Pinoy Weekly

Mensahe ng Pinoy Weekly sa Global Day of Action against Impunity

PW-december-9-2009


Disyembre 9, 2009

Sa ngalan ng Pinoy Weekly, ng progresibong mga mamamahayag, kaming tinaguriang bahagi ng independiyente o alternatibong midya, nakikiisa kami sa Global Day of Action against Impunity, sa pagkondena sa karahasang sinapit ng mga kapwa mamamahayag habang tumutupad sa tungkuling maging saksi at mag-ulat ng katotohanan.

Kung tutuusin, kaming mga independiyente o alternatibong mamamahayag ay katulad din ng mga mamamahayag sa mga komunidad, sa mga probinsiya. Tulad ng mga community journalists, pinasok namin ang pamamahayag pangunahin dahil sa komitment na maglingkod, dahil sa paniniwalang makapangyarihan ang inuulat namin sa aming piniling odyens. Higit pa sa anumang kakarampot na kita o benepisyo, nananatili kami sa pagsusulat, pagkuha ng litrato at bidyo at paglalathala dahil naniniwala kami sa kapangyarihan ng pag-uulat at pagbibigay sa aming odyens ng kaalaman at pagsusuri na magagamit nila sa pagpapasya at pagkilos. Tulad ng community journalists, maliliit ang aming mga organisasyon. Independiyente kami at walang malaking funding o advertisers. Marahil, dahil dito kaya kami matapang (o nagtatapang-tapangan): wala kaming ibang utang na loob kundi sa aming mga mambabasa, odyens o tagapakinig. Matapang kami dahil maliit kami, at alam naman nating lahat na walang malaking nakakapuwing.

Katulad ng maraming lugar sa bansa ang Maguindanao. Sa mga probinsiya, sa mga komunidad ng maralita sa lungsod, sa mga paaralan at kolehiyo, madaling nasasaksihan ang epekto sa masa ng pahayagang nagmumulat sa kanila. Naaarmasan sila ng kaalaman at pagsusuri, at batay dito mas naisasakonteksto nila ang kanilang kalagayan. Nalalaman nila kung bakit sila api, kung bakit sila naghihirap. Maaaring kikilos sila, maaaring hindi. Pero nasa kanila iyon. Sa Maguindanao, tiyak na natatakot sa mga mamamhayag ang mga makapangyarihan. Takot sila dahil kapag naarmasan ng kaalaman at pagsusuri ang mga dukha, baka maetsapuwera sila sa puwesto. Baka mapalayas sila sa kapangyarihan.

Sa kabila ng hirap, ng panganib, ng problema, sinuong ng mga mamamahayag sa Maguindanao at iba pang lugar sa bansa, ang komitment sa pamamahayag, ang komitment nila sa ordinaryong mga mamamayan. At kapag nagiging tapat sa kanyang tungkulin ang mamamhayag, kapag sineryoso niya ang kanyang bokasyon, tiyak na masasaktan ang mga nang-aapi. Tiyak na matatakot sila sa mamamahayag. Kaya kung maaari, tinatangka nilang suhulan o kunin ang loob natin. At kung hindi madaan sa bola, idinadaan sa bala.

Tatlumpu’t isang mamamahayag ang napaslang sa lupain ng Maguindanao noong ika-23 ng Nobyembre ngayong taon. Tatlumpu’t isa. Bakit ganoon karami? Tanong marahil ng marami sa ating mga kasamahan. Hindi agad natin maarok ang lohika sa tila walang-saysay na karahasan. Pero kung tutuusin, may dahilan ang karahasang ito. Dinadahas tayo dahil nagiging tapat tayo sa ating tungkulin! Dinadahas tayo dahil mas gugustuhin nating maglingkod sa maliliit, sa mga dukha, sa mga inaapi, kaysa makuha ang loob ng mga nasa kapangyarihan. Dinadahas tayo dahil ginagawa natin ang ating trabaho. Magtaka tayo at magduda sa ating trabaho kung hindi na natatakot sa atin ang mga nasa kapangyarihan. Magduda tayo sa sarili natin kung hindi na sila nasisindak. Baka mali na ang ginagawa natin.

Kung kaya, marapat lamang nating hirangin na bayani ang mga kapwa mamamahayag nating nagbuwis ng buhay sa isang malagim na araw sa Maguindanao.

Tiyak na hindi ito ang magiging huling karahasan sa ating hanay. Tiyak, na hindi iyon ang huling pagkakataong tutulo ang ating mga luha at babagsak ang ating mga puso. Pero sa kabila nito, sa kabila ng lahat, sa kabila ng hirap, ng pagod, at siyempre, ng panganib, magpapatuloy tayo. Magpapatuloy tayong maging tapat at makatotohanan at mapagkumbabang mamamahayag. Magpapatuloy tayong maglingkod sa ngalan ng katotohanan at sa ngalan ng sambayanan. Dahil sa ganitong paraan lamang natin mabibigyan ng katarungan ang ating napaslang na mga kasamahan. Sa ganitong paraan lamang natin mabibigyan sila ng pugay. Sa ganitong paraan lamang natin mapapatotohanan na hindi nasayang ang kanilang ibinuwis na buhay.

Mabuhay ang mga mamamahayag na lumalaban para sa katotohanan at katarungan!

Mabuhay ang kalayaan sa pamamahayag!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

(Binasa ang mensaheng ito sa kilos-protesta sa Mendiola, Manila noong Disyembre 9, 2009 sa Global Day of Action against Impunity na inisponsor ng November 23 Movement at International Federation of Journalists. Isa sa convenors ng November 23 Movement ang Pinoy Weekly. Mahigit 2,000 mamamhayag at mamamayan ang dumalo sa naturang pagkilos. May naganap na katulad na mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging ng mundo.)

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5378

Posted by on Dec 13 2009. Filed under Opinyon. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

2 Comments for “Mensahe ng Pinoy Weekly sa Global Day of Action against Impunity”

  1. michael "mitch" santos

    ang galing ng pagkaggawa at ito naman talaga ang mensahe ng pagkilos natin, humihingi ako ng paumanhin pwede ko ba itong i-post sa community news paper namin

  2. michael "mitch" santos

    oo, naman sigurado yun maraming salamat sa marami.padayon

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes