Eleksiyong 2010: Sining at kultura sa mata ng mga kalahok sa pagkapangulo


Ano ang tindig ng mga kandidato sa pagkapangulo sa pagtaguyod sa sining at kultura ng bansa? Ano ang kanilang mga pananaw sa paglaganap ng wikang Pilipino bilang susi sa paglilinang ng kulturang Pilipino?

Ito ang ikasiyam sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

***

Mga insititusyon at alagad ng sining: apektado ng pulitikal na disposisyon. (PW File Photo)

Mga insititusyon at alagad ng sining: apektado ng pulitikal na disposisyon. (PW File Photo)

Malinaw ang sinabi ni Gat Jose Rizal: “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa kanyang patutunguhan.” Na tila ba laging nagpapaalala sa ating lahat na huwag kalimutan ang ating nakagisnang pamumuhay, laluna ang ating kultura. Napakawastong baybayin ang nasambit ng pambansang bayani upang sinuhin ang nararapat na magiging susunod na pangulo ng ating bansa.

Sa pagsisiyasat sa ilang punto na magpapakita ng kanilang tindig ukol sa maaaring gampan ng sining at kultura sa pagsasabansa, makikilala natin kung sino ang may mahusay na pagtingin sa pagiging Pilipino bilang isang bansa. Siyasatin kung sino talaga ang lumilingon sa kanyang pinanggalingan.

‘Kaluluwa ng bayan’

Gibo Teodoro, nangangampanya sa Mandaluyong City. (Mula sa Facebook page ni Gibo Teodoro)
Gibo Teodoro, nangangampanya sa Mandaluyong City. (Mula sa Facebook page ni Gibo Teodoro)

Mababalikan na itinaguyod ni Villar ang Republic Act 8003 “Declaring Certain Areas in Las Piñas as Tourist Spots” upang mapaganda at maipakilala ang Las Piñas bilang puntahin ng mga turista, lalo na ang tanyag na Bamboo Organ. Ayon sa Ibon Foundation, ipinangako ni Villar na itaguyod at paghusayin ang sining at kultura “upang hindi mawala ang kaluluwa ng bayan.”

Ngunit mahusay man ang kanyang naisagawang proyekto para sa kasaysayan, iba naman ang kanyang tindig ukol sa pambansang wika. Mas pabor siya sa pagpapatibay ng wikang Ingles bilang wika sa pagtuturo.

Samantala, sinabi naman ni Gilbert Teodoro ang sumusunod: “(W)e tried to ‘Filipinize’ everything, but we must be proud of our diversity. There’s still a lot of bigotry and prejudice in the country. Culture should be a tool for state building.” Para sa kanya, ang wikang Filipino ang siyang dapat maging kasangkapan sa pagtuturo laluna para sa agham, na aniya’y magtutulak sa modernisasyon ng bansa. Kasama sa kanyang adhika ang pagpapakilala sa literacy sa mababang antas ng edukasyon, kasama ang literacy sa nakagisnang wika.

Ang paniwala naman ni Richard Gordon, matatag na liderato na lalaban sa korupsiyon, nakatuon sa mga problema ng bansa, at hindi magkakamaling baluktutin ang mga batas para sa naghaharing-uri ng bansa o kahit pa sa dayuhan. Ngunit hindi malinaw sa kanyang plataporma ang mga punto kung paano niya gagawin, at kung ano ang magiging papel ng sining at kultura sa pag-abot ng kanyang tamasa.

Pambansang wika para sa edukasyon

Bro. Eddie Villanueva. (Kontribusyon)
Bro. Eddie Villanueva. (Kontribusyon)

Matibay naman ang paninindigan ni Eddie Villanueva sa pagpapalaganap sa patriyotismo bilang “way of life at hindi basta retorika,” at ang pangangailangan ng pagpapanatili ng pagmamahal sa bansa laluna sa susunod na henerasyon. Para sa kanya, mahalaga ang pambansang wika sa larangan ng edukasyon.

Tulad ni Villanueva, naniniwala si Ma. Consuelo “Jamby” Madrigal na pangunahing wika dapat ang pambansang wika sa instruksiyon sa paaralan. Sa kanyang binitiwang pangako para sa bayan, aakuhin niya ang pagpapalaganap ng malalim na nasyonalistang edukasyon at aktitud laluna sa pambansang nasyonalistang ekonomiya.