Pinoy Weekly

Sa dapithapon ng kanyang pakikibaka

Si Tatay Pascual, sa protesta ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform, noong Oktubre 2009. (Photo courtesy Tanggol Magsasaka)

Si Tatay Pascual (kaliwa, nakapula), sa protesta ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform, noong Oktubre 2009. (Photo courtesy Tanggol Magsasaka)

“Matanda na siya pero patuloy na nakikibaka para sa kanyang karapatan sa lupa, madalas siyang makikitang may dalang mga dokumento mula sa DAR (Department of Agrarian Reform). Hindi siya mapanganib at ang tanging nais niya ay manatili sa kanila ang kanilang sakahan para may maipamana sa kanyang mga apo.”

Ganito inilarawan ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), si Pascual Guevarra, 78-anyos na magsasaka sa Laur, Nueva Ecija at ang kauna-unahang magsasakang biktima ng pamamaslang sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III. Sa kabila ng kanyang edad, pinaslang siya kahit nasa dapithapon na siya ng kanyang buhay.

Pinaslang siya noong hapon ng Hulyo 9, 2010 ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo, isang estilong katulad ng pagpatay sa mga aktibista noong panahon ni dating Pangulong Arroyo. Walang pakundangan ang mga salarin, pinaslang siya sa loob ng kanilang bahay – sa harap ng kanyang pamilya. Pati ang kanyang apong si Ronel Villoria ay nasugatan nang tangkain niyang tulungan ang kanyang lolo.

Lider-magsasaka si Tatay Pascual ng Almana 3,100 o Alyansa ng mga Magbubukid na Nagkakaisa sa 3,100 Ektarya ng Fort Magsaysay  sa ilalim ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL, KMP-Gitnang Luzon).

Parehong salarin?

At tulad rin noong panahon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, militar ang itinuturong may kagagawan sa pagpatay kay Guevarra. Tinukoy ni Ramos ang 7th Infantry Division ng Philippine Army, na siyang may kontrol sa Fort Magsaysay Military Reservation, kung saan nakapaloob ang lugar nina Tatay Pascual.

“Hindi maitatanggi ng militar na wala silang kinalaman dito,” ayon kay Ramos. Idinagdag niya pa na noong nagsagawa sila ng isang fact-finding mission sa lugar noong Oktubre 5 at 6, 2008, nagkalat ang mga sundalo, na nagpapatrulya o kaya’y nagdya-jogging kaya hindi umano maisasagawa ang pagpaslang kay Tatay Pascual nang hindi nalalaman ng militar.

Ayon sa KMP, aktibo si Guevarra sa pagsusulong ng repormang agraryo sa kanilang lugar. Nangunguna siya sa mga pakikipagdayalogo sa 7th IDPA, partikular na kay Col. Hermino Barrios ng Judge Advocate Group’s Office na mas madalas ay kaugnay ng panghaharas ng militar sa mga magsasaka para mapalayas sila sa kanilang lupain.

Noong Nobyembre 17, 2008, kasama rin siya sa pakikipag-usap ng mga magsasaka sa mga kinatawan ng noo’y kalihim ng DND (Department of National Defense) na si Gilbert Teodoro. Hindi na rin mabilang ang pakikipag-ugnayan niya sa Provincial Agrarian Reform Office, tanggapan ng DAR Region III gayundin sa punong tanggapan nito sa Quezon City; lahat ito ay may kinalaman sa kanyang pakikipaglaban para sa karapatan sa lupa.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8284

Posted by on Jul 20 2010. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes