Pagpapalawak ng manual audit sa 50% ipinanawagan


Ipinanawagan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang pagpapalawak ng manual audit sa 50 porsiyento ng mga presinto para maberipika ang resulta ng halalan, sa gitna ng paglitaw ng ilang mga iregularidad. Inamin mismo ng Commission on Elections (Comelec) na may natuklasan silang di-pagkakatugma sa resulta ng naka-print na election returns at ng ipinadalang mga resulta […]

Sa gitna ng mga naitalang iregularidad sa halalan, kailan magsagawa ng malawakang manual audit ang Comelec, ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano. (Darius Galang)
Sa gitna ng mga naitalang iregularidad sa halalan, kailan magsagawa ng malawakang manual audit ang Comelec, ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano. (Darius Galang)

Ipinanawagan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang pagpapalawak ng manual audit sa 50 porsiyento ng mga presinto para maberipika ang resulta ng halalan, sa gitna ng paglitaw ng ilang mga iregularidad.

Inamin mismo ng Commission on Elections (Comelec) na may natuklasan silang di-pagkakatugma sa resulta ng naka-print na election returns at ng ipinadalang mga resulta para sa 150,000 botante. Gayundin, natuklasan na inuwi ng isang technician ng Smartmatic ang 60 makinang Precinct Count Optical Scan (PCOS) sa Antipolo City, Rizal.

Duda si Mariano sa sinasabi ni Atty. James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na “human error” lamang ang dahilan ng di-pagkakatugma dahil maling memory card ang ginamit sa pag-print ng mga resulta.

“Isang linggo lamang bago ang halalan, nagkakandarapa ang Comelec at Smartmatic na bawiin at palitan ang memory cards dahil sa mayor na kapalpakan sa final testing and sealing noong Mayo 3. Hanggang ngayon, hindi pa rin nilalahad ng Comelec kung nasubukan ang mga makina bago ginamit sa halalan,” sabi ni Mariano.

Sinabi rin ng progresibong mambabatas na nakapagdududang pinayagan ng Comelec na manatili sa isang bahay ng isang technician ang 60 makinang PCOS para sa safekeeping.

“Kayang-kaya ng isang makinang PCOS na manipulahin ang mga resulta ng halalan sa buong bansa. Ano pa kaya ang 60 PCOS?” sabi ni Mariano.

Umano’y makakatulong sa pagpapanatag ng loob ng mga mamamayan ang pagkakaroon ng malawakang manual audit, na sa kasalukuyan ay random lamang at sa kakaunting mga presinto.

Pagkokondisyon ng isip, sa kabila ng iregularidad

Ayon sa mambabatas, kinondisyon na ng gobyerno ang isip ng publiko na naging ‘malinis’ ang halalan dahil lamang sa mabilis na transmission ng mga resulta at sa kabila ng mga ulat ng malawakang kapalpakan ng mga PCOS, problema sa transmission, at iba pang iregularidad gaya ng pamimili ng boto at pagkakaroon ng mga balotang pre-shaded.

Inilutang niya ang posibilidad na ang resulta ng automated na halalan na kapareho ng mga sarbey bago ang halalan ay isang operasyon ng Central Intelligence Agency (CIA) ng gobyerno ng Estados Unidos.

Umano’y sabik ang US na maibalik sa “normal” ang sitwasyong pampulitika sa pamamagitan ng pagpapalit kay Arroyo, na labis na kinamumuhian ng mga mamamayan, ng isang “katanggap-tanggap” na papet ng US.

Samantala, ibinulgar ng Makabayan-Southern Tagalog ang iba pang iregularidad sa probinsya ng Rizal, na nagpapatunay umano na hindi isolated incident ang iregularidad ang pagtatago sa 60 makinang PCOS.

Sa bayan ng Hala-Hala, umano’y 1,000 ang naitalang registered voters habang 700 lamang ang aktuwal na nagrehistro. Sa ilang erya ng Montalban, apat na election returns umano ang nagtala ng 99 porsiyentong boto para sa iisang set ng mga kandidato.

Ayon pa kay Ben Villeno, regional coordinator ng Makabayan-ST, halos wala ring naitalang boto para sa progresibong mga party-list ng nasabing koalisyon sa ilang erya ng Rizal.