Para sa negosyo, itataboy silang maralita
Sa halip na mga bahay: mga mall, call centers, tanggapan ng dayuhang mga korporasyon, parke. Sa halip na disente at matinong kabuhayan: kontraktuwal na mga trabaho. Ito ang plano sa North Triangle sa Quezon City. Itataboy ang libu-libong maralita para sa isang panlabas na mga istruktura ng “kaunlaran.”
Pinagtabing imahe ng karalitaan at panlabas (superficial) na kaunlaran ang North Triangle sa Quezon City.
Sa kanto ng North Avenue at EDSA ang Trinoma Mall, isa sa pinakamagandang mall sa bansa, dahil sa magandang disenyo at landscaping, malawak na parking at matataas na fountains. Magandang pasyalan ang mall na ito, at madaling puntahan, dahil maaaring maakses kapwa mula sa North Avenue at EDSA.
Sa likod nito, lampas ng lumilikong riles ng MRT, ang sityo San Roque. Noong nakaraang taon, ayon kay Gerald Atayde, residente ng naturang sityo at lider ng Anakpawis sa lugar, mahigit 9,000 ang residente nito. Ngayon, dahil sa boluntaryong demolisyon at paglipat ng relocation area sa Montalban, Rizal – kapalit ng tsansang makaarkila ng bahay doon at P1,000 “financial assistance” – umabot na lamang sa anim hanggang pitong libo ang residente ng San Roque.
Marami pa rin sila. Taong 2007 pa nang maaprubahan ang joint venture ng Ayala Land Inc. (may-ari ng Trinoma) at National Housing Authority (may-ari ng lupang kinatatayuan ng sityo San Roque) para idebelop ang lugar at karatig na mga lote sa North at East Triangle para maging “Central Business District.” Umabot sa P22-Bilyon ang itinataya ng mga Ayala (may kasosyong dayuhang mga mamumuhunan, siyempre) sa proyekto. Kikita rin siyempre ang NHA, pati na ang lokal na gobyerno ng Quezon City.
Mas marami pang malls, saka opisina ng multinational corporations, business process outsourcing (call centers), parke at iba pa, ang nakatakdang itayo kapalit ng mga tahanan ng mga mamamayan ng San Roque. Tulad ng maraming “business district,” na dinebelop sa Kamaynilaan at iba pang lugar sa bansa, hindi industriya ang itatayo sa North Triangle, kundi mga sentro ng kontraktuwal na trabaho.
Tutol siyempre ang mga residente ng San Roque. Pangkaraniwang kuwento na ito: Ayaw nila sa Montalban, Rizal dahil walang kabuhayan, malayo sa kanilang mga trabaho, walang kuryente at tubig, substandard ang mga bahay (ayon sa mga nakalipat na) – at binabaha. Noong rumagasa ang bagyong Ondoy noong Setyembre 2009, pinasok ng baha ang mga tahanan sa relokasyon.
“Sabi nila, kapag nagsaing ka doon (sa relokasyon sa Montalban), talikuran mo lang, pagharap mo muli sa sinaing mo, wala na ito. Ganun ang gutom sa lugar na iyon,” sabi sa Pinoy Weekly ni Aling Baby, residente ng San Roque na naglalabada at nagtitinda sa bangketa sa Agham Road. Umabot sa 16 taon na sa San Roque siya at ang asawa niyang messenger sa isang kompanya sa Makati.
Ayon sa mga impormante ng mga residente sa loob ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, lumalabas na nagbigay ng taning ang mga Ayala, ang QC Government, at ang pambansang pamahalaan (may emisaryo daw si Pang. Benigno Aquino III sa pulong) sa pagtataboy sa mga residente: Hanggang Oktubre na lamang.
“Kung lilipat kami, ano ang mapapakain namin sa anak namin? Papaano ang trabaho ng asawa ko?” tanong niya.
Tulad si Aling Baby ng libu-libong residente ng San Roque, hindi siya papayag sa relokasyon. Tahanan nila ang North Triangle.