Pinoy Weekly

Ang pagbabalik ni Nora Aunor

Bumulaga na sa ating lahat kamakailan ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor nang salubungin siya ng kanyang anak na si Ian de Leon at ng mga peryodistang pampelikula na sina Aster Amoyo at Mario V. Dumaual sa Japan.

Hindi dumiretso sa Pilipinas si Nora dahil may opisyo pa siya sa Japan at ito ay ang pakikipagpulong at pakikipagtalamitam sa bago niyang kaibigan at tagasuporta na isang cosmetic surgeon.

Yes, magpapaayos ng kanyang katawan ang aktres sa suheranong ito.

Handa na si Aunor sa kanyang muling pagbabalik sa eksena kaya naman dapat ay may iba na siyang dating pagkatapos ng kanyang humigit-kumulang na limang taong pamamalagi sa Estados Unidos nang siya ay mahulihan ng bawal na gamot sa kanyang bago sa Los Angeles Airport.

Ngayon ay naayos nang lahat ang mga aberya sa buhay ng aktres kaya naman patuloy ang buhay at ang kanyang pagpapaligaya sa tagahanga niya.

***

Magpaparetoke si Guy sa kauna-unahang pagkakataon dahil naman sa ang modernong siyensiya ay nangangalaga sa kapakanan ng mga tao lalo na sa kagandahan at ito ay iginagalang ni La Aunor.

Sinukatan na si Ate Guy ng doktor na mag-aayos ng kanyang mukha.

Pero wala naman talagang dapat ipabago ang bituin dahil natural naman ang kanyang hitsura at ‘yon ang minahal sa kanya ng fans.

Gayunman, kailangang sumakay sa sistema si Nora at sumabay sa tugtog ng musika para lalo pang maging makabuluhan ang kanyang buhay para sa lahat.

Nang makita nga siya ng mang-aawit na si Marco Sison sa Amerika ay nawika ng singer na maganda at sariwang tingnan si Nora sa mga panahong ito bagamat kailangan pa talagang papusyawin ang kanyang kariktan.

Bagamat ani Marco ay nakakatuyo ng balat ang hangin sa US, hindi maitatago na napangalagaan ni Aunor ang kanyang buong anyo.

***

Hindi maitatangging hindi na bumabata ang aktres pero ang kanyang Filipinang-Filipinang hilatsa ay nasa kanya pa rin.

Sa mga larawan nga sa Facebook ng dating Manunuri ng Pelikulang Pilipino at dating peryodistang pampelikula na si Mike Feria na nakabase na sa US ngayon—isa rin siyang Noranian—ang daming litrato ni Guy na napapanatili ang kanyang natural na pagkatao.

Ang aalisin naman sa kanya ay ang mga bagay na nagpapagaspang ng kanyang kutis.

Kaya preparado na si Nora sa lahat ng ito.

Madali lang naman ang operasyon at ang Superstar ang tagapag-endorso ng surgical clinic kaya walang problema.

Wala talagang problema kung magparetoke man si Nora.

***

Pagkatapos sa Japan ay babalik muna si Guy sa Amerika para tuparin ang mga natitira pa niyang pagtatanghal doon.

At sa Marso naman ay nakatakda siyang lumipad patungong Canada para magpaligaya sa mga Canadian, iba pang mamamayan at mga kapwa Filipino sa North America.

Ito ang ibinalita ng kanyang pangunahing tagatangkilik sa Pilipinas na si Lito Sibonga na nagsabing gagalugarin ng kanyang idolo ang buong Canada.

Ito ay bago magtuloy ang aktres sa Pilipinas sa gitnang bahagi ng Abril, ayon din kay Lito.

Kaya naghahanda na sina Sibonga ng malawakang pagkilos sa pagtanggap muli sa kanilang idolo sa bansa.

“Bongga dapat ang pagsalubong sa kanya,” pahayag ni Lito.

***

Nagmiting naman noong Linggo, ika-14 ng Pebrero, 2010, Valentine’s Day ang Grand Alliance for Nora Aunor Philippines.

At alam ba ninyo kung saan nagpulong ang mga opisyal at miyembro nito?

Sa Plaza Lawton lang naman.

Hindi nga ba’t ang Plaza Lawton ay nangangahulugan ng pampubliko at pangmalawakang pagkikita at pagpapahayag ng mga mithiin, saloobin at adhikain ng maraming organisasyon lalo na ng mga para sa anakpawis?

Dahil nabibilang sa naghihikahos at anak-pawis ang mga Noranians.

Wala silang maipambabayad na malaki sa pagpupulong sa mamahaling lugar o kaya ay restoran kundi kapos ang kanilang budget sa mga bonggang mitingan kaya nagkasya sila sa mga liliw ng Plaza Lawton kasama ang kapwa masa.

***

Dahil si Aunor ay simbolo ng masang inaapi at dinudusta kaya sana sa pagbabalik ng aktres ay magnilay-nilay na siyang tunay na kailangan siya ng masa bilang tagapagsalita nila sa mga problema ng lipunan kahit na sabihing anong magagawa ni Nora sa mga bagay na ito.

Dahil pa ang tingin ng madla ngayon sa kanya ay mababa mula nang siya ay mahuli sa ngalan ng batas laban sa shabu?

Dahil ba sa mga kaso niya sa hukuman?

Dahil pa sa mga intriga at tsismis ng pangungutang sa Amerika?

Pero kahit anong sabihin, si Nora ay may sarili na ring naimpok at siya ay patuloy na minamahal ng masa, ang sektor ng lipunan na nagluklok sa kanya sa kapangyarihan ng showbiz sa sosyedad na ito.

***

Ngayon pa lang, ang batambatang tagahanga ni Guy na si Tess de Vera, isang tituladong propesyunal ay naghahanda na para sa pagdating ng kanyang Ate Nora.

Aktibung-aktibo si Tess sa lahat ng mga proyekto at gawain ng GANAP kung saan siya ay isa sa mga natatanging opisyales nito.

Sinabi ni de Vera na magtitiis sila bastat makapiling nilang muli si La Aunor.

Wala silang pakialam sa mga negatibong balita laban sa kanilang idolo dahil nauunawaan nila ito.

Si Nora ang salamin nila at habang sila’y nabubuhay, habang ang anakpawis ay hindi nakakaahon sa karalitaan, ang mga tulad nina Tess at Nora ay patuloy na magkakapit-bisig sa abot ng kanilang makakaya para maipadama na ang masa ay hindi nagpapatalo, hindi nag-iisa bagkos ay nakikipaglaban sa anumang kawirwiran ng buhay.

Palaban na lalo pa ngayon ang mga Noranians at maipapakita muli nito sa oras na nasa kanila nang tabi ang Superstar nakikiisa sa lahat ng kamalayang makapagpabago sa takbo ng lipunan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6193

Posted by on Feb 16 2010. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Ang pagbabalik ni Nora Aunor”

  1. winslife

    nora aunor don’t worry god is alwayz there…godloves you.sya ang naglikha sa iyo..at sya din ang nag paligaya sa iyo..

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes