‘Pagtanggal sa VAT, solusyon sa mataas na bilihin, toll hike’


Kagyat na pampagaan sa mabigat nang ipinapasan ng mga mamamayan na gastusin ang pagtanggal sa 12-porsiyentong Value Added Tax (VAT) sa mga produkto at serbisyo, ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Sinabi ito ni Mariano sa kabila ng papalapit na pagtaas ng presyo ng toll rates sa mga haywey sa Agosto 16. Dahil dito, nakaamba […]

Metro Manila Skyway sa Bicutan, Magallanes, isa sa mga haywey na papatawan ng toll hike. (Mula sa dpwh.gov.ph)
Metro Manila Skyway sa Bicutan, Magallanes, isa sa mga haywey na papatawan ng toll hike. (Mula sa dpwh.gov.ph)

Kagyat na pampagaan sa mabigat nang ipinapasan ng mga mamamayan na gastusin ang pagtanggal sa 12-porsiyentong Value Added Tax (VAT) sa mga produkto at serbisyo, ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Sinabi ito ni Mariano sa kabila ng papalapit na pagtaas ng presyo ng toll rates sa mga haywey sa Agosto 16. Dahil dito, nakaamba na ring tumaas ang pamasahe, gayundin ang mga bilihing produkto at serbisyo.

“Isa na namang mabigat na pasanin ang toll rate hike sa mga motorista na nagtitiis na rin sa mamahaling presyo ng langis. Di maiiwasan ang epekto sa publiko dahil sa paghingi ng mga operator ng bus ng pagtaas ng pamasahe para ipasa sa mga sumasakay na publiko ang epekto ng mas mataas na toll rates,” paliwanag ni Mariano.

Nauna nang dinepensahan ng Malakanyang ang nakaambang 250 porsiyentong pagtaas sa singil sa toll rates dahil sakop umano sa implementasyon ng VAT ang naturang serbisyo.

Anakpawis Rep. Rafael Mariano (Arkibong Bayan)
Anakpawis Rep. Rafael Mariano (Arkibong Bayan)

“Hangga’t hindi hinahadlangan ng Korte Suprema, kokolektahin natin ito. Hindi ito bagong buwis,” sabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, sa isang press conference kamakailan sa Malakanyang.

Ngunit iginigiit maging ng mga tagapagtulak ng pagsasabatas ng VAT na sina Sen. Ralph Recto III at Senate Pres. Juan Ponce Enrile na hindi dapat sakop ng implementasyon ng VAT ang toll rates.

Ayon kay Enrile, mistulang “users’ tax” ang pagpataw ng VAT sa paggamit ng mga kalsadang itinayo gamit na ang pampublikong mga pondo. Para naman kay Recto, labag sa batas an implementasyon ng bagong buwis nang hindi dumadaan sa Kongreso.

Ngunit tutol si Mariano sa pangkabuuang pagpapatupad ng VAT. “ Hanggang ngayon, nagresulta lamang ang VAT sa mas matataas na presyo ng mga bilihin, utilities at serbisyo. Ang sinasabi nilang windfall effects ay hindi nararamdamang ng mayorya, lalo na ng mga sumasahod at mahihirap na mga mamamayan,” paliwanag ni Mariano.

Sinabi pa ni Mariano na kailangang magdalawang-isip ang administrasyong Aquino bago magpatupad ng isa na namang pang-ekonomiyang pasanin sa mayorya ng mga Pilipino na hirap na ngang umangkop.

Sina Senate Pres. Juan Ponce Enrile at Committee on Ways and Means Chairman Sen. Ralph Recto, sa committee hearing sa Senado hinggil sa pagpataw ng VAT sa highway toll. Kahit pabor sa VAT, tutol sina Enrile at Recto sa implementasyon nito sa toll fees. (Joseph Vidal/ Contributed Photo)
Sina Senate Pres. Juan Ponce Enrile at Committee on Ways and Means Chairman Sen. Ralph Recto, sa committee hearing sa Senado hinggil sa pagpataw ng VAT sa highway toll. Kahit pabor sa VAT, tutol sina Enrile at Recto sa implementasyon nito sa toll fees. (Joseph Vidal/ Contributed Photo)

Isa ang Anakpawis at iba pang progresibong mga party-list sa Kamara sa mga nanguna sa pagtutol sa pagsasabatas ng VAT noong 2005.

Nakatakdang muling isumite ng militanteng kongresista ang panukalang batas para ibasura ang VAT.

Samantala, inihayag ni Mariano na nakatakdang maglunsad ng mga protesta ang mga grupong transport at trucking associations dahil sa bagong pataw na buwis ng administrasyong Aquino.

Nakatakdang maipatupad ang bagong toll rates sa Lunes, Agosto 16. Tataas ang bayad ng light vehicles o Class 1 mula P22 tungong P77 sa tollway mula Alabang hanggang Calamba, Laguna; sa mga bus o Class 2 na dating nagbabayad ng P43 sa parehong daan, magbabayad na ngayon ng P155. Ang malalaking trak naman, o Class 3, na dati’y nagbabayad ng P65 sa nasabing daan, ay magbabayad na ngayon ng P232.

Umaasa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakakolekta ng P1 Bilyon kada taon mula sa VAT sa toll, na sasakupan ang North Luzon Expressway (NLEx), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Coastal Road, Skyway, South Luzon Expressway (SLEx) at Southern Tagalog Arterial Road (STAR).