Analysis Istorya ng Linggo

Tungkulin sa pagpasok ng bagong gobyernong Aquino


Ano ang ibig sabihin ng pagkapanalo ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III? Sinuri ng Pinoy Weekly ang ilang dahilan ng pagwagi niya, at naghapag ng ilang tungkulin ng mga progresibo sa pag-upo sa puwesto ng isang bagong Pangulong Aquino.

Si Sen. Noynoy Aquino, kasama ang running mate na si Sen. Mar Roxas, sa isang presscon sa Hacienda Luisita, Tarlac, matapos ang halalan noong Mayo 10. (Kontribusyon)
Si Sen. Noynoy Aquino, kasama ang running mate na si Sen. Mar Roxas, sa isang presscon sa Hacienda Luisita, Tarlac, matapos ang halalan noong Mayo 10. (Kontribusyon)

May dahilan para pagduduhan ang kredibilidad ng nakaraang halalan. Gayunman, tila tanggap na ito ng marami sa mga mamamayan. Marami rin ang nagdiriwang. Dapat lang: Kahulugan ito ng pagwawakas ng matagal-nang-kinasusuklamang rehimeng Arroyo.

Ilang minuto lamang matapos magsara ang botohan noong Mayo 10, bumuhos agad ang bilang ng mga boto. Bago matapos ang gabi, malaking porsiyento na ang mga boto ang bilang. Simula’t sapul, nangunguna sina Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party sa pagkapresidente at Makati Mayor Jejomar Binay ng PDP-Laban sa pagkabise-presidente.

Hindi aksidenteng kapwa sila’y tinitingnan ng publiko na kumakatawan sa paglaban sa kasalukuyang rehimen. Si Binay nga naman ang pangulo ng Genuine Opposition noong 2004, nang tumakbo si Arroyo at naganap ang eskandalong Hello Garci. Si Aquino naman…anak ng tinitingalang mga bayaning lumaban sa diktadurang Marcos na sina Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at yumaong pangulong Corazon Aquino.

Lantad ang matinding disgusto ng taumbayan kay Arroyo, at nakadagdag ito sa pangamba ng marami sa maaaring kahihinatnan ng halalan noong Mayo 10. Hindi siyempre nakatulong ang kakulangan ng paghahanda ng Commission on Elections sa kauna-unahang eleksiyong automated sa bansa. Hindi masisisi ng Comelec na paghihinalaan itong nakikipagkutsaba sa among Arroyo.

Pero tila nabunutan ng tinik sa dibdib ang madla at natuwa sa mabilis na bilangan matapos ang Mayo 10. Inulan ng papuri ang Comelec na dati nang pinuputakti ng batikos.

Nang lumabas na nga ang resulta, sina Aquino at Binay na nga ang nangunguna sa pinakamatataas na puwesto. Napakadaling paniwalaan ng publiko ang resulta dahil ito na rin ang hula ng nagdaang mga sarbey. Kapani-paniwala ang (o gusto nating maniwala sa) resulta dahil laganap naman ang pagkasuklam kay Arroyo. Si Aquino na hindi niya gagawin ang lahat ng katiwaliang ginawa ni Arroyo ang umani ng malawakang disgusto sa kasalukuyang pangulo.

Sa mga progresibo, hindi na bago ang pagsusuring hindi naman talaga tanging sukatan ang eleksiyon sa tunay na boses ng sambayanan. Unang una, limitado sa may mga kayamanan at karanasan ang pinagpipilian nila. Minsan pa, tulad noong 2004, nagagawang manipulahin ang halalan pabor sa isang kandidato. Kung kaya hindi dapat magkaroon ng ilusyon sa eleksiyon. Gayuman, minsa’y isinasalamin naman nito kahit papaano ang pinaka-lantad na kahilingan ng bayan.

Pinakalantad na kahilingan ang mapatalsik na sa wakas si Arroyo. Si Aquino ang napili dahil kilalang lumaban sa nagdaang mga tiraniya ang kanyang mga magulang. Bahagi siya ng oposisyon, kahit na halos nanahimik naman siya habang nasa Kamara at Senado.

Bago namatay ang inang si Corazon Aquino, hindi tumampok ang nakababatang Aquino bilang lider ng oposisyon. Marami ang kumukuwestiyon sa kawalan ng kongkretong ginawa niya sa Kongreso (wala siyang ni isang panukalang batas na naipasa, mula nang maging kongresista noong 1998 hanggang maging senador noong 2007), pero mas nakababahala ang pagpabor pa niya sa pagsupil sa pagpaparinig sa publiko ng Hello Garci tapes noong 2005. Matapos lamang maganap ang masaker sa Hacienda Luisita, na pag-aari ng kanyang angkan, naging oposisyunista si Aquino.

Dahil wala sa mga mapanganib at susing mga yugto ng paglaban sa rehimeng Arroyo, tila walang pagpapahalaga si Aquino sa papel ng mga puwersang nagkabigkis para labanan ang bagong tiraniya. Noong nagdeklara siya ng kandidatura, nagkibit-balikat siya sa tinaguriang militanteng oposisyon na nanguna sa paglaban sa rehimen. Tinanggihan niyang isama sa kanyang senatorial slate. At nang sumanib sa katunggali niya sa eleksiyon na oposisyunista rin, inupakan pa niya ito at binansagang komunista at lumalaban sa demokrasya.

Masasabing personal pa nga (sa simula) ang dahilan ng pag-anib sa oposisyon ni Aquino. Sa kabilang banda, malalim ang batayan ng pagtutol sa rehimen ng militanteng oposisyon: hindi lang ang lantarang panunupil at pandaraya sa halalan ang binatatikos nila, kundi pati ang mga polisiya ni Arroyo sa ekonomiya na lalong naglulugmok sa sambayanan sa kahirapan. Neoliberal na mga polisiya ang ibinandera ng ekonomistang si Arroyo: ang lalong pagsasapribado ng pampublikong mga serbisyo at rekurso, ang pagbubukas sa ekonomiya sa dayuhang pagsasamantala, at pagbitiw ng gobyerno sa tungkuling pangasiwaan ang kontrol sa ilang susing industriya, tulad ng langis at kuryente.

Tutol si Aquino sa rehimeng Arroyo, pero napapalibutan siya ng mga personaheng nagsilbing mga burukrata ng rehimeng Arroyo. Nariyan, halimbawa, si Dinky Soliman, na dating social welfare secretary ni Arroyo na siyang awtor diumano ng talumpating “I am Sorry” ni Arroyo noong 2005. Nariyan din si dating Kalihim Avelino Cruz sa Department of National Defense na tagapangasiwa sa mapanupil na mga polisiyang panseguridad ng gobyerno tulad, diumano, ng pandurukot at pamamaslang sa mga aktibista. Nariyan din ang mga ekonomista na tapatulak ng neoliberal na mga polisiya ni Arroyo at ng nagdaang mga rehimen.

Kung kaya, habang kikilalanin natin ang tagumpay ng mga mamamayan sa pagpili ng kandidatong kontra-Arroyo, hindi na dapat tantanan ang magiging bagong pangulo: Kailangang iharap agad sa kanya ang kritika ng neoliberal na mga polisiya. Kailangang igiit ang pagpaparusa sa mga awtor at tagapagpatupad ng pampulitikang panunupil at kahit pandaraya sa eleksiyon. Kailangang ihapag ang iba pang hiling ng mga sektor ng lipunan, mula sa tunay na repormang agraryo hanggang disente at nakabubuhay na trabaho at sahod sa mga manggagawa.

At kung hindi ito pakikinggan ni Aquino, kailangan lamang ipagpatuloy ang tungkulin ng militanteng oposisyon: ang pagmumulat sa mga mamamayan na makianib sa ipinaglalaban nila.