Konteksto

Pagpuna bilang pagtatanggol sa midya


Sige, punahin natin ang midya. Pero dapat pa rin nating ipagtanggol ito. Ang pagpuna ay hindi pagkutya kundi indikasyon ng pag-aalala. Sa kaso ng midya, dapat na ginagawa ang pagpuna para umunlad ang kalidad ng pag-uulat.

Sige, punahin natin ang midya. Pero dapat pa rin nating ipagtanggol ito. Ang pagpuna ay hindi pagkutya kundi indikasyon ng pag-aalala. Sa kaso ng midya, dapat na ginagawa ang pagpuna para umunlad ang kalidad ng pag-uulat.

Kung ang pagpuna’y sa konteksto ng pagbibigay ng makatotohanang pagpapaliwanag – at ginawa sa paraang magalang – sa aking palagay ay nakabubuti ito sa epektibong paggampan ng propesyon. Gusto kong isiping handang makinig ang sinuman, kasama na ang ating mga kaibigan sa midya, kung ang kritisismo’y nasa lugar.

Ang nagiging problema lang sa kasalukuyang pamahalaa’y ginagamit nito ang pagkakataon para maging katanggap-tanggap ang sensura’t iba pang porma ng kontrol sa midya. Nariyan ang pahayag ng isang opisyal na dapat magkaroon ng news blackout tuwing may maselang pangyayari tulad ng hostage-taking. Mayroon ding nagsasabing dapat nang isabatas ang mga etikal na pamantayan ng peryodismo dahil hindi na raw kayang bantayan ng mga peryodista ang kanilang hanay.

Kaya sa kabila ng pagpuna sa mga kakulangang kapansin-pansin noong Agosto 23, kailangan ng isang paglilinaw: Hindi dapat isuko ng midya ang kalayaan nito. Hindi dapat hayaan ng publiko ang panunupil sa pangunahing pinagkukunan ng impormasyon.

Kung may pagkukulang, totoong ang solusyon ay disiplina. Pero hindi ito puwedeng magmula sa mga nasa kapangyarihan. Kung sila ang magtatakda ng mga nararapat gawin, ano pa ang saysay ng peryodismo? Mabuti pang huwag nang ituro ito sa mga pamantasan dahil ang kailangan lang gawin ng isang peryodista, kung masusunod ang pamahalaan, ay alamin kung ano ang gusto ng huli. Itapon na lang sa bintana ang mga etikal na pamantayan dahil pinapasok na sa pinto ang sensura!

Kung hindi manggagaling sa pamahalaan, kanino manggagaling ang pagdidisiplina sa midya? Saan pa kundi sa midya mismo? Makakaya ba ng midyang ayusin ang hanay nila? Maiigpawan kaya ng mga organisasyong pang-midya ang kompetisyong namamagitan sa kanila tungo sa makabuluhang pagkakaisa?

Kung susuriin ang mga pahayag ng ilan sa kanila sa gitna ng pagkamatay ng siyam na tao sa hostage-taking na nangyari noong Agosto 23, may tuwirang pag-amin ang midya sa ilang pagkukulang nila. Bukas din sila sa pagkakaroon ng malawaka’t malalimang pag-uusap para masiguradong hindi na mauulit ang mga naging pagkakamali.

Oo, hindi sapat ang mga ito pero kailangang tandaang nasa posisyon ang publiko para maningil sa mga pagkukulang ng midya. Kung naniniwala ang isang tao sa argumentong midya ang may kasalanan sa pagkamatay ng walong hostages, pati na ang mismong hostage-taker,  walang pumipigil sa kanyang ipahayag ang kanyang saloobin. At kung sakaling walang organisasyong pang-midyang maglalabas ng pahayag niya, maipapakalat pa rin niya ang kanyang pagsusuri sa ibang paraan. Ang dalawang mabilis na pumapasok sa isipan ay paggamit ng blog at social media tulad ng Facebook.

Oo, abusado’t arogante ang ilang peryodista. Pero maniwala kang marami pa ring responsable sa kanila. Nakalulungkot lang na maraming nasa Quirino Grandstand noong Agosto 23 na tila nakalimutan ang malinaw na nakasaad sa pag-uulat ng mga sitwasyon tulad ng hostage-taking. Sa kabila nito, nakikita ang responsibilidad sa dalawang bagay – (1) sa indibidwal na pag-ako sa anumang pagkakamali; at (2) institusyonal na pagbibigay ng paliwanag sa publiko.

Ginawa naman ang mga ito ng iba, bagama’t may ilang piniling manahimik na lang o ipagtanggol ang malinaw na kamaliang nagawa. Aaminin kong naiinis ako sa isang sikat na brodkaster na sinabing ang kanyang panayam sa hostage-taker ay “dinamita” lang pero hindi naging “mitsa” ng madugong pangyayari. Malinaw na nagiging matalinghaga lang siya para pagtakpan ang kanyang pagkukulang!

Pero ang anumang inis o galit sa midya ay hindi dapat mangahulugan ng paghingi ng tulong sa pamahalaan para kontrolin ito. At lalong hindi dapat payagang maging oportunidad ito ng pamahalaan para maging katanggap-tanggap ang sensura. Ang lahat ng mapanlikhang paraan para supilin ang midya’y kailangang ilantad at tutulan ng sambayanan.

Sa katunayan, walang lugar ang news blackout o media blackout sa isang lipunang pinaniniwalaang may kapayapaan at demokrasya. Sa kaso ng maseselang sitwasyon tulad ng hostage-taking, ang posibleng mangyari’y limitadong pag-uulat (limited coverage) o naantalang pagbabalita (delayed coverage) na minsa’y tinatawag ding news embargo. Sa pamamagitan ng epektibong koordinasyon ng kapulisan sa midya, maaaring magkaroon ng kasunduan ang dalawang panig para masiguradong hindi makokompromiso ng midya ang gawain ng mga pulis. Kung wala kasing koordinasyon, malaki ang posibilidad ng adelantadong pagbabalita ng mga taktikal na impormasyong may kinalaman sa aktuwal na operasyon. Hindi ba’t ito ang nangyari noong Agosto 23?

Oo, may malaking kasalanan ang mga pulis noong panahong iyon pero may mga pagkukulang din ang midya. Tungkulin ng pamahalaang pangasiwaan ang anumang kinakailangang reporma sa kapulisan, pero labas na sa tungkulin nito ang direktang pagkontrol sa midya, sa porma man ng pagpapatupad ng news blackout o pagsasabatas ng etikal na pamantayan.

Ang pagbibigay ng puna ay salik sa pagbabagong hinahangad sa hanay ng midya. Kung susuriin ang pagpuna ng ilang organisasyong pang-midya sa sarili, gusto kong isiping handa naman silang makinig. Pero ano naman ang ating gagawin kung sakaling sila’y magmatigas at sabihing wala silang malaking pagkakamali sa kanilang mga naging gawi?

Maraming maiisip na mapanlikhang paraan para ipakita ang pagtutol ng nagagalit na sambayanan sa midyang mali. At malinaw na ang paghingi ng tulong sa pamahalaan para rendahan ang midya ay hindi isa sa mga ito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.