador, siyempre ‘yung bigat ng boses mo mas matimbang doon. Doon sa pagtakbo ng Makabayan, nilalayon na magkaroon ng pagbabago doon sa pulitika. Alam natin na kapag panahon ng kampanya, panahon ito kung saan naghahapag ka ng pagtingin sa mga problema ng bansa, at ng mga programa para makaalpas sa matatagal nang problemang iyan. Mayroong programa ang Makabayan na sumasaklaw sa mga usaping pang-ekonomiya, pampulitika, pangkultura, mabuting paggogobyerno, at foreign policy. Ito ‘yung malinaw na agenda: agenda ng pagbabago sa pulitika ng ating bansa.
‘Yun ba ang pangunahin ninyong ikinakampanya, ang inyong programa, at hindi ang inyong personalidad?
Hindi mo puwedeng ipaghiwalay yung programa at prinsipyo doon sa tao eh. Kaya bagamat tatakbo kami na may malinaw na adbokasiya at programang ihahapag sa taumbayan, dapat titingnan din natin ’yung kredibilidad ng mga naghahapag ng programa at adbokasiyang iyan. Hindi dapat na magkahiwalay, kung ano ang adbokasiya mo at kung sino ka. Kaya inihahapag din namin ang sarili namin na husgahan ng taumbayan bilang kami. Kasi dapat, kung anuman yung prinsipyo ng mahusay na paggogobyerno dapat isinasabuhay namin yon, sa personal na buhay namin at bilang mga tao. Dapat talaga hindi kami nangungurakot at may integridad, hindi nagpayaman sa puwesto, at isinasabuhay ang mga prinsipyo. Halimbawa, dapat simple ang iyong pamumuhay, katulad ng nakararami. Ako kongresista for nine years, I think that’s the life that I have led is much of the same life that I have led as an activist.
Ano ang pinakamahalaga ninyong natutunan sa 9 na taon sa Kongreso at paano ito magagamit sa Senado kung sakaling makaupo?
Natutunan ko na tama ’yung mga isinisigaw ko at binabatikos ko noong wala pa ako sa Mababang Kapulungan. Kung nandito ka sa loob, nakikita mo kung gaano kabulok yung pulitika at ang ating gobyerno. At ito ay mas nagpapatibay sa paniniwala kong kailangan natin ng pagbabago, ng pagbaligtad sa mga polisiya na matagal nang ipinapatupad. Halimbawa, mayroon na naman tayong mga batas na naipasa. Itong Anti-Trafficking in Persons Act, isa ako sa co-sponsors niyan. Dahil naipasa natin ang batas na ito, kinilala na isang krimen ang pag-traffic sa kababaihan at bata. Pero kung titingnan natin, hindi talaga nagkaroon ng makabuluhang pagbabago doon sa problema ng malawak na trafficking, kasi it takes more than just having a law to address our long-standing problem. Pero kinikilala ko pa rin na kinakailangan ng ganoong klase ng reporma. Kasi ito ang unang hakbang para makilala ng malawak na mga mamamayan kung ano ang katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap sa lipunan natin. Tapos mahalaga rin ’yung tulong sa masa na maunawaan nila kung ano ang nangyayari sa Kongreso, kung ano ba ang polisiyang dala-dala ng isinusulong na mga batas, halimbawa ng administrasyon. Nabubulgar at napapag-aralan ng iba’t ibang grupo, at nalalaman ang karampatang tugon in terms of lobbying, in terms of pressure politics, para mapigilan ang pagpapasa ng mga batas na laban sa interes ng mga mamamayan.
Kamusta ang pagtanggap sa inyo sa pag-iikot ninyo sa bansa?
Positibo ang response kasi alam nila kung anong pulitika ang dala natin, kung ano yung ating naging trabaho bilang kongresista ng bayan. Gusto rin talaga ng taumbayan ng pagbabago, sawang-sawa na rin sila sa status quo politics, at sila mismo ay tumitingin kung sino ang nagibigigay ng ibang solusyon. At definitely napakabaho talaga ng administration kaya napaka-positibo ng patanggap nila sa oposisyon. Malaki ang provincial conventions, laging higit sa 1,000 katao ang dumadalo. Very inspiring na makita mo yung support ng tao, at maging ng mga opisyal sa LGUs na tatakbo—bukas silang sumanib o sumuporta sa mga kandidato ng Makabayan. Dahil mainit ang pagtanggap nila, palagay ko tataba ako, kasi lagi nila akong pinapakain. (Tawa) Marami ring lumalapit na kababaihan, yung binubugbog o inabandona, para idulog ang kanilang problema. Nakakatuwa naman na kinikilala nilang makakatulong kami sa kanila, personal man o pulitikal yung kanilang problema.
Saan magmumula ‘yung lakas ng inyong kampanya kung ikokonsidera na hindi ganoon kalaki ang inyong makinarya gaya ng mga mainstream na political parties?
Mayroon naman kaming mass base, yung mga miyembro ng party-lists na bumubuo ng Makabayan, iyon ‘yung core na magkakampanya. And then you also have volunteers. Definitely we don’t have funds like the other candidates, pero ang aming bentahe, mayroon kaming organized mass base at volunteers.
Bukas pa rin kayo sa pakikipagkoalisyon o pag-e-endorso ng mga kandidato mula sa mainstream political parties. Bakit?
Gusto rin naming palawakin yung mga tagasuporta ng adbokasiya at programa ng Makabayan, kaya bukas kami na makipagkoalisyon sa mainstream parties, in terms of ‘yung programa at suportahan sa eleksiyon and beyond. Ang gusto namin, patuloy na ipapatupad ng sinuportahan namin, kung siya ay mauupo, ‘yung mga pinagkasunduan na plataporma. Hindi namin bibitawan ‘yung prinsipyo at laban na sinimulan na namin. Sa pag-eendorso o pakikipagkoalisyon, dapat mayroong mapagkakasunduan na batayan o basis of unity.
Handa ba kayong pumasok sa tradisyunal na pangangampanya?
Kami sa Team Maza, nag-iisip talaga ng non-traditional campaign styles, ano ba yung mga porma na kabisado na natin, na puwedeng i-integrate sa traditional campaigning. At the same time, kailangan naming kilalanin that at the end of the day, we have to have votes. So maybe we have to also take in traditional campaign styles. Pero kami hindi magpapakasapat sa ganoong porma, nag-iisip kami ng pagbabago sa porma ng pangangampanya. We will try to maximize our supporters, kaya at this moment, at very minimal expense, we are able to come a long way. Siguro kumpara doon sa traditional politicians, na by this time, siguro tens of millions of pesos na ang nagagastos sa advertisements pa lang. Kami, halos wala pang nagagastos pero malayo na ang narrating natin sa pamamagitan ng pagmobilisa ng volunteers na payag mag-ambag ng kanilang mga ideya at tulong nang libre dahil naniniwala sila sa aming adbokasiya, at paraan nila iyon para makapag-ambag doon sa klase ng pagbabago sa pulitika na gusto namin.
Kapag nanalo ka, ano yung unang tatlong bagay na gagawin mo sa Senado?
Itutulak ko yung P125 wage increase. Tapos ifa-file namin sigurado ’yung Genuine Agrarian Reform Bill. Sa kababaihan, isusulong ko talaga ’yung Reproductive Rights Act. These are all cutting edge bills, talagang sumasalpok sa traditional politics. Pero I will dare it. Tapos ’yung paglaban sa debt servicing, mahalaga iyon. Kasi laging sinasabi na ipaprayoritisa ang kalusugan at edukasyon, pero kung hindi ka talaga poposisyon laban sa debt servicing, magiging balewala yung panawagan dahil kinakain ng ating pambayad-utang ang 30% ng badyet. Tapos siyempre ’yung local industries, kailangan paunlarin. At saka yung pag-repeal o pag-amend ng mga batas na discriminatory sa kababaihan, magpopokus ako doon.
Ano ang pinakaabangan ninyo sa darating na panahon hanggang sa eleksiyon sa 2010?
I love campaigning. Maybe campaign for me is of equal value doon sa legislative work because that’s’ the time when you really in such a short period, you get in touch with everyone, all walks of life. You get the situation first hand in such a short time. ’Yun ang gusto ko sa pangangampanya, kasi talagang nalalaman ko ’yung sitwasyon sa ibaba, at para sa akin mahalaga yun para maging epektibong mambabatas o epektibong aktibista. So I look forward to that. Kasi hindi lang yan pagkamay, kundi diskusyon, tapos nakakaharap mo talaga yung mga tao sa iba’t ibang uri saka sa iba’t ibang probinsiya at rehiyon. You get to discuss your advocacies to them first-hand. Siyempre, sa Gabriela Women’s Party ganun ’yung porma. Ngayon, mas pangalan mo yung ikinakampanya. Sa palagay ko, magiging challenging na hindi maging katulad ng kalakaaran sa traditional politics na personality-centered o idinadaan sa kaway o ngiti o kung gaano ka kagaling kumanta. ‘Yung gusto naming gawin sa Team Maza, kung papaano namin pauunlarin ang pagpapakete sa aming mensahe at adbokasiya.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5432














