Pinoy Weekly

Sa posibleng outsourcing ng pag-iimprenta ng balota, dayaan pinangangambahan

Pinangangambahan ni Rep. Satur Ocampo at grupong Courage (Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees) ang dayaan sa darating na halalan dahil sa posibleng outsourcing sa pag-iimprenta ng mga balota. Ito ay matapos itaas ng National Printing Office (NPO) ang alarma dahil sa kakapusan ng kanilang kakayahan na abutin ang target na 50.7 milyong balota.

Batay sa mga impormante sa NPO, sinabi sa Pinoy Weekly ni Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage, na nasa tinatayang 12 milyong balota pa lamang ang naiimprentang balota sa kasalukuyan, o 60% pa lamang ng target.

Kung pagbabatayan ang kalkulasyon ng NPO na 650,000 ang kailangang maimprenta araw-araw ng apat nitong makina mula Pebrero 7 para maabot ang dedlayn na Abril 25, dapat nasa 18 milyon na ang naiimprentang balota.

Malaki ang pangamba ng grupo at ni Ocampo na hindi maimprenta ng NPO ang lahat ng kinakailangang balota at humantong ito sa outsourcing ng pag-iimprenta sa mga pribadong kompanya.

“May malaking posibilidad ng pandaraya kapag pinaimprenta ang mga balota sa mga pribadong kompanya. Posibleng ma-tamper ang mga balota kapag nangyari ito,” pahayag ng kinatawan ng Bayan Muna at kandidato sa pagka-senador.

Red alert

Ayon mismo sa memorandum sa Commission on Elections (Comelec) noong Marso 1 ni Atty. Esmeralda Amora-Ladra, hepe ng Comelec Printing Committee, may 7,917,584 opisyal na balota pa lamang ang naiimprenta hanggang sa araw na iyon. Sa bilang na ito, 5,328,823 pa lamang ang good ballots, habang ang iba ay naka-quarantine o kailangan pang suriin ng mga Precinct Count Optical Scan.

Sinabi pa ni Amora-Ladra sa memorandum (na pinamagatang Red Alert: Status Report on the Printing of Official Ballots at the NPO), imposible na makamit ang target sa pag-iimprenta ng balota gamit ang apat na makina ng NPO.

“Granting that 7,878,480 (printed minus quarantined ballots) are all good ballots, we still have to print a total of 42,845,254 for a period of 54 days. This means, we should be able to have a daily production of 793,430.629, more or less, per day from four printers, which is impossible!” sabi sa memorandum.

Sinabi pa ni Amora-Ladra na hindi na gumagana ang isang makina dahil sa nawawalang spare parts.

Batay sa impormasyon ng Courage, hindi pa rin gumagana ang makinang ito, hanggang sa sinusulat ang balita.

Aabot lamang sa 34,173,811 ang maiimprenta ng NPO gamit ang apat na makina, kahit pa maayos ang sira nitong makina, ayon pa sa memorandum noong Marso 1.

Umano’y kailangang masiguro ng Comelec ang pag-iimprenta ng 8,671,443 karagdagang balota bago ang halalan (o mula Abril 26 hanggang Mayo 8), o di kaya’y maghanda ng 15 milyong manwal na balota para sa mga lugar na kailangang gamitin ang manwal na pagboboto dahil sa kawalan ng oras.

Itinakda sa Abril 25 ang dedlayn sa pag-iimprenta ng balota, para magkaroon ng panahong dalhin ito sa iba’t ibang presinto.

3 karagdagang printer, kailangan

Bilang tugon, sinabi ng Comelec noong Marso 12 na kukuha ito ng ika-limang printer, na ipahihiram ng Smartmatic-TIM Corp. Darating umano ang printer sa loob ng 10 araw at gagana sa Abril 5.

Ibinasura rin ng Comelec ang panukalang maghanda ng manwal na mga balota.

Pero ayon kay Amora-Ladra, kailangang gumana ang ika-limang printer bago ang Abril 5, dahil hindi umano ito gagana sa maximum speed at maaari lamang makapag-imprenta ng 100,000 balota kada araw sa unang limang araw.

Samantala, sinabi ni Gaite na hindi isa, kundi tatlong karagdagang makina ang kinakailangan para masigurong matatapos ang pag-iimprenta ng mga balota.

“Kung hindi, malaki ang posibilidad na hahantong sa outsourcing ang Comelec. Ilalagay nito sa alanganin ang integridad ng eleksiyon, at hindi dapat payagan ng taumbayan,” aniya.

Umuugong ang mga balita na isang mala-pribadong imprenta, na pinamumunuan ngayon ng isang dating operatiba ng partidong Lakas at kalaban sa pulitika ng isang prominenteng pulitiko ng oposisyon, ang kokopo ng pag-iimprenta ng mga balota. Dating umupo sa Board of Trustees ng nasabing imprenta ang mga kilalang publicist ni Pangulong Arroyo.

Itinayo ito na isang Government Owned and Controlled Corporation noong administrasyong Marcos, at inilipat ng administrasyong Estrada sa ilalim ng Office of the Press Secretary noong 2000. Sa ilalim ng administrasyong Arroyo, palihim na sinasalo diumano ng imprentang ito ang mga trabaho ng NPO.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6572

Posted by on Mar 14 2010. Filed under Balita, Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes