Kailan lalaya ang kababaihan sa pang-aabuso?


Nakakagimbal ang mga balitang lumalabas sa midya hinggil sa pang-aabusong seksuwal sa kababaihan at mga bata. Ilan sa mga biktima ay pinatay o tinangkang patayin matapos halayin. Tulad ni Florence, boluntir nars na diumano’y pinatulungang gahasain sa Maguindanao, at iba pang biktima ng seksuwal na pang-aabuso.

Tatlong magkakapatid na kababaihan sa Dominican Republic ang ikinulong, ginahasa at pinaslang noong Nobyembre 25, 1960 dahil sa pagtutol ng diktadura ni Rafael Trujillo. Dahil dito, taun-taong ginugunita ng mga kilusang kababaihan sa buong mundo ang International Day for the Elimination of Violence Against Women (Idevaw) tuwing Nobyembre 25.

Sa paggunita sa araw na ito ngayong taon, inilunsad naman ng Gabriela ang kanilang kampanyang “Rage Against Rape” bilang tugon sa anila’y halos araw-araw na kaso ng pang-aabuso sa kababaihan, lalo na ang panggagahasa.  Ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, layunin ng kampanya na iumulat ang publiko sa karahasan sa kababaihan at paghikayat sa sama-samang paglaban dito.

“Kailangan nating unawain na sumasalamin sa kabuuang paglala ng krisis sa bansa ang lumalalang karahasan sa kababaihan,” ani Linaban. “Pinapasahol pa ito ng kabiguan ng gobyerno na itaguyod at pangalagaan ang karapatan ng kababaihan sa kabuuan, at ang kabiguan  nitong ibigay ang kagyat na hustisya sa mga biktima ng VAW.”

Bahagi ng <i>public information campaign</i> ng Gabriela laban sa karahasan sa kababaihan. (Macky Macaspac)
Bahagi ng public information campaign ng Gabriela laban sa karahasan sa kababaihan. (Macky Macaspac)

Kasong makasaysayan

Kamakailan lamang, kinatigan ng United Nations ang kasong isinampa ni Karen Vertido, dating executive director ng Davao Chambers of Commerce and Industry.

Ibinasura ng  Regonal Trial Court sa Davao ang kasong panggagagahasa na isinampa ni Vertido laban sa presidente ng Chamber noong 1996. Kung kaya’t nagsampa siya ng kasong diskriminasyon laban sa naturang presidente, sang-ayon sa Optional Protocol to the Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women (OP-Cedaw),  noong Nobyembre 2007.  Sa kanyang  petisyon sa OP-Cedaw, sinabi niyang mayroong pananagutan ang gobyerno ng Pilipinas sa kanyang kaso dahil sa kawalan nang proteksiyon sa kanya bilang biktima ng panggagahasa.

I hold this state, the Philippines, accountable for rape… happening within its boundaries. I hold my state accountable for a judge who at best is ignorant about laws and the realities of women, and who may be corrupt at worst,” sabi niya sa kanyang petisyon.

Nanawagan umano siya sa estado na huwag italaga bilang hukom ang naturang mga tao, na walang kakayahang maghusga sa mga kaso ng kababaihan.

“I claim every inalienable right and every right this country promised to me as its citizen, from protection of my body, my livelihood, to protection of my honor. I claim restitution for having been violated first by one depraved man, and then later by a society that says it is okay to rape women,” ayon pa sa petisyon ni Vertido laban sa estado.

Sa kanyang mensahe sa parangal ng Gabriela bilang “woman of courage,” sinabi niyang tumagal nang 14 na taon ang kanyang kaso, kasama na ang pagdinig sa Regional Trial Court. Para kay Vertido, laban ito ng bawat Pilipinang kababaihan na naghahanap ng katarungan laban sa pang-aabuso.

“I am told that I am the first woman in Southeast Asia who brought her case to the UN, and I am Karen Vertido, but I bring with me the name of every woman, every Filipino woman in this country because the decision of the Cedaw will benefit now, every Filipino woman of this country and  even the woman judge,” bahagi ng mensahe ni Vertido. Ang kaso din ni Vertido ang kauna-unahang kaso ng panggagahasa na isinampa sa UN.