Pinoy Weekly

Presyo ng langis bilang epekto ng deregulasyon (2)

(Huli sa dalawang bahagi)

Deregulasyon daw ang solusyon sa patuloy na konsumisyon. Malaking abala man sa mga motorista’t mananakay (commuter) ang pabago-bagong presyo ng mga produktong petrolyo, sa bandang huli naman daw ay sila rin ang makikinabang sa kalakarang ito.

Ang benepisyo, para sa mga yumayakap sa patakarang globalisasyon, ay maaaring sumahin sa dalawang salita: Malayang kompetisyon. Kung hahayaan daw kasi ang mga kompanya ng langis na magtakda ng presyo, mangyayari daw ang pababaan ng pagbenta para makakuha mas maraming kostumer. Bukod sa mababang presyo, mas gaganda raw ang serbisyo tulad ng libreng paglilinis ng windshield, paglalagay ng tubig sa radiator at marami pang iba.

Noong dekada 90 ba inilako ang ganitong ideya ng pagtatanggal ng regulasyon sa downstream oil industry para diumano sa kabutihan ng mamamayan. Pero mula noon hanggang ngayon, sunud-sunod na ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, bagama’t nagkaroon din naman ng rollback sa mga ito.

Hindi maikakailang ibang-iba na ang presyo ngayon kumpara noong Abril 1996 nang magsimula ang deregulasyon ng downstream oil industry sa Pilipinas sa ilalim ng Republic Act No. 9190 (na pinawalang-bisa ng Korte Suprema noong 1997 at pinalitan ng ikalawang batas, ang RA No. 8479, noong 1998).

Noong Abril 1996, ang gasolina at diesel ay nagkakahalaga lang ng P9.50 at P7.03 bawat litro. Ang LPG naman ay P145.15 ang bawat 11-kilong cylinder na karaniwang ginagamit sa mga bahay.

Ayon sa Oil Monitor (1 February 2011) ng Department of Energy, ang price range ng gasolina ay P47.55-P48.89 bawat litro, samantalang ang diesel ay P39.20-P41.35 bawat litro. Sa kaso ng 11-kg LPG, ito naman ay P686.00-P743.00. Aba, nangangahulugan po ito ng mahigit 400 porsiyentong pagtaas sa presyo ng gasolina, diesel at LPG sa loob ng 15 taon!

Madaling ipasa ang sisi sa hindi-raw-maiiwasang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan (world market). Pero ang paghuhugas-kamay na ito ng mga nasa kapangyarihan ay hindi sapat para matugunan ang dagdag-pahirap sa mga dati nang naghihirap.

Duda ako kung kontento na ang nakararaming mamamayan sa simpleng paliwanag na may mga puwersang labas sa kontrol ng mga nasa kapangyarihan. Kung pagbabatayan ang malawakang pagtutol sa pagtaas hindi lang ng pagtaas ng presyo ng langis kundi ng pamasahe sa pampublikong transportasyon, hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang kalakaran at parating may pagtatanong kung may alternatibo pa ba sa deregulasyon.

Siguro’y makakadagdag pa sa nararamdamang galit ng mamamayan ang katotohanang may malaking pakinabang ang pamahalaan tuwing tumataas ang presyo ng langis. Salamat sa value-added tax (VAT), nakasisiguro ng pagtaas ng kita ang pamahalaan para sa mga produktong petrolyo na araw-araw na kinokonsumo ng milyon-milyong Pilipino. Matatandaang ipinatupad ang Reformed Value-Added Tax (RVAT) noong Nobyembre 1, 2005 na kung saan itinaas ang VAT mula 10 porsiyento papuntang 12 porsiyento at sinaklaw ang produktong petrolyo sa VAT.

Dahil ang VAT ay isang buwis na ad valorem, tumataas ang buwis na binabayaran depende sa pag-akyat ng presyo. Siyempre, mas mababa ang napupunta sa gobyerno tuwing nagkakaroon ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Para sa mga drayber ng dyip na gumagamit ng diesel, ang price range na P39.20-P41.35 bawat litro ay nangangahulugan ng VAT na P4.70-P4.96 bawat litro. Kung halimbawa’y sampung litro ang ipinakarga ng isang drayber sa kanyang dyip, simple lang ang ibig sabihin nito: Kumita nang halos P50 ang pamahalaan mula sa kanyang pamamasada!

At sa bawat pagbili ng LPG nina nanay at tatay, ang P686.00-P753.00 na binabayaran ay nangangahulugan ng VAT na P82.32-P90.36. Opo, kumikita ang pamahalaan sa bawat pag-order mo ng LPG!

Hindi tuloy nakakagulat na noong 2009, lumalabas sa preliminary data ng Department of Finance (DOF) na umabot sa P20.5 bilyon ang koleksiyon mula sa VAT sa mga produktong petrolyo. Ito ay 27 porsiyento ng kabuuang net revenue impact ng VAT na P75.9 bilyon para sa nasabing taon.

Malaking palaisipan ba para sa iyo kung bakit ang isang pamahalaang diumano’y maka-mahirap ay lalo pang nagpapahirap sa mamamayan? Sa aking palagay, hindi na masyadong nakakagulat ang ganitong kalakaran kung iisiping ang pamahalaan ngayon ay tinitingnan ang industriya ng langis bilang negosyong dapat pagkakitaan.

Sa kontekso ng nagtataasang pamasahe, dapat talagang manawagan hindi lang ng rollback sa presyo ng langis kundi sa pagbabasura ng dalawang pangunahing batas – ang deregulasyon ng downstream oil industry at ang VAT na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=11793

Danilo Araña Arao Posted by on Feb 7 2011. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Presyo ng langis bilang epekto ng deregulasyon (2)”

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes