Eleksiyon wala nang kredibilidad — Bayan, Kontra Daya

Iba't ibang grupo sumugod sa opisina ng Comelec sa Intramuros, Manila para singilin sa aberya sa eleksiyon, na umano'y sadya at bahagi ng plano ni Pangulong Arroyo na manatili sa puwesto bilang holdover president. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Wala nang kredibilidad ang darating na eleksiyon, automated man o manwal, ayon sa Kontra Daya at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na kabilang sa mga grupong sumugod sa Commission on Elections (Comelec) ngayong araw para kondenahin ang mga kapalpakan sa paghahanda para sa Mayo 10.
Nagkakaisa ang mga grupo na bahagi ng isang sistematikang plano ng pagsabotahe ng eleksiyon ang mga kapalpakan, at hindi lamang usapin ng competence o kawalan ng kakayahan ng Comelec.
‘Di maiwasang magduda
“Ang nangyari ay hindi lamang maliit na aberya kundi isang potensiyal na kapalpakan sa pambansang antas. Kahit maresolba ito gaya ng sinasabi ng Smartmatic, malubhang tinamaan na ang kredibilidad ng halalan,” sabi ni Renato M. Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Ayon kay Reyes, hindi maiwasang magduda ng mamamayan dahil matagal nang ipinupunto ng iba’t ibang grupo ang kawalan ng sapat na testing, mock elections, at sertipikasyon ng mahahalagang kagamitan gaya ng compact flash (CF) cards; subalit hindi umakisyon ang Comelec at Smartmatic.

Kabilang sa sumugod sa Comelec sina Satur Ocampo at Liza Maza, tumatakbong senador. (Ilang-Ilang Quijano)
Ipinunto pa ng Bayan na malinaw na indikasyon na magkakaroon ng malawakang aberya o pagkaantala sa Mayo 10 ang pag-amin mismo ng Comelec na magsasagawa sila ng testing ng mga makina hanggang sa umaga ng mismong araw ng eleksiyon.
Nanawagan din ang mga grupo sa mga mamamayan na maghanda sa mga malawakang pagkilos sakaling pumalpak ang eleksiyon.
“Ang pinagsisikapan namin ay magkarron ng eleksiyon para matahimik na ang ating bansa. Yun ang aming most desired. Pero ang most likely to happen ay magkaroon ng kapalpakan dahil hindi handa ang Comelec at hindi nito ginawa ang lahat para maging matagumpay ang eleksiyon. Kailangan magbantay ng mga mamamayan, at kumilos kapag nagkaroon ng failure of elections,” sabi ni Fr. Joe Dizon, convenor ng Kontra Daya, sa panayam ng Pinoy Weekly.
Pandaraya, inilatag na?
Samantala, kinuwestyon ng grupo ng mga maralitang lungsod ang umano’y pagiging pandarayang posibleng inilatag sa pagbawi at pag-reconfigure ng Comelec at Smartmatic sa CF cards.
“Paano tayo makasisiguro na hindi tampered ang mga babalik na CF cards at may naka-program na palang mga resulta?,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap).
Binanggit din ng grupo ang pag-deploy sa dalawang batalyon ng Armed Forces of the Philippines sa sampung siyudad sa Metro Manila, na diumano’y election hotspots.

(Mula kaliwa) Sina Gabriela Rep. Luz Ilagan, Kabataan Rep. Raymond Palatino, at Anakpawis Rep. Rafael Mariano, kabilang sa nanawagan ng protesta sakaling pumalpak ang halalan
“Hindi peace and order ang pakay ng mga sundalong ito kundi pagsupil sa pagsambulat ng galit ng mamamayan, na idudulot ng failure of elections at malawakang pandaraya,” dagdag ni Badion.
Sinasabi ng mga grupo na ipinatutupad ngayon ng gobyernong Arroyo ang Oplan Rafael (Retain Arroyo Through Failure of Elections), o balak ni Pangulong Arroyo na isabotahe ang eleksiyon at manatili sa puwesto bilang holdover president.
Ayon kay Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, “Ang ating pagiging mapagbantay ang tanging paraan para biguin ang masamang balak ni Arroyo. Sa Mayo 10, dapat tayong bumoto at protektahan ang ating boto–kung hindi susundin ng gobyerno ang ating kapasyahan, dapat tayong lumaban.”
Kabilang sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Gabriela Rep. Liza Maza, tumatakbong senador, sa mga sumama sa kilos-protesta sa Comelec. Bukod kay Ilagan, naroon din ang kinatawan ng progresibong mga party-list na sina Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis at Rep. Raymond Palatino ng Kabataan.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7247














[...] This post was mentioned on Twitter by pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: 'Eleksiyon wala nang kredibilidad' http://bit.ly/cChzPa [...]