Pinoy Weekly

Para sa hindi magtatapos ngayong taon sa kolehiyo

Wala kang karapatang malungkot. Dapat pa nga’y magsaya ka!

Kung bukas mong inaamin ang iyong pagkukulang, bakit ka nagmumukmok sa isang tabi? Walang dahilan para isiping ikaw ay talunan.

Bahagi ng “tagumpay” mo ngayon ang pagkilala sa sariling kakayahan, lalo na ang anumang kakulangan. Bahagi ng iyong personal na pag-unlad ang malalim na pang-unawa kung bakit hindi ka magtatapos ngayong taon sa kolehiyo.

Maniwala ka: Hindi nakakahiya ang sitwasyon mo ngayon.

Bumagsak ka ba sa isang kurso? Hindi ikaw ang unang nakaranas nito. Nagkamali ba ang iyong kolehiyo sa pagbibilang ng yunit at ngayon lang nalamang kulang ka pa sa kinakailangang bilang nito? Aba, malinaw na hindi mo kasalanan ito! Napilitan  ka bang tumigil pansamantala para maitaguyod ang iyong pamilya? Aba, lalong dapat ka pang kilalanin sa iyong kasipagan. May kinalaman ba sa pagiging aktibista ang iyong sitwasyon?

Huwag na huwag mong isiping isa kang talunan dahil lang napag-iwanan ka habang nakatakda nang magmartsa ang iba pa. Ang malalim na pag-intindi sa kinasasadlakan ay patunay ng isang klase ng edukasyong nasa iyo na.

Maniwala ka: Seremonya lang ang pagsusuot ng toga at pag-aayos ng sarili. Sapat na ang iyong natutuhan kung may pagkilala ka sa kahalagahan ng desisyong kinailangan mong gawin, pati na sa kabigatan ng sakripisyong kinailangan mong harapin. Maraming nakakapagtapos sa kolehiyo nang hindi natutuhan ang mga bagay na direktang naranasan mo na.

At dahil ang pagmamartsa’y puwede namang saka na lang maganap, hindi dapat mabigat sa iyong kalooban ang sitwasyon mo ngayon. Oo, naiintindihan naman natin ang kalungkutan ng iyong mga mahal sa buhay, lalo na ang iyong pinakamamahal na nanay at tatay. Malaki ang kanilang naipundar para sa iyong pag-aaral. Malaking bagay sa kanilang makita kang nagmamartsa para tumanggap ng pinakaaasam na diploma.

Dito pumapasok ang aking hamon sa iyo: Paano mo mahusay na maipapaliwanag sa iyong mga kaibigan at kapamilya ang konteksto ng iyong hindi pagtatapos ngayong taon? Paano mo pipiliin ang mga akmang salita habang taas-noo mong sinasabi ang konteksto ng iyong pinagdaanan (o malamang na kasalukuyan pa ring pinagdaraanan)?

May tagumpay kang dapat na ipaalam sa kanila, bagama’t kailangan ng mahabang paliwanag. Ang pagkakaantala ay hindi nangangahulugan ng tuluyang pagsuko. Ang pagtatapos ay mangyayari’t mangyayari din naman. Alam mo man ang kahalagahan ng paggampan ng pang-akademikong gawain, may malinaw na dahilan kung bakit may iba ka pang dapat bigyang-pansin sa kasalukuyan.

At kung ikaw ay isang aktibistang patuloy na kumikilos para sa makabuluhang pagbabago, malamang na kasama ka sa “sumpa” ng pagpapahaba ng pananatili sa iyong kurso. Maaaring inabutan ka na ng nakababatang kapatid sa pagtuntong sa kolehiyo. Baka pa nga masabayan ka pa niya sa iyong pagtatapos sa malapit na hinaharap.

Maraming problemang kinakaharap ang iyong pamantasan at ang buong lipunan. Maraming gawaing dapat gampanan. Maraming kampanyang dapat tutukan. Sa ayaw mo’t sa gusto, nahihila ka sa kung anu-anong dapat asikasuhin – pagsasalita, pagsusulat, pagbibigay ng pag-aaral at pakikipag-usap sa kung kani-kanino at sa kung saan-saan.

Minsa’y naisasakripisyo mo ang iyong pag-aaral kaya napipilitan kang lumiban sa klase para sa tingin mo’y mas mahalagang gawain sa pagkakataong iyon. Pero mabilis ka namang bumabawi dahil alam mong mahalaga pa rin ang pag-aaral sa loob ng silid-aralan. At dahil pinili mong pasanin ang sanlaksang problemang kinakaharap ng bayan, madalas na hindi mo na rin nakakayanan ang sobrang dami ng kailangang gawin kaya pikit-mata mong tinatanggap ang resulta ng iyong pansamantalang pagtalikod sa gawaing pang-akademiko.

Bilang isang mulat na guro, hindi ko ito tinitingnan bilang sinadyang kapabayaan, kahit na malinaw na ito ay hindi-maiiwasang pagkukulang. Pero higit pa sa indibidwal na kasalanan ay ang mas malawak na pagsusuri sa iyong kinasasadlakan. May kinalaman ba ang lipunang iyong ginagalawan? May kaugnayan ba ito sa mga polisya’t programa ng pamahalaan?

Sa konteksto ng iyong hindi pagtatapos, malinaw na may sakripisyo kang ginawa. Dapat na taas-noo mong tanggapin ang resulta.

Oo, hindi ka magmamartsa. Walang medalyang isasabit sa iyong leeg at wala kang makukuhang parangal mula sa mga nasa kapangyarihan. Pero maniwala kang ang pagkilala’y dapat mong maramdaman hindi lang sa sarili kundi sa iba pang taong pinili mong pagsilbihan.

Dahil alam kong ang iyong hindi pagtatapos ay hindi lang produkto ng personal na katamaran, inaasahan kong makukuha mo rin ang iyong diploma sa mga susunod na taon. Huwag kang magpadala sa argumentong ang talino ay nasusukat lamang sa pang-akademikong grado. Ang antas ng iyong kamulatan ngayon ay patunay na hindi nakikita sa ganda ng diploma o kinang ng medalya ang kahusayan at kagalingan ng isang tao.

Ang pagpili mong magsilbi sa iyong mahal sa buhay at maging sa bayan ay higit na kapuri-puri kumpara sa mga walang-pakialam na nagtapos. Ang tanging tagumpay lang nila ay dagdagan ang palamuting isasabit sa dingding.

Patuloy mong tingnan ang iyong hindi pagtatapos bilang isang klase ng tagumpay tungo sa iyong pagmumulat sa realidad ng lipunan, isang perspektibang hindi tahasang naiintindihan ng lahat ng may diploma. Oo, mahalaga ang diploma para sa personal na pag-usad pero higit na mahalaga ang pagkilos para sa panlipunang pag-unlad.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12729

Danilo Araña Arao Posted by on Apr 2 2011. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in (Kolum), Konteksto (444 of 758 articles)