Ako Bicol Party-list, inakusahang bumili ng boto
Inakusahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Bikol ang Ako Bicol, nangunguna sa karera sa party-list, na binayaran ang mga kapitan ng barangay sa rehiyon ng tig-P1,000 hanggang P2,000 dalawang linggo bago ang halalan.
Ayon kay Tessa Lopez, public information officer ng Bayan-Bikol, ibinulgar ng mga insider mula sa nasabing party-list ang impormasyon. “Kung totoo ito, hindi nakapagtatakang nangunguna sila sa inisyal na resulta ng halalan,” aniya.
May 3,471 kabuuang barangay sa Bikol, na may tinatayang 2.5 milyong botante.

Kung makuha ng isang party-list ang boto ng kalahati lamang ng mga bototanteng ito, maaari na itong makapagpaupo ng tatlong kinatawan sa Kongreso, ang maksimum sa ilalim ng Party-List System Act.
Sa pinakahuling partial unofficial tally ng GMA-7, nakakuha ang Ako Bicol ng 1,401,783 boto at nangunguna sa karera sa party-list, batay sa 90.12% ng mga election return.
Sinabi pa ni Lopez na kapag kukuwentahin ang ibinayad ng party-list sa mga kapitan ng barangay, aabot ito sa P3.5 hanggang P6.5 milyon. “Idagdag mo rito ang napakarami nilang political ads, talagang magtataka ka kung saan nila kinukuha ang kanilang pondo,” aniya pa.
Unang nominado ng Ako Bicol si Christopher Co, kapatid ni Elizalde Co. Ayon sa grupong electoral watchdog na Kontra Daya, si Elizalde Co ang pinakamalaking kontraktor sa Bikol at kilalang alyado ni Arroyo.
Kilalang mga alyado rin umano ng pangulo ang ikalawa at ikatlong nominado nito na sina Rodel Batocabe at Alfredo Garbin Jr.
Sinabi ng Bayan-Bikol na hindi tunay na kinakatawan ng Ako Bicol ang mga mardyinalisadong sektor.
“Sila lamang ay grupo ng mga kontraktor at oportunista na ginagamit ang kanilang pondo para tumulong umano. Pero sa totoo’y pinagpapatuloy lamang ang patronage politics sa pamamagitan ng mga dole-out kapalit ng mga boto. Naniniwala kaming nakakubli silang mga tagasuporta ng gobyernong Arroyo at gagamitin lamang ang Kongreso para palawakin ang impluwensiya ni Arroyo,” sabi ni Lopez.
Idineklara na si Arroyo na nanalong kinatawan ng ika-2 distrito ng Pampanga, at pumupuwesto para tumakbong House Espiker.
Unang nominado ang kanyang anak na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo ng Ang Galing Pinoy, isa sa mga party-list na kinasuhan ng Kontra Daya ng diskuwalipikasyon sa Commission on Elections (Comelec). Ibinasura ng Comelec ang kaso.
Sa isang pahayag, sinabi ng Makabayan (Makabayang Koalisyon ng Mamamayan) na “winasak” ni Arroyo ang sistemang party-list sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng pekeng mga party-list para makontrol ang Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kailangan ni Arroyo ng 144 boto para maihalal bilang bagong House Espiker.
Sa tantiya ng Makabayan, may 20 party-list na pinatakbo ni Arroyo ang makakakuha ng mga puwesto sa Kongreso.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7461














[...] This post was mentioned on Twitter by pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: Ako Bicol Party-list, inakusahang bumili ng boto http://bit.ly/8ZK075 [...]