Ano’ng naghihintay sa mga fresh grad?
Wala pa ring sense of urgency sa mga problemang malaki ang danyos sa buhay ng mga Pilipino at kalagayan ng bansa. Dahil sa kakulangan ng aksiyon, kinabukasan ng isang buong henerasyon ang magdurusa.
Ilang daang libong mga mag-aaral sa kolehiyo ang inaasahang magtatapos ngayong 2023. Subalit nariyan din ang reyalidad na walang kasiguraduhan ang pagkakaroon ng permanenteng trabaho lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya sa bansa.
Ayon sa sarbey ng Social Weather Station nitong Marso, malaking bilang ng mga college graduate ang kabilang sa mga unemployed sa Pilipinas. Tinatayang 36% ng mga Pilipinong walang trabaho ang nasa edad 18-24 at 24% naman sa edad 25-34. Nasa 11% naman ng mga walang trabaho ang nakapagtapos ng kolehiyo.
Samakatuwid, malaking bahagi ng populasyon ng mga walang trabaho ay kabilang sa youth at young professional age range.
Dagdag pa sa mga kinakaharap ng henerasyon ngayon ang pagkakaroon ng mataas na kuwalipikasyon na hinahanap ng mga employer na mas nagpapailap sa oportunidad para sa mga bagong graduate, lalo na’t mayorya ay nag-aral sa pamamagitan ng mga online class at modular learning noong panahon ng lockdown.
Ayon pa sa Philippine Statistics Authority, nagkaroon din ng epekto sa paghubog ng soft skills ang biglaang pag-isolate sa mga mag-aaral, pagsasara ng mga paaralan at pagkawala ng mga pisikal na aktibidad na nakakapag-socialize sa mga estudyante sa panahong iyon.
Ayon sa Commission on Human Rights, sadyang kulang sa soft skills at nagkaroon ng culture shock ang mga bagong graduate dahil sa transition mula sa online class patungo sa pagtatrabaho. Mas lapitin din diumano ng mga online scam at fake job opening.
Napag-usapan na rin ang isyu sa Senado.
Iginiit ni Sen. Sonny Angara na matagal nang issue ang kakulangan sa soft skill sa mga kabataan kahit bago pa man ang pandemya.
“We have to invest in human capacity especially while our people are still young and equip them with skills which will be useful and practical in life,” ayon naman kay Sen. Koko Pimentel.
Salungat naman sa mga naunang pahayag ng mga senador, binigyang diin naman ni Sen. Grace Poe na dapat bigyang pansin ng pamahalaan at bigyang prayoridad ang nasabing isyu sa edukasyon at trabaho.
Sa kabila ng mga graduation ceremony sa bansa ngayon, wala pa ring malinaw na plano ang pamahalaan sa nagbabadyang unemployment ng mga fresh graduate.
Wala pa ring programa na maaaring sumuporta at maging pundasyon ng Class of 2023 para sa pagkakaroon ng stable na trabaho nang walang diskriminasyon dahil sa kakulangan na aktuwal na karanasan dahil sa pandemya.
Hanggang ngayon, hindi pa rin napagtutuunan ng administrasyon ang kahalagahan ng paglalatag ng malinaw na plano at programa sa publiko. Wala pa ring sense of urgency sa mga problemang malaki ang danyos sa buhay ng mga Pilipino at kalagayan ng bansa. Dahil sa kakulangan ng aksiyon, kinabukasan ng isang buong henerasyon ang magdurusa.
Bakit walang natututo sa kasabihang “nasa huli ang pagsisisi?” Hindi pa ba ramdam ng mga nasa itaas ang gumuguhong buhay ng mayorya ng mamamayan?