Tayo si Nora


Ang kanyang mga pelikula ay sumalamin sa katotohanang palasak sa karamihan ngunit pilit ikinukubli ng mga nasa kapangyarihan.

Sa pagpanaw ng Superstar at Pambansang Alagad ng Sining na si Nora Aunor, muling tumingkad ang pinakamatinding dahilan ng kanyang kasikatan na tumagal ng mahigit anim na dekada.

Mula sa kaniyang kabataan, pagtitinda ng tubig sa estasyon ng tren sa Camarines Sur ang isa sa ginawang paraan ni Nora Cabaletara Villamayor upang makaraos sa pang-araw-araw na pamumuhay. Dahil sa pagkanta, nakasali siya sa iba’t ibang paligsahan hanggang siya ay itinanghal na kampeon sa Tawag ng Tanghalan noong 1967.

Hindi maglaon ay tinahak niya na rin ang mundo ng pelikula. Binasag niya ang nakasanayang pamantayan ng kung ano ang hitsura ng isang bidang babae sa pelikula—maputi at matangkad, mga katangiang idinikta at idinulot ng tatlong siglo ng pananakop ng mga Puti sa bansa.

Dahil kay Nora, nagkaroon ng puwang para sa mga Pilipinong maitim at maliit, mga salitang maglalarawan sa kalakhan ng mga Pilipino. Ito ay ang puwang na nagsasabing ang kanilang pagkatao ay may halaga, may karapatang maging sentro ng mga kuwentong ating nililikha. Hindi nakakulong sa pagiging tagasuporta lang sa mga mestiso at mestisa. Ang maitim at maliit ay nagkaroon ng hindi matatawarang bahagi sa pambansang naratibo na ating inaakda sa pamamagitan ng pelikula, telebisyon at iba pang midya.

Sa pamamagitan ng kanyang mga pelikula ay aktibong nakilahok si Nora sa paglinang ng ating kasaysayan, lalo na sa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., isang epoka na pinamayanihan ng pagsupil sa karapatan sa malayang pagpapahayag at pamamahayag. Ang kanyang mga pelikula ay sumalamin sa katotohanang palasak sa karamihan ngunit pilit ikinukubli ng mga nasa kapangyarihan.

Sa “Minsa’y Isang Gamu-gamo” (1976), ang marahas na pagsampal ng katotohanan ang gumising sa isang Pilipinang lango sa pangako ng magandang buhay sa Amerika. Ang masaklap na katotohanang ang mga Pilipino ay hinahamak maging sa kaniyang sariling bayan ang dumadaloy sa pelikulang ito.

Sa “Bona” (1980), ang Superstar ang naging tagahanga, halos sambahin ang kanyang idolo at kusang-loob na nagpaalila rito. Ngunit ang buhay ng panatiko ay isang trahedyang naghihintay na mabuo, tulad ng isang pinakukuluang tubig, naghihintay lang na masagad ang init bago tuluyang kumulo.

Sa “Himala” (1982), si Nora ay pinaghimalaan ng Mahal na Birhen, naging isang mesiyas sa isang lipunang nanririmarim sa kasamaan at kadiliman. Ang buhay ni Elsa ay naging pagsusulit sa hanggang saan kakapit ang tao sa bulag na pananampalataya para lang makaaapuhap ng nalalabing pag-asa sa isang bayang nasadlak sa kahirapan.

Marami pa sa kanyang mga obra ang naglalarawan sa pagsasabuhay ni Nora sa danas ng napakaraming Pilipino. Iyon marahil ang pinakamalaking ibinigay ni Nora sa atin: sa isang lipunang hindi nakikita at napapansin ang marami, ipinakita ni Nora sa atin ang ating mga sarili. Ibinigay niya sa atin ang pagpapahalaga na patuloy na ninanakaw mula sa atin.

Tayo si Nora at ang mga kuwentong kanyang binigyang buhay ang kuwento ng maraming Pilipino, hikahos at inaagrabyado ngunit patuloy na lumalaban nang patas at may dangal. Para sa lahat ng ito: Maraming salamat, Ate Guy.