Mailap na kapayapaan


Bago pa ang inagurasyon ni Pangulong Aquino, nagpahayag na ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng kahandaan nitong muling umupo sa usapang pangkapayapaan. Dapat lamang na nakabatay ito sa naunang mga kasunduan sa pagitan nila at ng gobyerno ng Pilipinas, gayang The Hague Joint Declaration at Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights […]

100-daysBago pa ang inagurasyon ni Pangulong Aquino, nagpahayag na ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng kahandaan nitong muling umupo sa usapang pangkapayapaan. Dapat lamang na nakabatay ito sa naunang mga kasunduan sa pagitan nila at ng gobyerno ng Pilipinas, gayang The Hague Joint Declaration at Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law.

Pero sa State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, tila nabalewala ang mga ito, sa paglalatag niya ng kondisyong “malawakang tigil-putukan” bago humarap sa usapan. Ayon sa NDFP, may isa pang mahalagang dapat pag-usapan, bago ang tigil-putukan: ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser).

Sa isang porum ng Philippine Ecumenical Peace Platform kamakailan, sinabi ng mga eksperto sa usapang pangkapayapaan na ang Caser “ang pinakalaman ng usapang pangkapayapaan.” Dito umano masusubukan ang sinseridad ng magkabilang panig, at kung magtatagpo ang kanilang magkaibang pananaw sa pag-unlad (sa panig ng gobyerno, ang neo-liberal na mga patakarang pang-ekonomiya; sa panig ng NDFP, ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon).

Nang hinamon ni Aquino sa kanyang SONA ang mga rebelde hinggil sa kongkretonilang mga panukala sa pagbabago (dahil reklamo lang umano sila nang reklamo), nagulat ang NDFP. Nasa Caser ang lahat ng kanilang mga panukala at matagal nang nasa gobyerno ang borador nito. “Hindi makatarungan na asahang susuko na lamang ang rebolusyonaryong mga puwersa at mga mamamayan sa isang naghaharing sistemang itinatakwil ang patriyotiko at progresibong mga kahilingan, at ayaw makipag-usap hinggil sa batayang mga reporma sa lipunan,” sabi ni Jose Ma. Sison, punong konsultant ng NDFP.

Hanggang sa kasalukuyan, hinihintay pa rin ng NDFP ang opisyal na emisaryo ng gobyernong Aquino para sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.