Noynoy binatikos sa pagpanig sa kapitalista, pagbalewala sa manggagawa


Lumusob sa Mendiola Bridge malapit sa Malakanyang ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) upang kondenahin ang tahasang pahayag ni Pang. Benigno Aquino III sa mga employer na hindi niya itutulak ang isang legislated wage hike.

Bitay sa manggagawa. Ipinakita ng mga manggagawa ang anila'y unti-unting pagbitay sa kanila ng mga kapitalsita at gobyernong Aquino dahil sa pagtangging ibigaay ang makabuluhang dagdag-sahod. (Macky Macaspac)
Ipinakita ng mga manggagawa ang anila'y unti-unting pagbitay sa kanila ng mga kapitalista at gobyernong Aquino dahil sa pagtangging ibigay ang makabuluhang dagdag-sahod. (Macky Macaspac)

Lumusob sa Mendiola Bridge malapit sa Malakanyang ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) upang kondenahin ang tahasang pahayag ni Pang. Benigno Aquino III sa mga employer na hindi niya itutulak ang isang legislated wage hike.

Inihayag ng Pangulo sa harapan ng mga employer sa kanilang pambansang komperensiya sa Marriot Hotel sa Pasay City na hindi umano hihingin ng gobyernong ipasa ng Kongreso ang across-the wage board na dagdag-sahod tulad ng ipinapanawagan ng KMU at iba pang grupo ng mga manggagawa.

Sinabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU, na direktang sinalungat ng Pangulo ang panawagan ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod.  “Ito ang pinaka-direktang pagtanggi ni Noynoy sa mga panawagan ng mga manggagawa para sa makabuluhang sahod  at sa pagsasabatas ng dagdag-sahod,” aniya.

Sinabi din ng lider-manggagawa na hindi nakakagulat ang mga pahayag ni Aquino kahit ilang araw pa lamang ang nakaraan mula nang magprotesta ang libu-libong manggagawa sa buong bansa upang ipanawagan ang makabuluhang dagdag-sahod.

“Nakakapagngitngit ang pag-ayaw ni Noynoy,” ani Soluta.

Nanawagan rin ang KMU sa Kongreso na agarang ipasa ang panukalang batas hinggil sa P125 dagdag-sahod. “Wala kaming pag-asang mabibigyan ng makabuluhang dagdag-sahod kung iaasa lang namin ito sa regional wage boards,” ayon kay Soluta.

Nauna nang hinamon ng KMU si Aquino sa isang debate hinggil sa isyu ng sahod ngunit tumanggi umano ang Pangulo.

Diumano, kaya lamang ni Aquino na magsalita sa harap ng mga employer dahil interes umano nila ang kanyang prayoridad. “Pinangakuan niya na patuloy na pagtubo ng mga kapitalista habang tinatanggihan ang panawagan ng mga manggagawa  para sa makabuluhang dagdag-sahod,” dagdag ni Soluta.

Binanatan rin ng KMU ang “panggagatong” ng American Chamber of Commerce of the Philippines sa boses ng mga kapitalistang tumatanggi sa makabuluhang dagdag-sahod dahil magreresulta umano ito sa pagsasara ng mga pagawaan at malawakang tanggalan sa trabaho.

“Ang pahayag ng AmCham ay patunay lamang sa aming punto. Sasabihin ng mga kapitalista ang lahat ng dahilan upang harangan ang panawagan namin para sa makabuluhang dagdag-sahod,” ani Soluta.

Samantala, nagmartsa rin ang daan-daang kawani, nars at doktor patungong Mendiola at ipinanawagan ang kagyat na makabuluhang dagdag-suweldo sa lahat ng kawani na nagsaserbisyong pangkalusugan. Ipinanawagan nila ang kagyat na pagpapatupad sa salary grade 15 para sa mga nars at salary grade 24 para naman sa mga doktor.

Sa kanilang pahayag, nanatili umanong mababa ang suweldo ng mga kawani sa pampublikong mga ospital habang ang mga kompanya ng langis ay patuloy sa pagkamal ng malaking tubo dulot ng overpricing.

Prinsipe ng kagutuman at prinsesa ng mababang pasahod-idinaan ng mga manggagawang pangkalusugan ang kanilang protesta sa anyo ng santacruzan sa Mendiola. Ang protesta ng AHW ay kaalinsabay ng paggunita noong Mayo 6 sa Health Workers Day. (Macky Macaspac)
Prinsipe ng kagutuman at prinsesa ng mababang pasahod-idinaan ng mga manggagawang pangkalusugan ang kanilang protesta sa anyo ng santacruzan sa Mendiola. Ang protesta ng AHW ay kaalinsabay ng paggunita noong Mayo 6 sa Health Workers Day. (Macky Macaspac)

“Iniiwasan ni Pangulong Aquino ang pag-apruba sa makabuluhang dagdag-sahod at suweldo sa buong bansa sa pamamagitan ng pag-atas nito sa mga regional tripartite wage  board at  pag-utos sa maagang pagbibigay ng mga lumang benepisyo at mga dati nang naaprubahang salary adjustment,” pahayag ng Alliance of Health Workers (AHW).

Ayon pa sa grupo, sa kabila ng mababang suweldo ng mga kawani sa serbisyong pangkalusugan,  patuloy umanong tumataas ang halaga ng serbisyo nito dulot umano ng pagkaltas sa badyet ng pampublikong mga ospital partikular na ang maintenance at iba pang gastusin saoperasyon ng mga ito.

“Aalisin ng administrasyong Aquino ang subsidyo sa mga pampublikong ospital sa taong 2014, at ang Personnel Services sa taong 2020,” ayon sa grupo.

Nagbanta rin ang grupo na ang pagsasapribado umano sa serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng sentrong programa ng public-private partnership ng gobyerno ay magdudulot sa paglala ng kalagayang pangkalusugan ng mga mamamayan.

Diumano, ang mga ospital na kasama sa proyektong PPP  ay San Lazaro, Philippine Orthopedic Center, Research Institute for Tropical Medicine, Eversely Child’s Sanitarium at Western Visasyas Sanitarium.

“Walang pinagkaiba ang Pangulo sa mga pinalitan niyang pangulo. Hindi ito ang tuwid na daan katulad ng pangako ng administrasyong Aquino,” ayon sa AHW.