Konteksto

Pagkatapos ng Semana Santa

Igwang kaginhawan sa halipot na panahon kang pahingalo. Sadyang may dagliang ginhawang dulot ang pansamantalang pamamahinga. Dito tayo humuhugot ng lakas para sa mas matindi pang pakikibaka.

LUNGSOD NG TABACO, Probinsiya ng Albay (Abril 9) – Kahit katatapos lang ng Semana Santa, may dagliang ginhawa pa rin sa pansamantalang pamamahinga.
Iba pa rin ang epekto sa katawan ng sariwang hangin sa probinsiya. Mistulang paraiso ito para sa katulad kong lumaki sa kongkretong kagubatang tinatawag na Maynila. Kahit na kakaunti lang ang kakilala ko rito sa Bikol, masaya na rin ako dahil sa muling pagkikita ng asawa kong si Joy sa mga mahal niya sa buhay na bahagi na rin ng buhay ko.
Tulad ng dati, sama-samang umaalis kaming magkakamag-anak para sa kung anu-anong lakad. Walang pirming nakaplano para sa partikular na araw; basta kung ano ang magustuhan ay siyang gagawin. Sadyang hindi kayang tumbasan ng pera ang pagsasama-sama ng pamilya. Kahit na hindi gumastos nang malaki, hindi pa rin masukat ang saya dulot ng pagbibiruan at pagtatawanan.
May dalawang kamag-anak na nagtapos ng hayskul. May dalawa pang nakatakdang manganak ngayong buwan at sa susunod na buwan. May isang nagtapos ng medisina na nakatakdang kumuha ng eksaminasyon ngayong taon. Ang mga ito, at marami pang iba, ay nagsisilbing dahilan para magsaya.
Tulad ng marami pang Pilipino, hindi maiiwasan ang problemang hatid ng pamumuhay sa isang naghihirap na bansa. Ang selebrasyon sa mga pagkakataong ito’y hindi pagtakas sa mga problema kundi pagkuha ng lakas para muling harapin ang mga ito. Marami sa aming kamag-anak ay opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno’t pribadong kompanya kaya may malaking responsibilidad sila sa paggampan ng mabibigat na trabaho. Ito ang dahilan kung bakit naiintindihan namin ang hindi pagpunta ng ilang kamag-anak o ang maikling panahong kaya nilang gugulin para sa masasabing ipit na bakasyon.
At naiintindihan naman ng mga kamag-anak namin ang kaso ko: Gustuhin ko mang silang makasama nang mas matagal, imposible ito para sa aking mahigpit na iskedyul ngayong buwan. Noong Semana Santa, naging abala kami ni Joy para sa isang proyekto. Pagsapit ng unang linggo ng Abril, may panahon na si Joy para bumiyahe sa Bikol pero kailangan ko namang tumulak sa Jakarta, Indonesia para tumulong magsagawa ng isang seminar para sa ilang peryodista ng Timog Silangang Asya.
Mula sa Jakarta, inabot nang halos apat na oras ang biyahe papuntang Maynila. Mula sa paliparan, kumuha ako ng taksi papuntang Cubao para makasakay sa bus na naghatid sa akin sa Tabaco makalipas ang halos 13 oras. Nakakapagod man ang halos 20 oras na biyahe, sa tingin ko’y sulit na sulit naman ang pananatili ko rito kasama si Joy at iba pang mahal sa buhay.
Hindi kababawan ang magkaroon ng kasiyahan sa tila maliliit na bagay tulad ng pansamantalang pagsasama-sama. Ang kabusugan ay hindi nasusukat sa pag-order ng pagkain sa mamahaling restoran kundi sa kuwentong hatid ng matagal na hindi pagkikita. Ang personal na tagumpay ng isang kamag-anak ay tagumpay ng lahat, kaya may sapat na dahilan ang lahat na maramdaman ang pagwawagi.
Mabuti na rin sa amin ni Joy na magkaroon ng maikling bakasyon pagkatapos ng Semana Santa. Tulad ng pinagdaraanan ng ilang kamag-anak, matindi ang presyur sa maraming gawain. Sadyang mahirap pagkasyahin ang limitadong oras sa sobrang dami ng kailangang gampanan.
Sa kontekstong ito, hindi maiiwasang maglakbay ang aking isip kahit na malayo kami ngayon sa Maynila. Naiisip ko pa rin ang mga trabahong naiwan at ang mga problemang aking babalikan. Mahabang pakikibaka ang naghihintay sa akin at sa marami pang ibang nagpupunyagi ng magandang buhay para sa pamilya, para sa bayan. Pero iniisip ko na lang na darating at darating din ang tagumpay para sa lahat ng determinadong makuha ito.
Para sa mga hindi sanay sa mahabang biyahe, malaking pakikibaka ang umupo nang matagal sa bus para makarating sa patutunguhan. Kahit sa mga katulad kong ilang beses nang bumiyahe mula Cubao hanggang Tabaco, nariyan pa rin ang hindi-komportableng pakiramdam ng pagnakaw ng tulog sa gitna ng ingay ng makina’t paminsan-minsang iyak ng sanggol na dala-dala ng katabi ko (tulad ng nangyari kamakailan). Pero ang aking pagtitiis ay mayroon namang gantimpala sa porma ng muling pagsasama ng asawa’t mahal sa buhay sa isang paraisong ibang iba sa kongkretong kagubatang pinagmulan.
Alam kong higit pa sa pagtitiis ang kailangan para makamit ang tagumpay sa pagbabago ng lipunan. Hindi lang matagalang pag-upo ang hinihingi ng pagkilos kundi ang pagtayo para ipaglaban ang nararapat. Para makamit ang pangmatagalang pagbabago, kailangan ang pangmatagalang pakikibaka.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.