Analysis Istorya ng Linggo

Gobyerno ni Aquino III: Patuloy na nakatali sa US?

Sa pagbisita ni Pang. Noynoy Aquino sa US ngayong Setyembre, pinatutunayan niyang ipinagpapatuloy lamang niya ang polisiya ng nakaraang mga administrasyon: Ang pampulitika at pang-ekonomiyang dependensiya ng gobyernong Pilipino sa gobyernong US.

Pang. Noynoy Aquino at ang AFP: Patuloy ang dependensiya sa suporta at pamamatron ng gobyernong US. (OPS Photo)
Pang. Noynoy Aquino at ang AFP: Patuloy ang dependensiya sa suporta at pamamatron ng gobyernong US. (OPS Photo)

Policy Study, Publication, and Advocacy
Center for People Empowerment in Governance (CenPEG)
August 14, 2010

Maaari nang ituon ang pokus ng mga sumusubaybay sa unang 100 araw ng bagong administrasyon sa nakaambang bisita ni Pang. Benigno S. Aquino III sa Setyembre. Ito ang una niyang opisyal na bisita sa labas ng bansa. Hindi lamang simboliko ang desisyon niya na maging unang destinasyon sa labas ng bansa ang US. May malawak na implikasyon din ito hindi lamang sa mga polisiyang panlabas ng bansa kundi sa sinasabing espesyal na relasyon sa pagitan ng isang dating kolonya at isang superpower. Sa pangmatagalan, may malawak na implikasyon ito sa mga mamamayang Pilipino.

Siyempre, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na magtatalumpati rin si Aquino III, at iba pang pinuno ng mga bansa, sa United Nations General Assembly sa susunod na buwan. Ngunit mas mahalagang adyenda ang magaganap sa White House at iba pang mga pulong ni Aquino sa matataas na mga opisyal ng US. Magbibigay ng courtesy call ang bagong pangulo sa pinakamakapangyarihang lider ng mundo – isang tradisyunal na ritwal na isinagawa ng nakaraang mga pangulo ng Pilipinas, mula Manuel Quezon hanggang Ferdinand Marcos at, nitong huli, kay Gloria M. Arroyo, na ilang beses ding bumisita sa Washington DC.

Harry K. Thomas, embahador ng US sa Pilipinas
Harry K. Thomas, embahador ng US sa Pilipinas

Naipapamalas ng pulong na ito sa pangulo ng US ang pagpapahalaga ng gobyerno ng Pilipinas sa “espesyal na ugnayan” nito sa dating kolonyal na amo. Ngunit walang kinalaman ang “espesyal na ugnayang” ito sa mapagkaibigang relasyon sa pagitan ng dalawang mga mamamayan. Nahubog ang ugnayan ng dalawa sa mga konsiderasyong pang-ekonomiya at pangmilitar na napatunayang salungat sa kasarinlan at teritoryal na karapatan ng mga mamamayang Pilipino. Kahit na gumagarantiya ng suporta sa sinumang umuupong pangulong Pilipino ang pagiging malapit niya kay Uncle Sam.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinakatawan ng pagbisita sa US ng mga pangulong Pilipino ang komitment ng bansa sa maanomalyang mga kasunduang pang-ekonomiya at pandepensa. Ang mga kasunduang ito ang pundasyon ng di-pantay at neokolonyal na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. May panahong kinailangang pumasailalim ang ekonomiya ng bansa sa rekonstruksiyon dahil sa pagkawasak, matapos ang giyera sa pagitan ng US at Japan. Ngunit nakatali ang pondo ng US para sa rehabilitasyon sa ekstensiyon ng parity rights sa mga Amerikano, na pumapayag sa pananatili ng baseng militar ng US at sumusuporta sa giyerang agresyon sa Korea, Indochina, at iba pa. Sinuportahan ng US si Ferdinand E. Marcos bilang tagapagsalita ng Amerika sa Timog-Silangang Asya tuwing kailangan ng US ng koalisyon ng mga suporta sa rehiyon para sumuporta sa giyerang agresyon nito sa Indochina. Mahusay na naglingkod bilang tagapagsalita ng America si Marcos na tumagal ang diktadura salamat sa suporta ng US. Ibinasura siya ng US nang naging pabigat siya at itinulak si Corazon C. Aquino bilang “ikatlong puwersa” na papalit. Bilang presidente, sinuportahan ni Aquino ang pananatili ng baseng militar ng US at ipinasimulan ang isang polisiyang “total war” na mula sa US kontra sa mga rebelde na dumulo sa mas maraming paglabag sa karapatang pantao.

Rehimeng Bush

Noong panahon ng rehimeng Bush, maraming beses na bumisita si Ginang Arroyo sa Washington DC kung saan nakilala rin niya ang mga lider sa Pentagon at Kongreso. Tumungo ang maraming kasunduang nilagdaan niya – karamihan dito’y sikreto o confidential – sa pagtangan ng Pilipinas sa tungkulin nito bilang “ikalawang prente” ng US kontra sa terorismo. Dahil dito, nakapasok ang mga puwersang US at instalasyong militar sa uri ng ehersisyong militar at espesyal na mga pagsasanay. Mula 2001, tumungo ang pagtaas ng ayudang militar at pakikialam ng US sa pagtindi ng ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang krimen sa giyera sa gitna ng pagtindi ng giyera kampanyang kontra-insurhensiya ni Arroyo kontra sa Kaliwa, armado man o hindi. Sa kabila ng pinansiyal na mga komitment ng gobyernong US, naganap ang pinakamataas na unemployment rate sa loob ng 50 taon sa ilalim ng siyam-na-taong administrasyong Arroyo. Tumindi ang pagkakalayo sa sahod, korupsiyon, pandaraya sa halalan, pandarambong at pampulitikang panunupil.

Noong Mayo ngayong taon nang di pa natatapos ang bilangan sa halalan, ang embahador ng US sa Manila, si Harry Thomas Jr., ang unang envoy na bumati kay Aquino III. Kabilang sa napag-usapan sa pulong nila sa Times Street ang pagpapatuloy ng suporta ng US, ang espesyal na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa, at isang imbitasyon na maagang bumisita sa US ang magiging pangulo. Matapos ang usapan sa Times Street, naganap ang serye ng high-level na mga pulong sa mga opisyal ng US State Department sa pangunguna ni Sec. Hillary Clinton hinggil sa bagong paketeng ayudang militar, isang alok ng pagbenta ng missiles at war aircraft, at pagdaong ng mga warship mula sa US Pacific Command (Pacom). Ngayong linggo, inanunsiyo ng US Millenium Challenge Corporation (MCC) ang paglabas ng $434 Milyon para pondohan ang tatlong proyekto sa Pilipinas sa loob ng limang taon. Nakaupo bilang tagapangulo ng MCC board si Clinton.

Bilang kapalit, sinabi ni Aquino III na tinatanaw niya ang pagbisita sa US nang may masiglang ekspektasyong makapag-uuwi siya ng mga “regalo” sa bansa.