Prinsipyadong pambato sa Senado


Sa kanyang mahabang buhay pampubliko, maraming naging tungkulin si Satur Ocampo: mamamahayag, aktibista, rebolusyonaryo, negosyador, mambabatas. Tumatak sa madla ang imahen ng marangal at matapang na progresibong kinatawan ng Bayan Muna sa Kamara.

Bayan Muna Rep. Satur Ocampo (Kuha ni Soliman A. Santos)
Bayan Muna Rep. Satur Ocampo (Kuha ni Soliman A. Santos)

Sa kanyang mahabang buhay pampubliko, maraming naging tungkulin si Satur Ocampo: mamamahayag, aktibista, rebolusyonaryo, negosyador, mambabatas. Tumatak sa madla ang imahen ng marangal at matapang na progresibong kinatawan ng Bayan Muna sa Kamara. Noong 2007, nang arestuhin si Ocampo sa kasong malinaw na gawa-gawa lamang, lalong tumining ang reputasyon niya ng paninindigan sa kabila ng panunupil.

Ngayong halalang 2010, naatasan si Ocampo na tumakbo sa pagkasenador. Bagamat matagal nang inasam na bumalik sa pagsusulat, walang kiming tinanggap niya ang tungkulin. Sa ilalim ng Makabayang Koalisyo ng Mamamayan o Makabayan, pangungunahan niya at ni Gabriela Rep. Liza Maza ang muling paglahok ng tinaguriang Kaliwa, matapos ang bigong paglahok sa eleksiyong pagkasenador ng Partido ng Bayan noong 1987.

Ano ang nagtulak sa progresibong kilusan na muling magpatakbo ng senador? Ano ang pagkakahalintulad o pagkakaiba nito sa pagpapatakbo ng kandidato sa pagkasenado ng Partido ng Bayan noong 1987?

Kung titingnan natin ang karanasan ng Partido ng Bayan at yung naging karanasan naman ng progresibong mga party-list mula 2001, malaki na yung ibinago ng kalagayan. Noong nagpatakbo ng walong senatorial candidates ang PNB, wala pang nakalatag talagang malawak na network ng partido, although umasa ito sa suporta ng mass organizations. May problema rin noon na hindi naging malinaw sa  iba´t ibang organisasyon kung ano ang pakay sa paglahok sa halalan.

Mayroong bahagi ng organisasyon ang umaasa o kumilos para ipanalo ang mga kandidato ng PNB, mayroon namang signipikanteng bahagi na ang tingin ay gagamitin lamang ang kampanya sa halalan para ihayag ang posisyon ng kilusang progresibo kaugnay ng mga isyung pambansa, pero walang tiyak na layuning pumasok sa gobyerno. Dahil doon, hindi naging matagumpay ang halalan, hindi nagrehistro ang maraming mga botante. Ikalawa, sa mismong halalan ay hindi na binigyan ng karapatan ang PNB na magkaroon ng poll watchers o kinatawan sa canvassing, kaya hindi na-check, hindi na-verify kung yung inilabas na resulta – na natalong lahat ang senatorial candidate ay totoo nga.

Ngayon, sa kapasyahan ng progresibong mga party-list at organisasyon nitong Abril 16, 2009, itinatag ang Makabayan. Tinaya ang naging karanasan ng mga party-list sa tatlong halalan – 2001, 2004, at 2007 – at nakita na sa kabila ng mga paninira, atakeng pisikal, pandurukot, pagpaslang sa mga kampanyador mula 2001 ay tuluy-tuloy pa rin ang paglawak ng suporta ng mga mamamayan. Mula 1,756,000 boto ng Bayan Muna noong 2001, lumaki pa nang lumaki iyon hanggang 2.7 milyon noong 2007, bagamat naka-distribute ang mga boto sa mga party-list.

Noong 2004 at 2007 sa partikular, napamalas na rin ng kakakayahan ang party-list network at progresibong mga organisasyon na makakilos nang epektibo ang isang poll watch mechanism na siya pang inasahan ng official opposition, ang Liberal Party, para maipagtanggol at mapangalagaan ’yung kanilang mga boto. Sila yung tumatanggap ng certificate of votes, ipinapasa sa ating poll watch groups. Tayo ’yung nagmo-monitor sa canvassing.

Batay roon, napagpasyahan na may sapat nang organisasyon at boto para masimulan ang isang pagkakampanya at magpakandidato sa Senado. Ikalawa, bagamat lumalaki ang bilang ng progresibong mga kinatawan sa House of Representatives, maliit ito kumpara sa kabuuang bilang ng lahat ng kinatawan. Kahit magagaling sa pagdedebate at malinaw na nadedeliber yung message, sa komite at plenaryo ng House, pagdating sa botohan, talo pa rin. Kasi, ang kalakaran sa House, walang bill na naipapapasa na hindi kini-clear ng Malakanyang. Mayroon tayong mga naipapasa pero ito yung hindi gaanong nakakaapekto sa political position ng malalaking negosyante at pulitiko, nailulusot natin pero yung mga batayang isyu tulad ng genuine agrarian reform, P125-across-the-board wage increase, ’yung mga nationalization bills natin sa oil industry, ’yung rice development industry act natin, mahirap mailusot. Kinakailangang makita natin na para mabilis ang proseso sa pag-deliberate ng bills ay mainam kung sa pagpasa natin sa Kamara ay may counterpart sa Senado, nasubukan na natin ’yan, tulad ng sa agriculture bill na naging katulong natin sina Sen. Chiz Escudero.

Pinakamagaling siyempre kung galing mismo sa hanay ng progresibong mga party-list ’yung nakaupo sa Senado. Para masuhayan natin ’yung pagtutulak ng progresibong legislation. Ikalawa, ang pagkakaiba sa HoR, may limit ang debate at magsalita for or against sa isang bill o isang isyu, tapos pipigilan na siya. Sa Senate, walang ganoon. Sa Senate, kaya ng isang senador na tuluy-tuloy na magsalita hanggang may sinasabi siya, oppose siya o mayroon siyang sinusuportahang bill. Ang isang senador, katumbas na ng marami-raming bilang ng kinatawan ng HOR. Kung makapaglagay tayo ng isa, lalo na kung mahigit sa isa, mas lalakas ang boses natin sa pagtutulak ng progresibong legislation o pagbatikos at pagtutol sa mga anti-mamamayang panukala ng administrasyon.

Ang pinakadahilan ng pagpasok ng progresibong kilusan ay makapagsimula ng pagbabago sa ating pulitika. Kaya ’yung dinala ng PNB noong 1987, yung new politics, ’yung laban sa traditional political system, laban sa political dynasties, laban din sa political parties na nadidikatahan ng mga dayuhang interes, o kaya lokal na interes ng mga panginoong maylupa at malalaking negosyante. Nakita natin na may ganansiya na sa paglawak ng representasyon natin sa Kamara pero hindi sapat iyon. Kung ang politics of change ay madadala sa Senado ay malaking bagay.

Isa pang punto, dahil sa konsistent na disapproval rating ng Arroyo government, dahil sa graft and corruption, abuse of power, plunder, pandaraya sa halalan, human rights violations, ang kahilingan ng mga mamamayan ay pagbabago at sinasakyan naman ng lahat ng partido, at mga kandidato. Dahil tayo naman ang konsistent na nagdadala ng pulitika ng pagbabago, pinakainam na sa halalang 2010, manawagan at epektibong mai-project ang pulitika ng pagbabago sa pamamagitan ng binalangkas nating sampung-puntong programa at plataproma. Kabilang riyan ang pagsasampa ng kaso at pag-prosecute kay Arroyo at kanyang mga kasapakat doon sa mga kasalanan na natukoy sa apat na impeachment complaint laban sa kanya. Nariyan din ang Genuine Agrarian Refrom Bill –halimbawaý pagkansela sa utang ng mga magsasaka, dahil kapag hindi na nila mabayaran ang utang nila, nababawi sa kanila ang lupa.

Bukod sa Senado, papasok din ang Makabayan sa lokal na mga halalan. Maaaring hihirang ng sariling mga kandidato o susuporta sa mga makabayan at progresibong kandidato na. Gagamitin din ito bilang behikulo ng pakikipag-alyansa. Magiging alternatibong silungan nila ito, na nakabatay sa prinsipyo kung sila ay maniniwala sa pagsusulong ng pulitika ng pagbabago.

Kamusta ang inyong pagtanggap ng mga tao sa inyong pag-iikot?

Maganda naman. Kagagaling lang namin sa  Sorsogon. May isang mayor doon na sumusuporta na sa Bayan Muna simula pa noong 2001 at ngayo’y bukas sila sa pagkabuo ng Makabayan at payag sila na ikonsidera ang pagtakbo sa ilalim ng Makabayan. Sa Mindanao at Visayas, marami ring independyente ang natutuwa sa pagkakabuo ng Makabayan na puwede na talaga nilang angkinin na partido. Ang ilan sa kanila ay idineklara na bilang mga kandidato ng makabayan.

Ano ang magiging papel ng Makabayan sa lokal na halalan?

Ang Makabayan ay magiging silungan o daluyan ng pagkandidato ng mga independent-minded na nagtataguyod ng bagong pulitika, gayundin ng mga datihan na pero nadidismaya na sa kanilang kinaaanibang partido. Hindi basta-basta nagrerekluta ng mga miyembro ang Makabayan, batay ito sa plataporma at programa.

Ano ang tingin ninyo na tatakbo kayo sa ilalim ng slate ng ibang political party?

Ang lohika ng plano na kailangang yung dalawang nominadong kandidato sa Senado, si Liza Maza at ako ay tumakbo bilang kabahagi ng official slate ng isang malakas na kandidato sa pagkapresidente sa oposisyon. Absoluto, hindi puwede administrasyon. Ito ay dahil sa ang pokus ng eleksiyong 2010 ay sa presidente, hindi sa Senado. ’Yung midterm, Senate ang nakapokus diyan. Kung lalarga ang Makabayan, at dalawa lang ang kandidato nito, importante na makasama sa kampanya ng isang malakas na kandidato para maipakilala ang kandidato ng Makabayan sa mas malawak na publiko.

Ano ang naging batayan ng pagpili ng Makabayan ng susuportahang kandidato?

Isang malaking pagbabago ito, mula 2004, hindi nagsuporta ng isang presidentiable ang progresibong kilusan, ngayon pa lamang. Hindi maiwasan na sumuporta sa isa sa oposition candidates, pero malinaw na hindi natin nilalabag ang prinsipyo na batay sa pagkakaisa sa paninidigan. Inalok natin ang ating plataporma sa mga kandidato at hiningi kung anu-ano ang kaya nilang suportahan sa mga ito. At kapag nagkaisa sa plataporma, iaalok ng Makabayan ang makinarya ng kampanya nito at saka poll watch network kapalit ng pagtulong sa logistics ng kampanya yung susuportahang kandidato.

Hindi nagpapailalim ang Makabayan. Hindi pa-a-absorb. May tatlong posibleng antas ng pakikipag-alyansa. Kung malawak at marami ang mga probisyon sa plataporma ang tatanggapin, puwedeng magkoalisyon. Kung hindi naman ganoon kalawak, puwedeng alyansa lang. O kaya maging guest candidate lang sa isang presidentiable.

Gaano na kasaklaw ang latag ng Makabayan?

Ang natapos na ay Mindanao, sa Southern Mindanao, North Central Midanao, Western Mindanao…. practically covered ang buong Mindanao.

Sa Northern Luzon, tapos na sa Baguio. Sa Central Luzon, meron nang mga panimulang asembleya sa Pampanga, Pangasinan, Bataan, Bulacan…  sa Bicol, tapos na Camarines Sur at Norte, Sorsogon, Naga… sa Southern Talalog, Laguna at iba pa.

Umaandar pa rin ang makinarya ng party-lists, kasabay nito ay mayroon silang mga grupo para naman sa Makabayan. Madadagdagan ang ikakandidato ng mga party list. Mate-testing ang kanilang kapasidad. Kapag nagtagumpay, magiging maganda na ’yung susunod na mga eleksiyon. Maipagpapatuloy ang koordinasyon ng mga party-list at Makabayan para sa pagpapalawak at pagpalakas ng base ng progresibong kilusan.

Karanasan sa Kamara, dadalhin sa senado?

Ang sa Senado ay anim na taon, katumbas ng dalawang termino sa Kamara. Ang lahat ng dinala natin sa House ay dadalhin natin sa Senado. Ngayon ay tapos na ang aming termino ni Liza Maza sa pagkakinatawan, susubukan nating dalhin ito sa Senado. At kung magtatagumpay, ganito ang gagawin natin sa mga progresibong kinatawan na magtatapos ng kanilang termino sa mababang kapulunbgan.