Pinoy Weekly

Party-list ng Malakanyang nangunguna; ‘Grabeng paglobo’ ng boto sa party-list kinuwestiyon

Hinihinala ng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) na artipisyal ang “grabeng paglobo” ng mga boto para sa grupong party-list.

Ayon sa inisyal na talaan ng mga boto (89.37 porsiyento ng mga election returns) noong 9:40 a.m., lumalabas na mayroon nang mahigit-kumulang 26.91 milyong boto para sa mga party-list.

Sinabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, na kuwestiyunable ang bilang na ito, batay sa mga sarbey na nagsasabing mababa pa ang awareness sa mga botante hinggil sa party-list, at sa malawakang disenfranchisement na tinataya ng Commission on Elections (Comelec) na nasa walong milyong botante.

Sa sarbey ng Pulse Asia dalawang linggo bago ang halalan, lumalabas na 42 porsiyento lamang ang party-list awareness ng mga botante. Malaki ang pinagkaiba nito, ayon sa KMU, sa 82 porsiyentong bumoto para sa party-list.

Tinataya ng grupo na kung batay sa sarbey at sa bilang ng mga botanteng na-disenfranchise, may mahigit-kumulang 17.64 milyong boto lang dapat para sa mga grupong party-list. Ibigsabihin, mayroon umanong siyam na milyong labis na boto.

“Posibleng pinalobo nang husto ang boto para sa mga party-list. Makukuwestiyon tuloy ngayon ang mga deklarasyon tungkol sa ‘malinis at matagumpay na eleksiyon’,” sabi ni Labog.

Aniya pa, kailangan magpaliwanag ng Comelec at Smartmatic hinggil dito, kundi ay haharap ito sa protesta mula sa mga manggagawa at iba pang mamamayan.

Hinihinala ng grupo na hindi “maliliit na pagkakamali” ang artipisyal na paglobo ng boto para sa party-list, kundi bahagi ng “malaking iskema ng pandaraya” ni Pangulong Arroyo para makapasok sa Kongreso ang mga kaalyado nito.

Party-list ng Malakanyang, atbp. ‘kaduda-dudang’ party-list pasok sa Kongreso

Sa inisyal na talaan ng mga boto, lumalabas na makakakuha ng mga puwesto sa Kongreso ang mga party-list may ugnay sa Malakanyang.

Sa tantiya ng grupong electoral watchdog na Kontra Daya, makukuha ng mga party-list ni Arroyo at iba pang party-list na “kaduda-duda” ang halos kalahati ng mga puwesto sa Kongreso na nakalaan para sa party-list.

Nangunguna sa karera sa party-list ang Ako Bicol Political Party, na may 1.39 milyong boto.

Ang unang nominado ng Ako Bicol ay si Christopher Co, kapatid ni Elizalde Co, ang pinakamalaking kontraktor sa Bikol at kilalang alyado ni Arroyo. Kilalang mga alyado rin ng pangulo ang ikalawa at ikatlong nominado nito na sina Rodel Batocabe at Alfredo Garbin Jr.

Maaari ring makakuha ng tig-isang puwesto sa Kongreso ang Ang Galing Pinoy na unang nominado si Rep. Mikey Arroyo at Kasangga sa Kaunlaran na unang nominado si Teodorico Haresco. Mga party-list ito na sinampahan ng kasong diskuwalipikasyon dahil sa kuwestiyunableng representasyon sa mga grupong mardyinalisado.

Pasok din sa nangungunang mga party-list ang Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines (Senior Citizens), na may 1.17 milyong boto; at ang Buhay Hayaan Yumabong (Buhay), na may 1.16 milyong boto.

Ayon sa Kontra Daya, mga bilyunaryo ang mga nominado ng nasabing mga grupo at hindi tunay na kumakatawan sa hanay ng mga mardyinalisado.

Ang unang nominado ng Senior Citizens’ ay si Godofredo Arquiza, isang accountant at abogado na may-ari ng GVA Accounting & Law Firm at One Way Printing Technical Foundation.

Samantalang sina Mariano Velarde Jr. (unang nominado) at ang kanyang amang evangelist na si Bro. Mike Velarde (ikalimang nominado) ng Buhay ay may-ari ng Amvel Land Development Corporation. May-ari naman ng Solar Sports ang pamilya ng isa pang nominado ng Buhay na si William Irwin Tieng.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7432

Posted by on May 13 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes