Pinoy Weekly

Ang pagpapalit kay Kris Aquino sa “Pilipinas Win na Win”

May malaking pagbabagong nagaganap sa noontime show na “Pilipinas Win na Win” ng ABS-CBN.

Wala na si Kris Aquino sa programa.

Ayon sa Corporate Communications ng kumpanya sa pamumuno ni Ramon “Bong” Osorio, mula noong Biyernes, ika-1 ng Oktubre, 2010 ay wala na si Kris sa palatuntunan.

Sinibak nga ba si Aquino o kusang nagbitiw?

Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang inalis si Kris sa hindi malamang kadahilanan.

Maraming mga sapantaha ang nagsalimbayan.

Nakita umano ng isang taga-ABS-CBN na nakikipagmiting si Aquino sa anak ni Atty. Felipe Gozun ng GMA Network.

E, ano naman kung makita na nakikipagpulong ang Presidential Sister sa anak ng may-ari ng Channel 7?

Ang kaso ay inasahan ng ABS-CBN na maiaangat agad ni Kris ang “Pilipinas Win na Win” sa ratings pero hindi nga nangyari kaya sinibak ang bituin.

***

Masama ang loob ni Aquino sa pagkakatanggal sa kanya sa game show at siya ay nag-iisip ng bakasyon at wala pang tinatanggap na alok mula sa ABS-CBN na anumang kapalit ng kanyang nawalang show.

Ayon kay Aquino, pupunta na lang siya sa ibang bansa para magpahinga at huwag munang mag-isip ng anumang bagay na makakaapekto sa kanyang propesyunal o personal na buhay man lang.

Pagkatapos ng lahat ay saka siya magpapasya kung ano ang mangyayari sa kanyang career sa telebisyon.

Samantala, patuloy ang buhay para sa kanya at sa iba pang tao na may kaugnayan sa “Pilipinas Win na Win.”

***

Ang ipinalit kay Kris ay grupong Hitmakers nina Rey Valera, Nonoy Zuñiga, Marco Sison at Rico J. Puno.

Marami ang nagtaas ng kilay kung bakit ang mga tulad nina Rey, Nonoy, Marco at Rico ang ipinalit sa isang malakas at batambatang si Kris.

Pero ito ang pasya ng pamahalaan ng ABS-CBN.

“Si Freddie (Garcia, ang dating presidente ng ABS-CBN) ang siyang tumawag kay Rico nang nasa Ninoy Aquino International Airport na kami. Nagulat nga kami nang sabihin ni Rico na may offer sa kanya si Freddie. O sa amin pala,” pahayag ni Marco sa isang eksklusibong panayam.

Nag-isip ang mga ehekutibo ng papalit kay Kris sa palatuntunan na matindi.

Ano ang tindi ng Hitmakers?

Ayon kay Sison, marahil ay napanood ng pangasiwaan ng ABS-CBN ang paggi-guest nila sa “Music Update” ng Channel 2 na pinangungunahan ni Yeng Constantino kamakailan.

“Mukhang na-intimidate pa nga sa amin si Yeng dahil bata pa siya. Pero kuwela kami sa guesting na ‘yon at baka naibigan ‘yon ng management,” hula ni Sison.

***

O hindi kaya sumilid sa utak ni Marco na ang grupo nila ay naghahakot ng mga manonood sa iba’t ibang bahagi ng mundo mula sa Maynila hanggang sa kasuluk-sulukang bayan o siyudad ng daigdig?

“Malakas kami sa Araneta Coliseum nang magsimula ang Hitmakers do’n,” pahayag ni Sison.

At nagkasunud-sunod na ang kanilang mga show sa ibayong-dagat.

Pinakahuli ang kanilang pagtatanghal sa Houston, Texas, sa Las Vegas, sa Reno, Nevada at sa iba pang lugar sa Estados Unidos.

Umaapaw ani Marco ang mga manonood sa kanila lalo na ang ating mga kababayan sa ibang bansa lalo na sa Amerika.

“Grabe ang response ng mga tao sa amin,” wika ni Sison sa panayam.

***

Hindi kaya naisip ni Sison na ang paghahakot nila ng mga manonood sa kanilang mga palabas ay sukatan din kung bakit sila ay kinuha at ikinonsidera ng pamahalaan ng ABS-CBN?

Na malaki ang kanilang merkado sa loob at labas ng bansang ito?

Na ang The Filipino Channel o TFC ng ABS-CBN ay namumulaklak sa mga kababayan nating nasa ibang bansa at nakasipi sa komunikasyong ito?

Hindi nga ba’t ang unang nagpabigat at nagpalakas ng “Wowowee” ni Willie Revillame ay ang mga balikbayan o kaya ay ang pagtungo nila nina Pokwang, Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion at iba pa sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan may Filipino at pinagkakalipumpunanan sila?

Ito ang isa sa mga batayan sa pagkuha kina Puno, Valera, Sison at Zuñiga.

***

Marami ang mga nagkokomento na bakit ang Hitmakers pa ang kinuha ng istasyon samantalang matatanda na, matatagal na, beterano, luma na  ang mga ito.

Kulang na lang ay sabihing laos na ang apat na ito.

Pero walang nalalaos na talento.

Marahil ay nagkakaedad pero ang talino o talent ay hindi naglalaho at hindi nawawala.

Patuloy na umiimbulog ang talento at ito ay namamaypay ng walang katapusang pang-i-engganyo sa lahat na hangaan ito at suportahan.

Ito ang dapat patunayan nina Marco.

Nakarating na sa apat ang mga pintas at puna sa kanila.

***

“Sa Pilipinas lang naman may ganyan na pag matagal na o beterano na, sasabihin na wala nang magagawa. Sa ibang bansa, habang nagkakaedad ang isang performer, lalong pinag-aagawan, lalong gumagaling at lalong kinukuha ng mga network at pelikula at iba pang showbiz entities,” pahayag ni Marco.

“Sana, huwag nang ganyan ang mga Filipino para naman umansenso tayo. Kasi, maraming magagawa ang mga beterano sa showbiz.

“Sa totoo lang, matagal ko nang gustong mag-host ng TV show pero saan naman, sabi ko no’n. Modesty aside, alam ko na marunong akong mag-host kaya nang i-offer ito, excited ako.

“Marami akong magagawa. May mga meetings na kami. Idi-distribute na ang aming mga portion. Actually, napanood ko na ito kaya may ideya na ako sa aming gagawin. Hihintayin ko na lang ‘yong official assignments,” pagtatapat ni Marco.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9981

Posted by on Oct 6 2010. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes