Kapirasong Kritika

Asukal sa Gatas na Pambata


Anu-ano ang ibinebenta at ipinapabili sa atin ng patalastas ng gatas na Nido 3+ ng Nestle na pinagbibidahan nina Kris Aquino at ng anak niyang si Baby James Yap?

Anu-ano ang ibinebenta at ipinapabili sa atin ng patalastas ng gatas na Nido 3+ ng Nestle na pinagbibidahan nina Kris Aquino at ng anak niyang si Baby James Yap?

Sa kagyat na antas, kalusugan. Nagbibigay ito ng babala tungkol sa antas ng asukal sa mga kinakain/iniinom ng mga bata. Paliwanag ni Kris, karamihan sa mga bata ay mahilig sa matatamis (“may sweet tooth”). Aniya, dapat ay maging malay (“conscious”) ang mga kapwa-nanay niya sa antas ng asukal dahil ang mga bata, “kapag nasanay sa sobrang tamis, ang hirap baguhin.” Sa mga gatas, sabi niya, dapat suriin ang dami ng carbohydrates sa label dahil kapag mas kaunti ito sa isang gatas, mas kaunti ang asukal.

Pero tulad sa iba pang patalastas, hindi lang kalusugan ang ipinapabili ng patalastas na ito. Kinakargahan kasi ng kapitalismo ng iba’t ibang pakahulugan – sa larangan ng uri at kasarian, at sa iba pa – ang kalusugan. Hindi man laging “malay” o lantad sa isang patalastas, mahigpit na itinatali o isinasanib ng sistemang panlipunang ito ang kalusugan sa iba’t ibang pakahulugan at disposisyon – na nagmumula at nagpapatatag din sa mga umiiral na relasyon ng dominasyon sa larangan ng uri at kasarian, at iba pa.

Kaya nagbebenta rin ang patalastas ng responsableng pagmamagulang – na, sa mga karaniwang tao, ay mas mabigat para sa mga ina. Sa hatak ng kahirapan na magtrabaho o maghanap-buhay sila, pambalanse si Kris Aquino ng Nido: kailangan pa ring maging metikoloso sila sa kalusugan ng mga anak at pangkalahatang pangangalaga sa mga ito. Kung si Kris ngang nagtatrabaho, nakakapagbayad ng yaya at, maidaragdag, hiwalay sa asawa, kinakaya. Dapat ganoon din, katulad niya, kahit ang mga karaniwang ina.

Prangka ang patalastas: lumabas ang yaya ni Baby James na siyang mas malamang na naglalaan ng mas maraming panahon sa bata. Pero masyadong mabait pa rin ang pagkaprangka nito: saglit lang lumabas ang yaya. Makikita rito ang pagbebenta ng patalastas ng isang klase ng pagkababae – iyung kinakayang magbayad ng mas mahirap na kapwa-babae para mag-alaga sa sariling anak. Siya pa rin ang bida, dahil pinapalabas na siya pa rin ang nagdedesisyon sa kung ano ang makakabuti sa anak.

Nagbebenta rin ito ng buhay ng nakakataas na uri: magandang bahay, oras para sa pagsasama at paglalaro na hindi binabagabag ng pag-aalala ng susunod na kakainin. Hindi lang kailangang maging maasikasong ina; sa katauhan ni Kris Aquino, tungkulin itong glamorosa. Sa isang banda, ang asukal ay karugtong ng mga katangian ng maralita – lalo na sa pagyakap ng mga naghaharing uri sa “malusog na pamumuhay”: sirang ngipin, diabetes, at, para sa ilang diyetang pangkalusugan, lahat na lang ng sakit.

(Nabanggit na rin lang ang ngipin, matagal ko nang gustong pansinin: marami sa matataas na opisyal ng rehimeng Arroyo, na pursigido at brutal na nagsulong ng “modernisasyon” at “pag-unlad” na dikta ng mga mayayaman-makapangyarihan-naghahari sa mundo, ay halos sabay-sabay na nagsuot ng invisible braces: mula kina Dinky Soliman at Emilia Boncodin hanggang kina Mike Defensor at Ricardo Saludo hanggang kay Gloria mismo. Bagsak-presyo sa dentista lang ba? O may moda?)

At pwedeng sagisag ang asukal ng mga pinapalabas na bisyo ng maralita – mas ng maralita sa lungsod kaysa sa kanayunan. Para silang mga bata: mahilig sa matatamis mula sa Banana-Q hanggang mga kakanin, mula sa mga softdrink hanggang sa Jollibee. Hindi maganda sa kalusugan ang asukal, pero lagi nilang kinokonsumo. Tinatalo ng irasyunal ang rasyunal, ng sarap ng katawan ang pagbabawal ng utak: lulong sa alak o ibang bisyo, anak nang anak, nagpapahatak sa mga kulto at bulok na pulitiko, at iba pa.

(Sa kanyang librong A Primer for Daily Life [1991], binaybay ng feminista at Marxistang si Susan Willis ang lugar sa kasaysayan ng malawakang produksyon ng asukal. Aniya, mahalaga ang produksyon ng asukal sa mga sinakop ng mga bansang Europeo para sa akumulasyong nagluwal sa kapitalismo. Kaalinsabay, naging mahalaga ang pagpasok ng asukal sa kinakain ng mga manggagawang Europeo para paigtingin ang kanilang enerhiya para sa mas matinding paggawa sa ilalim ng bagong-silang na kapitalismo.)

Sa patalastas na ito, ang haciendera ng tubuhan at may-ari ng azucarera ay nagbibigay-babala sa mga kapwa-ina na iadya sa asukal, sa ngayon para habang buhay, ang kanilang mga anak. Ang namumuhay sa pagbebenta ng ibang adiksyon – tulad ng tsismis, game shows, telenovela at iba pang produkto – sa mga ina ay nang-aakit sa kanilang ilayo ang kanilang mga anak sa adiksyon sa asukal. Ang yumaman sa sistemang nagdudulot ng kahirapan sa nakakarami ay nang-aakit ng pagyaman.

May tawag si Terry Eagleton, Marxistang intelektwal, sa operasyong ideolohikal na ito: Para sa mga naghaharing uri, “It’s better to appear a hypocrite than to pull the rug under one’s feet.” Para sa kanila, mas mainam nang magmukhang ipokrito kaysa atakehin o isantabi ang mga paniniwala at ideyal na gusto nilang paniwalaan at kamtin ng mga pinaghaharian – habang ginagawang imposible sa huli ang aktwal na pagkamit sa mga ito. Hindi pwedeng maging lubos na prangka o tanggalin ang tamis sa pagsasamantala.

18 Nobyembre 2010