Kabataang Moro ‘ilegal’ na inaresto


Kinondena ng Moro-Christian Peoples Alliance ang ilegal umanong pag-aresto sa isang tricycle driver na isang katutubong Yakan, isa sa mga tribung Moro. Inaresto si Patta J. Hoyo ng pinagsanib na elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (Pacer) at 300th Air Force Intelligence Security Group, sa Tandang Sora Quezon City noong Nobyembre 3, 2010.

Tony Liongson ng MCPA (PW File Photo)
Tony Liongson ng MCPA (PW File Photo)

Kinondena ng Moro-Christian Peoples Alliance ang ilegal umanong pag-aresto sa isang tricycle driver na isang katutubong Yakan,  isa sa mga  tribung Moro. Inaresto si Patta J. Hoyo ng pinagsanib na elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (Pacer) at 300th Air Force Intelligence Security Group, sa Tandang  Sora Quezon City noong Nobyembre 3, 2010.

Ayon kay Tony Liongson, national coordinator ng grupo, inaresto si Patta dahil sa akusasyon diumano na isa siya sa mga kidnapper ng sampung manggagawa ng Golden Harvest Plantation sa Lantawan, Basilan noong Hunyo 11, 2001, at sa pagdukot sa ilang sibilyan at mga nars ng Dr. Jose Torres Hospital  sa Lamitan noong Hunyo  2, 2001.
Sinabi ni Liongson na inaresto diumano si Patta sa harapan ng Tierra Pura Subdivision habang siya’y namamasada ng kanyang tricycle. “Sinuntok si Patta sa mukha ng isa sa mga umaresto sa kanya dahil sa pagpupumiglas niya,” ani Liongson.

Ayon pa kay Liongson,  diumano’y  hindi nila malaman kung anong klaseng intelligence report ang pagkakasangkot ni Patta na isang estudyante ng high school noong maganap ang insidente, at makaraan ang sampung taon bago makilala at maaresto.

“Sa aming pagtingin, isang kalokohan ang nasabing akusasyon,” aniya.

Sinabi pa ni Liongson na ang pag-aresto kay Patta ay bahagi diumano sa pagtugon ng administrasyong Aquino sa panawagan ng Estados Unidos na maging mapagbantay sa gitna ng muling pagsulpot ng bantang terorismo.  At matapos ang terror alert ng iba’t ibang mga bansa tulad ng France  at Australia.

“Mistulang ang pag-aresto kay Patta Hoyyo ay pagtugon nang  armadong puwersa ng estado, upang patunayan sa mga dayuhan na  sila ay seryoso sa  kanilang kampanyang kontra terorismo, at si Hoyyo ang unang casualty at unang sakripisyo sa altar ng giyera laban sa terorismo ng kasalukuyang administrasyon,” ayon kay Liongson.

Pinahayag din ng grupo na ang mga pag-aresto diumano sa mga inosenteng sibilyang Moro ay matagal nang nangyayari sa ngalan ng ani-terorismo. Ibinigay na halimbawa ng grupo ang diumano’y pag-aresto at pagbilanggo sa 73 inosenteng Moro noong 2001 habang nasa kasagsagan ng  pagdeklara ng gobyernong Arroyo ng state of lawlessness sa Basilan.

Pinasubalian din ng grupo ang akusasyon laban kay Patta.  Ayon sa kanila, si Patta umano ay isang Moro human rights advocate at kasapi ng Liga ng Kabataang Moro.  Nanawagan din ang  grupo sa kagyat na pagpapalaya kay Patta.