Istorya ng Linggo

10 taon matapos EDSA 2: Bakit kailangan pa rin nating gunitain


Ilang alaala ng militanteng lider sa EDSA Dos — sampung taon na ang nakararaan ngayong linggo. Inipaliliwanag din niya kung bakit hindi nasayang ang pag-aalsa ng mga mamamayan noong Enero 2001, at bakit mahalaga pa ito sa susunod na mga pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Kalahok ako sa pag-aalsang EDSA 2 na magdiriwing ng ika-10 taong anibersaryo ngayong taon. Bahagi ako noon ng kilusan ng kabataan at estudyante at tagapangulo ng grupong pangkabataan na Anakbayan. Ito ang maikli at personal na salaysay ng mga karanasan ko.

Para sa mga naghahangad ng pagbabago sa bansa, maraming aral na maaaring mapulot sa nagdaang 10 taon mula nang maganap ang EDSA 2.  Kabilang sa mga kakaharapin nating ay ang paniningil sa rehimeng Arroyo, ang pangunahing nakinabang ng pag-aalsa. Sa paggunita sa EDSA, sa kabila ngmahigit siyam na taon ng rehimeng Arroyo, hindi tayo dapat mahulog sa sinisismo sa usapin ng “people power.”

Edsa Dos: Lakas ng mga mamamayan para mabago ang pamunuan ng gobyerno. (Boy Bagwis)
Edsa Dos: Lakas ng mga mamamayan para mabago ang pamunuan ng gobyerno. (Boy Bagwis)

Enero 16 nagsimula ang yugto sa kasaysayan ng Pilipinas na tinaguriang pag-aalsang EDSA 2 People Power, na dumulo sa pagpapatalsik sa noo’y pangulong Joseph Estrada mula sa Malakanyang noong Enero 20. Nagsimula ang mga protesta noong gabi ng Enero 16 nang magmartsa ang mga estudyante, kabataan at iba’t ibang grupo patungong EDSA Shrine para magsagawa ng programang protesta. Naganap ang protesta dahil sa pagtanggi ng Senado na bukas ang ikalawang envelope na naglalaman ng impormasyon hinggil sa isang bank account na diumano’y pag-aari ni Pangulong Estrada.

Lumahok ako sa mga kilos-protesta noong Enero 17, nagmartsa kasama ang mga estudyante at guro ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na tinatayang umabot sa 15,000 katao. Nanatili kami sa EDSA hanggang hatinggabi at bumalik sa sumunod na araw.

Itinuturing ang kabataan na pinakamarami sa mga lumahok sa EDSA 2. Bahagi kami ng Estrada Resign Youth Movement (ERYM) noong panahong iyon.Kabilang dito ang Anakbayan, League of Filipino Students (LFS), National Union of Students of the Philippines (NUSP), College Editors’ Guild of the Philippines (CEGP), Student Christian Movement (SCM) at iba pang konseho ng mga mag-aaral at organisasyon. Kasama namin noon  sina Mon Pagdangangan (na namatay ilang taon matapos ang EDSA 2) at China Cojuangco (sa bahay ng kanyang magulang sa Forbes kami nagpupulong). Kasama rin sa ilan sa mga pulong si Mark Leviste, ngayo’y bise-gobernador ng Batangas.

Itim ang itinakdang opisyal na kulay ng protesta. Pero sa anumang dahilan, hindi ako nakapagsuot ng itim noon.

EDSA 2 ang unang panahong talagang tinangkilik ko ang Metro Rail Transit (MRT). Isinakay ng linya ng tren na ito ang libu-libong tao mula Quezon City at Manila na gusting lumahok sa kilos-protesta. Naaalala kong nauubos ang tao sa mga tren pagdating sa estasyon sa Ortigas. Ito ang pinakamabilis at pinakamurang pamamaraan ng transportasyon sa panahong isinara sa trapiko ang erya ng EDSA Ortigas. (Fast forward ng sampung taon, nakatakdang itaas nang 50-100 porsiyento ang pasahe sa MRT.)

Naaalala kong maraming “balimbing” noong panahong iyon, iyong mga nag-atras ng suporta kay Erap sa pinakahuling sandali at pumunta sa EDSA. ’Yung iba, na-boo ng mga tao. May ibang pinigilang magsalita sa entablado.

Nagsalita ako sa madla noong ikaapat na araw, halos alas-sais ng umaga na. Inatasan akong magbigay ng ahitasyon bago ang martsa patungong Mendiola. Noong panahong iyon, hindi lahat kumbinsidong kailangang magmartsa kami patungong Mendiola, pero ang karamihan, handa nang mag-martsa. Pansin ko ito mula sa reaksiyon ng mga tao habang nagtatalumpati ako.

Nagpapunta na kami ng advance team ng ilang libong aktibista mula sa iba’t ibang sector para pumunta sa Manila at ihanda ang mga tao para sa pagdating ng pangunahing martsa noong umaga ng Enero 20. Madaling araw iyon ng Enero 20. Nasa pormasyon na para magmartsa ang pinakamalaking bulto ng mga puwersa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa kanto ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) sa EDSA at sa Ortigas Avenue. Malakas at solido ang hitsura ng mga contingent ng iba’t ibang puwersa na nakatipon sa EDSA noong araw na iyon. Ibinigay ang hudyat para magmartsa noong 6 pm. Inanunsiyo ito ni Teddy Casino, pangkalahatang kalihim ng Bayan. May isa pang anunsiyo na nagsabing may mga grupong mananatili sa EDSA (mga ilang relihiyosong grupo).

Mahabang martsa iyon mula sa EDSA Shrine, patungong Shaw, patungong Sta. Mesa, hanggang Nagtahan, Lacson, Espana, Morayta, hanggang Recto. Alam ng lahat na hindi magandang dumaan sa San Juan. (Matapos ang apat na taon, muli akong makakalahok sa isang pang mahabang martsa mula EDSA Shrine patungo naman ng Makati, noong ideklara ni Arroyo ang isang state of emergency.)