Pinoy Weekly

Pambansang kilos-protesta laban sa pagtaas ng presyo ng langis ikinasa

Walang kita. Bitbit ng mga drayber ang walang lamang lagayan ng kanilang kita, anila mga kompanya ng langis ang humuhuthot sa kakarampot nilang kita. Nakatakdang makiisa ang mga drayber at miyembro ng transport sector sa pambansang protesta laban sa taas-presyo ng langis sa Marso 28. (Macky Macaspac)

Walang kita. Bitbit ng mga drayber ang walang lamang lagayan ng kanilang kita, anila mga kompanya ng langis ang humuhuthot sa kakarampot nilang kita. Nakatakdang makiisa ang mga drayber at miyembro ng transport sector sa pambansang protesta laban sa taas-presyo ng langis sa Marso 28. (Macky Macaspac)

Maglulunsad ng isang pambansang kilos protesta ang mga militanteng grupo sa darating na Marso 31 upang tutulan ang walang humpay na pagsirit ng presyo ng langis at ang diumano, overpricing nito.

Sa isang press conference, inilatag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Anakpawis at Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ang plano ng protesta na diumano’y hindi lamang sa Metro Manila magaganap kundi sa buong kapuluan.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, matindi umano ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis hindi lamang sa mga drayber ng pampublikong sasakyan na kadalasang gumagamit ng mga produktong langis. Apektado rin ang mga manggagawa, magsasaka at ordinaryong mga mamamayan dahil hinahatak umano ng pagtaas ng presyo ng langis ang mga batayang bilihin at serbisyo.

“Ang P404 na minimum na sahod ay hindi na sapat, ang totoong halaga ng minimum na sahod ngayon ay P240 pesos na lamang,” ani Labog.  Kalakhan umano ng mga mamamayan ang hindi na makayanan ang taas ng mga bilihin, dahil sa hatak ng presyo ng langis.

Sinabi din ng grupo na simula ng umupo ang administrasyong Aquino, wala umano itong aksiyon upang awatin ang mga kompanya ng langis sa pagtaas ng presyo ng kanilang produkto.

Hinayaan umano ng Department of Energy na umabot sa halagang P46.50 ang diesel mula sa presyo nitong P32 at ayon sa grupo, lumalabas umanong mayroong overpricing na P7.50 ngayong Marso mula sa P6.72 kada litro sa pasimula ng taong 2011. “Inutil ang DOE,” ani Labog. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Sa pambansang protesta ng militanteng mga grupo, kanila umanong ipapanawagan sa administrasyong Aquino ang kagyat na pagpapatigil sa pagtaas ng presyo ng langis o price freeze, pagtanggal sa Expanded Value Added Tax (EVAT), pagbasura sa Oil Deregulation Law at pagsasabansa sa industriya ng langis bilang pagwasak sa monopolyo ng mga kompanya ng langis.

Ayon naman kay Joel Maglunsod, pangalawang tagapangulo ng Anakpawis Party-list, itutulak nila sa Kamara ang kagyat na pagsasabatas ng House Bill 4317 o panukalalang batas na magpapawalang bisa sa Oil Deregulation Law at ang panukalang batas para sa dagdag-sahod, ang P125 across the board wage increase.

“Ang mga batas na ito, kung maaprubahan ay magbibigay sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino ng pahinga mula sa matinding kahirapan at kagutuman,” ani Maglunsod.

Inilinaw naman ni George San Mateo, tagapangulo ng Piston, na hindi tigil-pasada ang kanilang ilulunsad sa darating na Marso 31. Lalahok daw ang mga drayber sa kilos protesta ng mga mamamayan sa pamamagitan ng karaban ng mga drayber at opereytor patungong mula sa Quezon City Circle patungong Mendiola.

“Partikular dito sa Metro Manila walang tigil-pasada, magkakaraban ang 200 sasakyan at sasanib sa iba’t ibang sektor sa Welcome Rotunda at magmamartsa patungong Mendiola,” paglilinaw ni San Mateo.

Sinabi rin ni San Mateo na sa rehiyon ng Mindanao, ilang bahagi ng Visayas at Central Luzon ay magkakaroon ng tigil-pasada ang mga drayber bilang protesta.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12618

Posted by on Mar 26 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes