Babala ni Alston: Susunod na pangulo, baka ‘di maparusahan ang AFP

Duda si United Nations special rapporteur Philip Alston (gitna) sa kakayahan ng susunod na pangulo na parusahan ang mga sangkot sa paglabag sa karapatang pantao. Kasama niya sa porum ang mga delegado ng Ecumenical Voice na sina (mula kaliwa) Rev. Rex Reyes, Atty. Edre Olalia, at Marie Hilao-Enriquez. (Contributed Photo)
Idiniin ni Philip Alston, United Nations Special Rapporteur on extrajudicial, summary or arbitrary executions na dapat bigyang-halaga ang pagpaparusa ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot sa mga paglabag sa karapatang pantao, para matigil ang culture of impunity sa bansa na kanyang unang inihayag noong 2007.
“It is very important, in my experience, to try to think strategically and to have a vision of how one really wants to look forward and I wouldn’t for the moment, downplay the importance of prosecution…I wouldn’t de-emphasize the extent of the problem of impunity which sends a continuing signal to the military that they can do what they want,” sabi ni Alston sa isang porum sa kasalukuyang ika-14 na sesyon ng UN Human Rights Council (UNHRC) sa Geneva, Switzerland.
Pinamagatang Political Killings and Other Human Rights Violations in the Philippines: Impunity and Accountability at a Crossroads Between Two Administrations? ang porum na inorganisa bilang side event ng Commission of Churches on International Affairs of the World Council of Churches, United Methodist Church – General Board on Church and Society, Christian Conference of Asia, at International Association of Democratic Lawyers.
Pero ayon kay Alston, baka mahirapan ang susunod na pangulo ng bansa na pangunahan ang pagpaparusa sa mga opisyal-militar dahil posibleng payuhan siya ng kanyang mga adviser laban dito.
“The President-elect will likely be reminded that he is heavily dependent on the Armed Forces of the Philippines, not to cause problems and that any prosecution will alienate the military,” aniya. Hindi niya ispesipikong binanggit si presidential frontrunner Benigno “Noynoy” Aquino III.
Iminungkahi ni Alston na gumampan ng malaking papel ang hudikatura at ang Commission on Human Rights (CHR) sa pagpaparusa ng mga opisyal ng AFP.
Pinuri rin niya ang mga non-government organizations sa Pilipinas. Sa lahat ng mga bansang kanyang napuntahan, umano’y sila ang pinaka-aktibo sa pagbibigay ng mga datos hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Magreretiro ngayong Hulyo, isinumite na ni Alston sa UNHRC ang kanyang pinal na ulat hinggil sa Pilipinas.
Ayon sa ulat ni Alston, na bumisita sa Pilipinas noong 2007, ang programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo at ang kabiguan nitong parusahan ang mga ahente ng estado na sangkot sa mga paglabag sa karapatang pantao ang pangunahing dahilan ng pagsirit ng kaso ng mga ekstra-hudisyal na pamamaslang mula 2005 hanggang 2006.
Subalit binalewala ni Arroyo ang nasabing ulat, at inakusahang hindi naging patas si Alston.
Samantala, nagsalita rin sa porum ang komisyuner ng CHR na si Cecilia Quisumbing, na isinumbong naman ang kawalan ng kooperasyon ng mga opisyal-militar sa mga pagdinig at imbestigasyon ng CHR.
Inanunsiyo naman ni Rev. Rex Reyes, pangkalahatang kalihim ng National Council of Churches of the Philippines, na naghahanda na ang kanilang grupo ng isang class suit laban kay Arroyo, pagbaba nito sa puwesto sa Hunyo 30.
Isa si Reyes sa mga delegado ng Ecumenical Voice for Peace and Human Rights in the Philippines, isang grupo ng mga aktibista na inihapag sa UNHRC ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ni Pangulong Arroyo.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7665














[...] This post was mentioned on Twitter by noel_colina, pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: Babala ni Alston: Susunod na pangulo, baka 'di mapusarahan ang AFP http://bit.ly/d22cNd [...]