Pinoy Weekly

Pinoy nars at clinic workers sa Jeddah, di pinapasahod

Nilusob kahapon ng 236 na Pinoy nars at clinic workers ang konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, Saudi Arabia para itulak ang gobyerno na aksiyunan ang kanilang employer na kalahating taon nang hindi nagpapasahod.

Sa isang pahayag, sinabi ni John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-Middle East, na walang ginawa si Labor Attache Vicente Cabe nang lapitan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) para humingi ng tulong.

Iginigiit ng mga OFW na ibigay ng Al Ansar Hospital and Polyclinics ang kanilang anim-na-buwang sahod at release papers.

Ipinag-utos umano ito mismo ng gobernador ng Jeddah dahil magsasara na ang nasabing ospital. Sa 236 na Pinoy nars at clinic workers doon, 59 pa lamang ang nabibigyan ng release papers. Wala pa sa kanila ang pinapasahod, ayon kay Monterona.

Reklamo ng lider-migrante, pawang “lip service” lamang ang pangako ng gobyerno na aasikasuhin ang kaso ng mga OFW. “Hanggang ngayon, wala pa itong pakikipagnegosasyon para mabigay ang release papers at sahod na nararapat sa mga manggagawang Pinoy,” aniya.

Nanawagan ang Migrante-Middle East kay Kal. Marianito Roque ng Department of Labor and Employment na utusan ang nasabing Labor Attache sa Jeddah na umaksiyon sa kaso.

Hinamon din ng grupo si presidential frontrunner Benigno “Noynoy” Aquino III na tanggalin sa puwesto ang lahat ng mga opisyal ng embahada at konsulado ng Pilipinas na nagpapabaya sa kanilang tungkulin na pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7662

Posted by on Jun 2 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes