Pinoy Weekly

Noynoy hinikayat na tumindig laban sa Charter Change

Kagyat na dapat magsalita si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III hinggil sa inihain ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na panukalang batas para sa pagbabago ng 1987 Konstitusyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na “walang hiya” si Arroyo sa pagtutulak sa Cha-Cha na tinutulan ng mga mamamayan sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

“Dapat magsalita si Aquino hinggil sa isyu ng Cha-Cha, kung ayaw niyang isipin ng taumbayan na walang pinagkaiba ang kanyang tindig kay Arroyo,” aniya.

Naniniwala ang grupo na layon ni Arroyo na sa pamamagitan ng Cha-Cha ay madiskaril ang proseso ng prosekusyon laban sa kanya, dahil matutuon ang atensiyon ng gobyerno sa mga pagbabagong istruktural sa gobyerno.

Idinagdag din ni Soluta na nagbabanta ang Charter Change na pag-ibayuhin ang kontrol ng malalaking dayuhang negosyante ng bansa, na mangangahulugan umano ng ibayong pagkaltas sa sahod ng mga manggagawa, kontraktuwalisasyon, at tanggalan.

“Kaakit-akit ang Pilipinas para sa mga dayuhang negosyo dahil sa murang paggawa na magsusustine ng kanilang malaking kita…Kung sinsero si Aquino sa kanyang pangakong pagbabago, uunahin niya ang interes ng bayan kaysa sa interes ng dayuhan,” aniya.

Samantala, muling ilulunsad ng mga grupong kabataan ang Youth Act Now!, isang alyansa na magtutulak ng prosekusyon ni Arroyo.

Ayon kay Terry Ridon, tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS), dapat maging mapagbantay ang mga mamamayan sa mga hakbang ni Arroyo, na nananatili umanong pangunahing “political player” na may hawak sa mahigit 100 kongresista at lokal na opisyal ng gobyerno.

Kahapon, nagsampa sa Department of Justice ang Bayan Muna Party-list ng unang kasong kriminal laban kay Arroyo para sa pagkakasangkot sa overpriced na proyektong NBN-ZTE noong 2007.

Inakusahan si Arroyo ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct for Public Officials, at Government Procurement Act.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8080

Posted by on Jul 2 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes