Pinoy Weekly

Tinanggal nang labag sa batas ngunit hindi pa rin pinapabalik sa trabaho

Pinag-uusapan pa rin ngayon ang insidente noong nakaraang linggo kung kailan isang tanggal na opisyal ng pulis sa Maynila ay nang-hostage ng isang bus na  urista. Ang kanyang kahilingan: ibalik siya sa trabaho. May kaso pala  siya sa  tanggapan ng  Ombudsman at natalo siya sa kanyang kaso kung kaya siya tinanggal sa kanyang trabaho. Upang pansinin ng mga awtoridad ang  kanyang mapait na kalagayan, nang –hostage siya ng mga turista.

Bigla nating naalaala ang kalagayan ng mga manggagawa. Marami din sa kanila ang natatanggal sa kanilang mga trabaho dahil sa kung anu-anong bintang ng manedsment. Upang magkaroon ng katarungan, napipilitan silang idulog  ang kanilang mga hinaing sa hukuman. May mga pagkakataon na nananalo ang mga  manggagawa sa kanilang  kaso  at napapatunayan ng hukuman na wala silang kasalanan. Ngunit taliwas sa inaasahan, hindi pa rin sila pinababalik ng hukuman sa kanilang trabaho.

Bakit ganito? Ano ang dahilan at kahit na panalo na sa kaso ay hindi pa rin makababalik ang manggagawa sa kanyang trabaho? Ang dahilan, mga mambabasa, ay ang tinatawag na strained relations doctrine. Ang kasong Century Canning Corporation vs. Vicente Randy Ramil  ( G.R. No. 171630 ;  August 8, 2010 ) ay nagpapakita sa doktrinang ito.

Nagtatrabaho itong si Vicente sa kompanya bilang isang technical specialist.  Kasama sa kanyang trabaho ang paghanda ng kaukulang mga dokumento kapag may kailangang  bilhin ang kompanya.

Isang araw, may hinandang dokumento si Vicente kaugnay ng pagbili ng  kompanya ng fax modem at server ng computer.  Ipinasa niya ito sa sekretarya ng bise-presidente ng kompanya para mapirmahan ng huli. Pagbalik ng dokumento,  itinuloy niya ito sa purchasing officer para makumpleto na ang proseso.

Pagdating sa purchasing officer, pinagdudahan nito kung totoo nga ang pirma ng bise-presidente ng kompanya sa nasabing purchase form. Gumawa sila ng kaukulang imbestigasyon at napatunayan nilang pineke nga ang pirma ng bise-presidente. Dahil dito, hiningan ng manedment ng paliwanag si Vicente kung bakit hindi siya dapat matanggal sa trabaho.

Nagbigay ng paliwanag si Vicente na wala siyang kinalaman sa nangyaring pamemeke ng pirma ngunit hindi nakumbinse ang manedsment. Tuluyan siyang tinanggal nito sa kanyang trabaho. Dahil dito, napilitang magsampa ng kaso laban sa kompanya si Vicente sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Hindi naniwala ang Labor Arbiter na walang kinalaman sa pamemeke ng pirma itong si Vicente at dinismiss ang kanyang reklamo. Inapela ni Vicente ang kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC)  ngunit ganun pa rin ang naging hatol nito. Inakyat niya ang kaso  sa Court of Appeals at dito siya nakakita ng katarungan. Napatunayan ng Court of  Appeals  na walang kasalanan itong si Vicente at  labag sa batas ang kanyang pagkatanggal sa trabaho. Dahil dito, inutusan ng Court of   Appeals  ang manedsment na ibalik si Vicente sa kanyang trabaho at bayaran ito ng backwages.

Dinala ng manedsment sa Korte Suprema ang kaso. Nagkamali raw ang Court of Appeals sa ginawa nitong pagbaliktad sa desisyon ng NLRC.

Sinabi ng Korte Suprema na walang patunay na sangkot si Vicente sa  nasabing pamemeke. Una,  inindorso niya sa sekretarya ng bise-presidente ang mga papeles  na kailangan pirmahan para sa transaksiyon. Sumunod na araw, bumalik sa kanya ang mga papeles na pirmado na. Kung totoong peneke niya ang mga pirma sa  mga papeles, hindi na niya ito iindorso pa sa sekretarya ng bise-presidente para mapirmahan ng huli.

Isa pa, walang motibo si Vicente para gayahin ang pirma sa mga dokumento, sabi ng Korte Suprema. Ang mga gamit na bibilhin ay para sa kompanya. Alam niyang  hindi mapupunta sa kanya ang mga ito. Kung gayon , hindi na niya kailangang mameke ng pirma dahil wala siyang mahihita rito.

Dahil dito, nagdesisyon ang Korte Suprema na labag sa batas ang ginawang pagtanggal ng kompanya kay Vicente. Sinabi nito na tama ang desisyon ng Court of Appeals na bayaran ng backwages si Vicente. Ganoon pa man, nilinaw ng Korte Suprema na hindi na dapat pabalikin sa kanyang  trabaho si Vicente.

Oo nga’t sinasabi ng batas na ang sinumang manggagawang ilegal na tinanggal  sa kanyang trabaho ay ibabalik  dito   at babayaran ng backwages, pag-amin ng Korte  Suprema. Subalit  anong saysay pa ang pagbalik ng manggagawa sa kanyang trabaho  kung may lamat na ang samahan nila ng manedsment ? Tiyak na wala silang kapayapaan, sabi ng Korte Suprema.  Lagi na  lamang silang mag-aaway.  Kung kaya’t sa mga pagkakataong ito, mas mabuti  na lang sa dalawang panig  ang maghiwalay  ng landas.  Ito ang tinatawag na “doctrine of strained relations.”

Kaya sa kaso ni Vicente, hindi na siya dapat pabalikin sa kanyang trabaho, hatol ng Korte Suprema. Babayaran na lamang  siya ng kanyang separation pay bukod sa backwages.

Sang-ayon ba kayo sa desisyong ito mga mambabasa? Kayo ang bahalang humusga.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9152

Posted by on Aug 31 2010. Filed under (Kolum), Husgahan Natin. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Tinanggal nang labag sa batas ngunit hindi pa rin pinapabalik sa trabaho”

  1. Cris Delapuz

    Sang-ayon ako sa desisyon ng korte na hwag na pabalikin sa trabaho si Vicente. Ang mahalaga napatunayan syang walang kasalanan at malaya na syang maghanap ng ibang trabaho.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes