Pasintabi

Publikong Sining para sa Publikong Interes


Mapagbanta ang unang 100 araw ng bagong halal na presidente: make or break ito, direction-setting sa susunod na mga taon, patikim sa kabuuang termino. Honeymoon period itong tinatawag. Ibig sabihin, huwag gambalain, pag-iwanan muna ng puna, hayaan munang mapirmi, dumanas ng ligaya. Pulot-gata sa Filipino, na pawang mga mitong likido ng malinamnam na panlasa at pakiramdam.

Mapagbanta ang unang 100 araw ng bagong halal na presidente:  make or break ito, direction-setting sa susunod na mga taon, patikim sa kabuuang termino.  Honeymoon period itong tinatawag.  Ibig sabihin, huwag gambalain, pag-iwanan muna ng puna, hayaan munang mapirmi, dumanas ng ligaya.  Pulot-gata sa Filipino, na pawang mga mitong likido ng malinamnam na panlasa at pakiramdam.

Sa unang 100 araw, idiniin ang public-private partnership bilang modalidad ng kanyang neoliberalismo, nagbuo ng Truth Commission pero wala ang politikal na pagpaslang ng kanyang pinalitan, naglaho sa oras ng hostage-taking sa Luneta, nagpatuloy ang lantarang paglabag sa karapatang pantao (10 pesante ang pinatay, 2 ang nadagdag bilang politikal na detenido, 1 ang desaparasido, 102 ang kaso ng paglabang sa karapatan sa unyonismo, at isang peryodista ang pinaslang), patuloy pa rin ang Oplan Bantay Laya, at lumipad sa Amerika para magpilgrimahe sa kanyang patron si Aquino.

“Same-same” ito, walang pinagkaiba, walang tunay na pagbabago.  Hindi ito ang daang matuwid.  Nananatiling nakakulong ang Morong 43.  Pinatindi ang budget cut sa state universities at colleges, yung iba ay kalahati lamang ang pondong ipapagkaloob.  Tataas ang pamasahe sa MRT at LRT.  Patuloy na may sariling buhay ang deregulasyon ng gasolina na ang tanging nabibiyayaan ng higanteng kita ay ang higanteng may-ari ng gasoline.  Patuloy pa rin ang VFA, at tiyak ang paglawak nito sa kasalukuyang presidente.

Ang rekurso ng mapagpalayang kultura ay ibalik sa lansangan at mamamayan ang sining.  Isang daang tula kapalit ng 100 araw nang walang pinagbagong pamahalaan ni Aquino.  Mahirap na ngang tumula, pero mas mahirap ang purposibong pagtula:  mga tulang may politikal na agenda, hindi lamang isang tumpok ng mga salita, talinhaga at imahe.

Minamarkahan ng isang siglong tula ang isang siglong araw nang pagkaunsyami, panunupil at pagbuhos sa apoy ng pag-asa.  Ganito tayo noon, ganito pa rin tayo sa ilalim ni Aquino.  Naghihirap ang nakararami, at patuloy pa itong lalawak ang paghihirap at naghihirap na mamamayan.  Mahirap umasa sa presidente dahil sa kasaysayan ng bansa, walang presidente ang tunay na nanilbihan sa interes ng naghihirap na mamamayan.

Kung gayon, nasa mamamayan—kasama ng kanyang makabayang artista at kulturang manggagawa—ang pag-asa ng tunay na pagbabago.  Humalaw ng karanasan sa masa, ibalik ito sa sining para sa masa.  Nasa kamay ng mulat at nakikibakang mamamayan ang kinabukasan ng sambayanan.

Malinaw ang papel ng makabayang artista at kulturang manggagawa:  ang hindi umidlip at magpahele sa huni ng mitikong ibon ng tradisyonal na politiko at politika ng bansa.  Ang hindi magpaipot at matransforma sa mga manhid na bato, ang maging kalamansi sa sugat ng mamamayan.  Mahapdi pero kinakailangang hapdi para madanas ang kabuuan at kung bakit ang ganito—kolektibong sakripisyo at pakikibaka—at hindi ang enganyong huni ng estado:  umidlip at tanggapin ang paghihirap at panunupil.

Mula sa paisa-isang obra, ang kolektibong pagkilos.  Ang kolektibo at kilusan ang mapagpasya.  Kung walang kilusang masa at sining, ang obra ay mananatiling paisa-isa at individualistiko.  Dahil mayroon, at may kapasidad na makapag-isa, mas malakas ang pwersa ng bigwas.  Tila tingting ng walis, kapag mag-isa walang mawawalis, kapag magkasama, malakas at mapagpasya ang paglilinis sa lipunan at pagtutuos sa kasaysayan.

Isang daang tula ito na mistulang 100 butil ng sampaguita ang inaalay ng mga makabayang makata sa paanan ng sambayanan.  Tulad ng halimuyak ng bulaklak, 100 tula itong nagpapaalaala na patuloy pa rin ang laban ng mamamayan hanggang sa tagumpay.