Pasismo pa rin


Umaga ng Setyembre 7, 2010, nagpapahinga sa  isang kubo matapos mangaso ang limang magsasaka sa Mobo, Masbate, nang bigla silang paulanan ng bala. Agad na nasawi sina Vicente Flores, 41, Richard Oliva, 44, Melecio Monacillo, 45, Jonathan Monacillo, 21, at ang anak na lalaki ni Melecio. Kahit malinaw na minasaker, idineklara sila ng 9th Infantry […]

100-daysUmaga ng Setyembre 7, 2010, nagpapahinga sa  isang kubo matapos mangaso ang limang magsasaka sa Mobo, Masbate, nang bigla silang paulanan ng bala. Agad na nasawi sina Vicente Flores, 41, Richard Oliva, 44, Melecio Monacillo, 45, Jonathan Monacillo, 21, at ang anak na lalaki ni Melecio. Kahit malinaw na minasaker, idineklara sila ng 9th Infantry Battalion ng Philippine Army na mga rebeldeng  New People’s Army (NPA) na napatay diumano sa isang engkwentro.

Pamilyar ang kwento. Maraming kaparehong insidente ng paglabag sa karapatang pantao, partikular noong nagdaang administrasyon at noong nanunungkulan ang ina ni Pang. Benigno Aguino III. Lagi’t lagi, isang programang kontra-insurhensiya ang nasa likod nito. Kaya’t bakit pinalawig pa ni Aquino ang Oplan Bantay Laya (OBL)?

Ekstensiyon ng OBL

Ang OBL ang binuo ng gobyernong Arroyo ang sinisisi ng mga grupong pangkarapatang pantao sa loob at labas ng bansa para sa mahigit na isang libong kaso ng pamamaslang at daan-daang kaso ng pagdukot at iligal na pag-aresto ng mga aktibista’t ordinaryong mamamayan. Ikinabahala ito maging ng internasyunal na komunidad; si United Nations Special Rapporteur Phillip Alston, inirekomenda sa gobyerno na abandonahin ang programang pumupuntirya hindi sa mga rebelde, kundi sa mga sibilyan.

Ilang linggo matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA), inanunsiyo ng gobyernong Aquino ang ekstensiyon pa ng OBL hanggang Enero 2011. Katulad ng pagpuri noon ni Arroyo sa berdugo na si Hen. Jovito Palparan sa kanyang SONA, naghatid ito ng isang malinaw na mensahe: magpapatuloy—at hinahayaan, binabasbasan ng gobyerno—ang mga paglabag sa karapatang pantao.

Hindi pa man umaabot sa isandaang araw ng gobyernong Aquino, 13 kaso na ng ekstrahudisyal na pamamaslang ang naitala ng grupong Karapatan. (Tingnan ang talaan) Maliban sa mga kasong ito, malubha din ang nagaganap na militarisasyon sa kanayunan. Mula Hulyo, apat na beses lumikas ang mga residente ng Brgy. Mahaba, Marihatag, Surigao del Sur. Sari-saring paglabag sa karapatang pantao ang naranasan ng mga bakwit, kahit sila ay nasa evacuation center na. Isa sa mga ito ang kaso ng menor-de-edad na si Josemar, na inaresto at tinortyur upang piliting isiwalat ang lugar na pinagtataguan ng mga armas ng NPA. Ayon sa Karapatan, malawakan ang militarisasyon sa Mindanao, Negros, Bikol, at iba pang lugar na target ng OBL.

Walang pinalaya

Sa pag-upo rin ni Aquino, walang siyang pinalaya kahit isa man lang sa Morong 43 o sa 344 pang detenidong pulitikal sa buong bansa. Sa kabila ng pahayag ni Sek. Leila de Lima ng Department of Justice na rerebisahin ang kaso ng Morong 43, patuloy pa rin ang panggigipit sa mga ito. Ayon sa detenidong doktor at health worker, tinanggalan pa sila ng mga pribilehiyo mula nang iprotesta ang pagbabalik sa Camp Bagong Diwa ng bagong panganak na si Judilyn Oliveros.  Pinatigil diumano ang pagpasok sa piitan ng mga pagkain mula sa mga kaanak at tagasuporta, hinuhubaran (strip search) ang mga bisita, at dalawang beses pinagkaitan ng prenatal check-up si Mercy Castro, isa ring buntis at manganganak sa Oktubre.

Tila nais pa ngang dagdagan ni Aquino ang mga nakapiit. Gaya ng lider-magsasaka sa Bikol, ang 77 taong gulang na si Felix Paz na halos hindi na makalakad dahil sa katandaan at sakit. O ang tatlong lider-manggagawa sa Leyte na walang sala kundi pamunuan ang isang welga. Anumang oras, maaari silang arestuhin dahil sa gawa-gawang mga kasong kriminal.

Sa utos ng Estados Unidos

Dismayado ang mga grupong karapatang pantao dahil hindi sinama ni Aquino ang mga paglabag sa karapatang pantao sa mga krimen ni Arroyo na iimbestigahan ng binuong Truth Commission—kaya’t lumiliit ang pag-asa ng mga kaanak ng mga biktima ng nakaraang administrasyon na makakamit ang hustisya. Si Aquino mismo, nahuli na sa bitag ng kasinungalingan sa isyu ng hustisya. Ipinagmalaki niya noong SONA na kalahati ng mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng gobyernong Arroyo ang nalutas na. Pero ayon sa pag-aaral ng Asia Foundation, 1% lamang ng mga kasong ito ang nalutas.

Muli nang nagdidisenyo ang gobyernong Aquino ng panibagong programang kontra-insurhensiya, na hinalaw sa US Counter-Insurgency Guide of 2009. Ito ang sinasabing kapalit ng suportang ibinigay ng Estados Unidos kay Aquino noong eleksiyon, at ng mga pautang at pamumuhunang inuwi mula sa kanyang bisita sa US. Ito ang sinasabing hudyat ng mas malagim pang yugto para sa karapatang pantao.

Iba pang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ni Aquino:

  1. Julito Etang, 37, magsasaka na dinukot, tinortyur at pinaslang noong Hunyo 4 ng mga pinaghihinalaang elemento ng 9th Infantry Batallion (IB)
  2. Benjamin E. Bayles, 43, human rights worker sa Himamaylan City, Negros Occidental na pinaslang noong Hunyo 14 ng dalawang elemento ng 61st IB
  3. Fernando Baldomero, 61, provincial chairperson ng Bayan Muna Partylist at miyembro ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Amnestiya, pinaslang noong Hulyo 5
  4. Fernando Bejino, 45, aktibong kasapi ng Casayan Farmers Association sa Siaton, Negros Oriental; pinaslang noong Hunyo 27 ng mga pinaghihinalaang elemento ng 79th IB at 302nd Infantry Brigade
  5. Pascual Guevarra, 78, lider-magsasaka sa loob ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, pinaslang noong Hulyo 9
  6. Julius D. Tamundez, 24, pinaslang noong Agosto 2 ng mga miyembro ng grupong para-militar na Integrated Tribal Defense Forces
  7. Reynaldo Labrador, 39, kasapi ng Paquibato District Farmers Association, pinaslang noong Setyembre 3 sa harap ng kanyang asawa at mga anak ng pinaghihinalaang elemento ng Citizen Armed Forces Geographical Unit sa ilalim ng 69th IB
  8. Casiano Abing, 56, court sheriff at miyembro ng Bayan Muna sa Balangiga, Eastern Samar, pinaslang sa loob ng  kanyang bahay noong Agosto 25