Migrante

Gabriela sa Japan, itinatag


Nagkaisa ang aabot sa isandaang kababaihang Pinay sa Japan para itatag ang tsapter ng Gabriela sa naturang bansa. Sa kongreso ng pagkakatatag nito noong Hunyo 27, inanunsiyo ng mga kababaihang Pilipina mula sa iba’t ibang organisasyon at lugar sa Japan ang pagtatag sa Gabriela-Japan. Ginanap ang kongreso sa Nagoya Women’s Center sa Nagoya, Japan. “Natutuwa […]

Mga miyembro ng bagong-tatag na Gabriela-Japan, kasama ang pangkalahatang kalihim ng Gabriela Philippines na si Lana Linaban (naka-gray na jacket). (Contributed Photo)
Mga miyembro ng bagong-tatag na Gabriela-Japan, kasama ang pangkalahatang kalihim ng Gabriela Philippines na si Lana Linaban (naka-gray na jacket). (Contributed Photo)

Nagkaisa ang aabot sa isandaang kababaihang Pinay sa Japan para itatag ang tsapter ng Gabriela sa naturang bansa.

Sa kongreso ng pagkakatatag nito noong Hunyo 27, inanunsiyo ng mga kababaihang Pilipina mula sa iba’t ibang organisasyon at lugar sa Japan ang pagtatag sa Gabriela-Japan. Ginanap ang kongreso sa Nagoya Women’s Center sa Nagoya, Japan.

“Natutuwa kami sa pagkakatatag ng Gabriela-Japan,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela Philippines na dumalo sa makasaysayang okasyong ito. “Signipikante ito dahil sa paglawak ng organisasyon natin sa loob at labas ng bansa (Pilipinas).”

Sinabi ni Linaban na optimistiko ang Gabriela Philippines sa ibayong paglakas ng Gabriela sa Japan, sa balangkas ng dalawang-taong programa nito na binuo noong kongreso.

Bahagi umano ng programa ang paglunsad ng mga kampanya para tugunan at proteksiyunan ang mga karapatan at kagalingan ng kababaihang Pinay sa Japan. Plano ng grupo na lumawak ang saklaw at kasapian nila, at abutin maging ang tradisyunal na mga organisasyong Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng Japan.

“Bahagi rin ng pagpapalakas ng Gabriela-Japan ang pakikipag-alyansa sa mga Pilipino at kahit na di-Pilipinong organisasyon,” paliwanag ni Linaban.

Bukod dito, nais din ng Gabriela-Japan na maglunsad ng kampanyang edukasyon hinggil sa kalagayan ng kababaihang Pinay sa loob at labas ng Pilipinas. Bahagi rin ng plano ng grupo ang magbigay ng ilang mga serbisyo, laluna sa mga biktima ng karahasan sa Japan.

“Matindi pa rin ang piyudal na kultura sa Japan. Haluan na ito ng mababang pagtingin sa kababaihan, at ang pagiging dayuhan ng Pilipina. Malakas ang diskriminasyon, at talagang di pantay ang trato sa babae sa loob ng kasal. Siyempre, problema din ang matinding komodipikasyon (o pagtrato sa kababaihan bilang kasangkapang nabebenta),” paliwanag pa ni Linaban.

Kabilang din sa mga resolusyon ng kongreso ang pagdalo sa iba’t ibang kumperensiya na magpapalakas sa pakikibaka at pagkakaisa ng kabababaihan at Pilipino sa loob at labas ng Pilipinas. Kabilang na sa mga kumperensiyang nais lahukan ng Gabriela-Japan ang Montreal Women’s Conference sa Montreal, Canada sa Agosto.

Gabriela-Japan ang ikatlong tsapter ng Gabriela na itinatag sa ibang bansa. Una nang nagtatag ng tsapter ng nangungunang organisasyong pangkababaihan ang kababaihang Pinay sa USA at Hong Kong.

Kabilang sa nahirang na mga opisyal ng Gabriela-Japan: Virgie Ishihara, tagapangulo; Agalyn Nagase, pangalawang tagapangulo; Myrna Fujita, sekretaryo; Rosanna Tapiru, head ng campaigns and information; Neddie Codog, pinansiya.