‘Paglabag sa karapatang pantao, bakit hindi iimbestigahan ng Truth Commission?’


Ipinagtaka ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, ang hindi pagsama sa mga paglabag sa karapatang pantao sa mga isyu laban sa nagdaang pangulo na iimbestigahan ng Truth Commission. Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, hindi lang dapat mga kaso ng korupsiyon ang tugunan ng Truth Commission, kung gusto nitong imbestigahan ang mga kasong “may laki […]

Protesta sa Mendiola kontra sa pamamaslang. (PW File Photo)
Protesta sa Mendiola kontra sa pamamaslang. (PW File Photo)

Ipinagtaka ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, ang hindi pagsama sa mga paglabag sa karapatang pantao sa mga isyu laban sa nagdaang pangulo na iimbestigahan ng Truth Commission.

Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, hindi lang dapat mga kaso ng korupsiyon ang tugunan ng Truth Commission, kung gusto nitong imbestigahan ang mga kasong “may laki at saklaw na ikinagugulat at ikinasusuklam ng moral at etikal na sensibilidad ng mga mamamayan.”

“Inuulit namin ang kagyat na panawagan sa Pangulo na usigin ang dating pangulo at ang puwersang militar at pulisya niya na gumawa o sangkot sa mga paglabag sa karapatang pantao; parusahan ang maysala at itulak ang mga salarin na mangakong hindi na uli gagawin ang mga krimeng ito,” ani Enriquez.

Sinabi ng tagapagsalita ni Pang. Aquino na si Edwin Lacierda na “trabaho ng komisyon na imbestigahan at hanapin ang katotohanan sa malupit na mga alegasyon ng pandrambong at korupsiyon noong huling siyam na taon na kinasangkutan diumano ng mga opisyal ng gobyerno at mga kakutsaba sa pampribadong sektor.”

Sinabi ni Enriquez na bagamat mainam na imbestigahan ang mga anomalyang kinasangkutan ni Arroyo, kailangang imbestigahan din ang mga abuso ng militar at pulisya, laluna ang mga kaso ng pamamaslang, pagdukot at pagsampa ng mga kaso sa mga aktibistang sibilyan.

Samantala, sinabi naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na kailangan ding imbestigahan ng Truth Commission ang mga paglabag sa karapatang pantao dahil bahagi ang mga ito ng paglaganap ng korupsiyon at pandarambong.

“Sa pamamagitan ng pagsupil sa mga pagtutol, ninanais ng mga kurakot na lider na alisin ang mga hadlang sa kanilang pangungurakot,” ayon sa research group ng Bayan. “Halimbawa, ilang beses lumabag ang rehimeng Arroyo sa karapatang panta para tangkaing patahimikin ang whistleblowers tulad nina Marlene Esperat at Jun Lozada?”

Si Esperat ay mamamahayag sa Sultan Kudarat na kabilang sa mga nagsiwalat sa fertilizer fund scam na kinasangkutan ng mga opisyal ng Department of Agriculture. Pinaslang si Esperat noong 2005 ng pinaghihinalaang mga hit men na inutusan ng ilang opisyal ng DA. Si Lozada naman ang pangunahing testigo sa pagkakasangkot diumano ng pamilyang Arroyo sa maanomalyang NBN-ZTE broadband deal.

Sinabi rin ng Bayan Research Group na taliwas ang Truth Commission ni Aquino sa historikal na tungkulin ng mga truth commission sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nag-imbestiga sa mga paglabag sa karapatang pantao ng nagdaang mga rehimen sa kanilang bansa.